Maging ligtas tayo sa araw ng halalan!

MAHIGIT dalawang buwan na lang ay lilisanin na ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Palasyo ng Malakanyang,  pagkatapos ng kanyang anim na taong panunungkulan.

Siyempre, pagpasok nang bagong administrasyon, mapapalitan na ang mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte.

Marami rin ang mababago, lalo na sa Bureau of Customs (BOC), ang tinaguriang “snake-infested” na ahensiya ng gobyerno.

Hindi lang ang mga matataas na opisyal ng Bureau of Customs (BoC) kundi pati mga patakaran at kalakaran ay malamang magbago.

Ang siste, magkakaroon na naman ng “wait and see” attitude ang mga opisyal, tauhan ng BoC, mga port user, pati na ang mga negosyante o importador at customs brokers.

Ganyan kadalasan ang nangyayari sa tuwing magkakaroon ng bagong hepe ang Aduana.

Nagpa-pakiramdaman muna dahil hindi pa nila kilala ang istilo at kung ano ang mga ipatutupad na pagbabago.

Sa hanay naman ng mga mamamahayag, siguradong bibigyan muna ng “honeymoon” period ang bagong upong hepe.

Sa totoo lang, ang mga waterfront-based journalist, na kinabibilangan ng mga beteranong editor, reporter at broadcaster, ay tinatawag na “fiscalizer” sa Aduana.

Sila ang “eyes and ears” ng sambayanang Pilipino sa pantalan kung saan dumarating ang libo-libong container vans na naglalaman ng imported goods araw-araw.

Sa pamamagitan ng mga mamamahayag ay nababantayan din ng taumbayan ang mga katarataduhang ginagawa ng ilang tiwaling kawani at opisyal ng gobyerno, pati na ng mga kasabwat nila sa pribadong sektor.

Sa tingin natin, mahalagang magkaroon ng magandang ugnayan ang mga taga-gobyerno, importador, customs broker, at ang mga mamamahayag.

Trabaho lang, walang personalan.

***

Malaking  sakit ng ulo ng mga taga-Commission on Elections (Comelec), nangg taumbayan, lalo na ng  mga botante, ang mga kumakalat na “fake news.”

Sa totoo lang, perhuwisyo ito sa mga sinisiraang kandidato dahil may mga taong naniniwala kaagad sa mga pekeng balitang naglalabasan sa social media.

Ang mga pekeng balitang ito ang madalas na sanhi ng matinding awayan ng mga kandidato at kanilang mga supporter.

Ang masakit, karamihan pa naman sa mga supporter ay magkakamag-anak, magkakaibigan, at magkakapitbahay, lalo na sa mga lalawigan.

Ganyan ang mga die-hard followers. Akala mo sila ang mga politiko.

Iyan ang katotohanang nangyayari ngayon habang papalapit ang eleksyon.

Kina-career nila ang politika.

Hindi nila alam baka pagkatapos ng eleksyon, magkakasundo rin ang mga magkakatunggaling politiko.

Alam niyo naman dito sa atin, usong-uso ang “political turncoatism” hindi lang sa mga lokal na lider kundi maging sa mga national leader.

Inaasahang dadami ang bilang ng mga “political butterfly” paglabas ng resulta ng halalan sa Mayo 9.

Kung sabagay, normal lang naman sa makakapal ang mukhang politiko ang madalas na pagpalit ng “political color.”

***

Pagboto natin sa Mayo 9, huwag natin kalimutang sumunod sa mga health at safety protocol para maiwasan ang pagsirit uli ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa.`

Hindi dapat rumagasa muli ang virus dahil lang sa kapabayaan natin.

Mahalaga sa ating lahat ang makaboto para mawala na sa ating lipunan ang katiwalian at korapsyon.

Madali lang namang sundin ang mga bagay na iniuutos ng Commission on Elections (Comelec) para maging ligtas tayo sa araw ng halalan.

Dapat magsuot tayo ng maskara, face shield at magpakuha ng body temperature para payagan tayong makaboto.

Huwag naman tayong pasaway.

Hindi biro ang muling pagtaas ng kaso ng COVID 19 sa ibang bansa.

Let’s go out and vote safely on May 9!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment