NAGING laman ngayon ng mga debate ang naging pahayag ni Senator-elect Robin ‘Binoe’ Padilla na handa na umano itong makipagdebate sa Senado gamit ang Tagalog. Dahil alam naman nating lahat na kapag nagkakaroon ng mga pagdinig o deliberasyon ng mga panukalang batas, nakasaad ito sa wikang Ingles.
Wala namang ilegal dito, katunayan, isinasaad din naman sa ating Saligang Batas na ang wikang Ingles ay opisyal nating wika.
Alam naman nating lahat na dahil sa pananakop ng ‘Tadong Unidos sa ating bansa, kanilang ginawang sistematiko ang paggamit ng wikang Ingles sa bansa bilang opisyal na wika, pero hindi dahil gusto nilang tayong matutong mag-Ingles kundi kasangkapan ito para sa kanilang pananakop.
Tandaan natin na ginamit ng mga Amerikano ang edukasyon upang i-brainwash ang mga Pilipino para ipatanggap na hindi sila mananakop kundi mga kaibigan daw. Siyempre ginamit ang wikang Ingles bilang midyum sa pagtuturo.
Sa pananakop nila kinontrol ang kaisipan ng mga Pilipino na lahat ng mga bagay na galing sa mga Amerikano ay ‘superior’ kumpara sa mga gawang Pilipino at kahit sa iba pang mga bansa.
At syempre, kasama na dito ang wika. Ang kolonyal na mentalidad na pinakinabangan ng mga elistista sa lipunan ang naging pundasyon ng wikang Ingles bilang wika umano ng mga edukado at matatalino.
Iyan ang katotohanan na mayroon sa ating bansa na kapag magaling ka sa wikang Ingles, matalino ka na o di kaya’y edukado ka na. Na kapag hindi ka marunong mag-Ingles ay hindi ka aasenso o kadalasan pinagtatawanan at sinasabihang “bobo.”
Kapag nanood ka ng mga pagdinig sa Kamara at Senado makikita natin kung paano kagagaling magsalita ng Ingles ang mga butihin nating Senador. Pero nasan ang Pilipinas ngayon? Kung wikang Ingles ang solusyon sa kahirapan bakit mababa pa rin ang suweldo ni Juan?
Sa tuwing may mga pagdinig sa Kongreso at Senado, sa totoo lang hindi kasama ang sambayanang Pilipino dahil sa wika pa lamang ay inihihiwalay na natin sila.
Marami ang kumukutya kay Senator-elect Padilla pero para sa mga ordinaryong tao, nakakakita sila ng pag-asa. Natatawa ang mga elitista pero nagbubunyi ang masa dahil sa wakas aasahan nila na mas mauunawaan nila ang ginagawa ng Senado.
Sana hindi lang magamit ni Senator-elect Padilla ang paggamit ng wikang Filipino sa Senado kundi makapagpasa ng mga batas na may kaugnayan dito upang maingat naman ang kalidad ng ating wika.
Nakakalungkot dahil noong maupo si dating presidente Noynoy Aquino ay pinayagan na tanggalin ang mga Filipino subject sa kolehiyo sa bisa ng Ched Memo. No. 20. Series of 2013.
Isa pa, nasa Saligang Batas din natin na dapat isinusulong ang paggamit ng wikang Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon sa gobyerno, edukasyon at iba pa. Kaya walang tawa-tawa dito. Nasanay lang tayo sa mga utak ng mga nagpoposturang matalino.
Magandang bigyan natin ng pagkakataon si Senator-elect Padilla dahil matagal na nating nakikita ang sinserong pagmamalasakit sa bayan. May limitasyon man ang kaniyang wika sa nakasanayan ng mga tradisyunal na politiko pero nakikita po nating “dadalhin” niya ang tunay na mga Pilipino.
Dahil sa totoo lang, wala po sa kasanayan sa dayuhang wika ang talino ng isang tao. Nasa laman po ng kanilang sinasabi. Kung sinasabi pa nila ay may kabuluhan lalo na sa kapakanan ng nakararami. Magaling ka ngang mag-Ingles, puro sariling interes naman ang isinusulong.
At syempre maliban sa sinasabi, mahalaga din ang gawa. Magaling ka ngang mag-Ingles pero interes naman ng Amerikano ang laging isinusulong. Nasan ang talino doon? Makasariling talino mayroon, pero makabayang talino, wala.
Sa totoo lang nagagawa naman ng mga senador natin na gamitin ang wikang Filipino sa Senado dahil unang-una hindi naman ipinagbabawal ang paggamit dito.
Sa totoo lang, dapat lang na laging gamitin ang wikang Filipino para mas maraming mamamayan ang makaunawa kung anu-ano ang pinaggagawa ng mga senador natin.
Hindi naman mahirap ang mag-Tagalog. Ang mahirap puro ka nga Ingles wala namang naniniwala sa iyo dahil unang-una, hindi ka maintindihan ng mga tao.
Hindi mga Amerikano ang kausap natin kundi mga Pilipino. Kaya may tama doon si Senator Binoe! Maliban na lang kung para sa Amerikano talaga ang Senado natin. Mukhang hindi naman. Tama ba?