‘Lottong Melyonaryo’ sa panalo sa PCSO Lotto?

ANAK ng lotteng naman talaga itong kaibigan natin na si PCSO general manager, Melquiades ‘Melyonaryo’ Robles.

Hindi raw niya alam at ngayon lang niya paiimbestigahan ang pinasabog ni  Senador Raffy Tulfo nitong Martes, Marso 12, na isa raw ‘Lotto bettor’ ay nanalo ng 20 beses?!

Hindi po nanalo ang super “Melyonaryo” na ito sa loob ng isa o dalawang taon — dalawampung beses nanalo ang tinamaan ng swerteng bettor na ito, ayon kay Sen. Raffy, sa loob lamang ng isang buwan, ganern?!

At may isa pa na 10 ulit na naka-jackpot din sa Lotto ni Melyonaryo sa loob din ng isang buwan!

Aba, ipa-register na natin ito sa “Believe It Or Not” at sa Guinness Book of World Records!

Nabisto ang kagila-gilalas na milagrong ito sa nakuhang list of winners ng Lotto na ibinigay raw ng Philippine Charity Sweepstakes Office, mismo, kay Sen. Raffy.

Hmm, teka, naalaala ko ang ibinulgar ni Sandra Cam, dating PCSO director, na marami raw nilolotong panalo itong Lotto operation ni GM Melyonaryo.

Mga korap daw ang marami sa PCSO, at tinukoy ni Sandra Cam si ‘Melyonaryo.’ Oops! Hindi po tayo ang nagbansag nito, bagkus, ito ang itinawag sa kanya ni First Lady Liza Marcos nang batiin niya si Robles sa ika-60 kaarawan nito noong Enero 20.

Pinasalamatan ni FL Liza si Mel, sinabing “We love you, Mel,” at idinugtong, “Sama-sama tayong babangon muli para maging milyonaryo.”

Wow, sana, kasama tayo sa pagbangong muli at maging milyonaryo rin tulad nina Melyonaryo at ni FL Liza. Kumbaga, ‘sana all!’

***

Ayon sa pag-aaral, ang tsansa na swertehing manalo sa Powerball o Mega Millions sa US ay one in 292.2 million or 302.5 million.

E, dito sa atin, sa anim (6) na numero na makaka-jackpot sa  Grand Lotto 6/55 ang odds o tsansa na manalo ay one (1) in 28,989,675, at isa ang nanalo  sa biggest jackpot na P741.17 million!

Sa Mega Lotto 6/45, ang tsansa mo na manalo ay one (1) in 8,145,060 milyon, at sa Ultra Lotto 6/58, ang tsansa na manalo ay one (1) in 40,457,358 million at ang pinakamalaking premyo jackpot ay umabot sa P1.18 billion!

Sa Super Lotto 6/49, the odds: one (1) to 13,983,816 million at sa Philippine Lotto ay one (1) to 5,245,786 chance of winning the jackpot prize.

Sa US, tanging si Stefan Mandel, isang Romanian-Australian economist at mathematician ang nairekord na tumama ng 15 na ulit sa lottery, at ayon sa kanya, nakagawa siya ng isang sistema upang “makalkula” niya ang numerong mananalo sa lotto.

Hmmm, baka rocket scientist ang lucky winner ng lotto natin na 20-beses na nanalo ng jackpot at mathematician katulad ni Mandel ang nanalo ng 10-beses sa loob lamang ng isang buwan?

Ayokong isipin pero, napapaisip ako: Sa milyon-milyong beses na kailangan mong tumaya ng kumbinasyong anim (6) na numero para tatama ng jackpot, tama bang paniwalaan ang sinabi ni Sandra Cam na “niluluto” o binubudol ni Melyonaryo ang pera ng madlang mananaya?

Pero sabi ni Sen. Raffy, baka raw magkapangalan ang mga winner, pero ang tanong niya, pare-pareho ‘yung premyong pinanalunan at bakit paulit-ulit sa loob ng isang buwan?

***

Inaabot ng isa o higit pang dalawa o tatlong buwan bago madale ang jackpot prize, pero nang maging PCSO Chairman si Robles, mas malimit sa buwanang dalaw ng mga babae ang nakaka-jackpot, kaya, hindi masisisi ang taumbayan na paniwalaang hinohokus-pokus at binubudol ang numerong nananalo ng jackpot?

Noong unang Senate hearing sa nakapagdududang panalo sa Lotto, buong tapang na sinabi ni Melyonaryo na hindi nila dinadaya ang mananaya, aniya: “We would like to assure you that you can never, never manipulate it. Kaya nga allowed kami mag-bet, Mr. Chair.

“Even I can bet because it’s beyond me. Even if we wanted to, with the system we have, we cannot.”

Ayaw naming magduda, pero ang madalas na panalo, linggo-linggo sa Lotto mo, Mr. Melyonaryo, aba, kung may konting sentido kumon po kayo, masisira ang ulo mo sa kaiisip na sa ‘odds’ na milyon-milyong ulit laban sa isang taya ay mananalo ng 20 at 10 times ang isang winner?!

Kung hindi ito dinadaya at binubudol, aba, baka may bolang kristal at may ‘Magic Eye’ ang madalas na manalo ng Lotto ng PCSO? Sanabagan!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).