Malaya at Parehas na Pamamahayag

DAHIL sa hiling ng ilan nating mga masugid na tagasubay hinggil sa usapin ng malaya at parehas na pamamahayag, narito po ang ilang mahahalagang punto de bista kung naging parehas nga, malaya at tunay na para sa bayan ang isang pahayagan, broadcast station.

Para sa inyong kaalaman dear readers, serbisyo sa bayan ang isa sa tunay na dahilan kaya ginarantiyahan ng ating Konstitusyon ang malayang pamamahayag.

Gaya ng alam natin, makapangyarihan ang media sa paghubog sa isip, pagkilos at anyo ng isang gobyerno at ng mga institusyon.

Kaya mahalaga na naging fair and accurate ang media sa pagganap ng tungkuling ito sa ngalan ng paglilingkod sa bayan.

Paano ba natin malalaman na parehas nga, malaya at tunay na para sa bayan ang isang pahayagan, broadcast station?

Sino ba ang sources o bukal ng balita?

Maging mapansinin tayo sa linyang politikal ng pinagkukuhanan o sources ng balita.

Tingnan kung ang lahat ng isyu o sources ng balita ay maingat na nailalahad at naipahahayag.

Baka isa o dalawang panig lamang ang naisisiwalat at ibinabalita sa publiko.

***

Kung ganito, ang “balita” ay para lamang sa interes ng iilang grupo at hindi ang interes ng publiko.

Mahalagang alamin din, sino o sino-sino ang mga tao o grupong namamahala sa isang media corporation.

Sumusunod ba ang mga media outlet na ito, ayon sa sa itinakda at iniuutos ng batas, at ayon sa lisensiyado prangkisang ipinagkaloob ng estado?

Suriin kung kaninong punto de bista ang mga balita at ito ba ay direktang may pakinabang ang publiko o nagnanais lamang na pagandahin, palutangin ang imahe o interes ng isang indibidwal, samahan o partdo politikal o ng mga korporasyon sa negosyo.

Ano ba ang mabuti o masamang epekto ng balita o isyu sa sambayanan o sektor ng mga tao o ng buong lipunan?

Baka ang balita ay tungkol sa double standards at diskriminasyon sa mga pangkat dahil sa lahi, kulay ng balat, itsura o dahil sa paninindigang politikal o ideolohikal?

***

Sa kabila ng sinasabing malaya at parehas na pagtrato sa tao, anomang kulay, anomang relihiyon o lahi, nananatili pa rin ang diskriminasyon sa ating lipunan, at ito ay madalas na iniuulat, pinalalaki at pinaiinit ng media.

Itim versus puti sa Amerika ay isang magandang halimbawa ng hindi pagiging parehas na pamamahayag.

Sa atin, may tinatawag na DDS na naging aktibo at lantad sa panahon ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte versus Yellow, pulahan etc. ang naging labanan.

Kaya kahit tama ang panig ng DDS, pulahan o ng Yellow, walang nagiging malinaw na paliwanagan at lutang na lutang ang bias sa politika, at hindi rito nakikinabang ang taumbayan.

Kaya sa palitan ng paliwanag at akusasyon, nangingibabaw ang “kulay” o kiling sa politika.

Walang natutunan ang bayan kungdi ang salungat, kontrahan, awayang ang bunga ay pagkawatak-watak ng mamamayan.

***

Sa halip na mapagkaisa ng media ang mamamayan at ang gobyerno tungo sa iisang kilos para malutas ang malulubhang problema at isyu, nagagamit ang media upang maghiwa-hiwalay, magbanatan at hangaring wasakin ng isang panig ang itinuturing na “kaaway.”

Ngayon na tayo ay nasa internet age at modernong igpaw ng telekomunikasyon, naging mahalagang bahagi na ang social media at dito, ang nangyayari ay labo-labo na.

Sa isang banda, nagagawa ng taumbayan, gamit ang social media at iba pang media platform na malinaw ang mga isyu ng laganap na disinformation tulad ng fake news, at sinasadyang maitim na propaganda.

Kung noon ay hawak ng iilang oligarko at maiimpluwensiyang pangkatin ang balita at pananaw ng bansa, gamit ang social media, ngayon ay ganap ng kasali at kalahok ang taumbayan sa paghahanap ng tunay at malayang pamamahayag na maglilingkod sa kanilang sariling interes at kabutihan.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment