Manila CTO kumolekta ng P9.4B nitong Hunyo

MAS mapapadali, mas sigurado na ang sistema ng pagbabayad ng mga buwis at obligasyon sa Bureau of Customs (BOC) gamit ang PHILPost website http://www.philpost.gov.ph.

Ibinalita ito ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero kasunod ng nilagdaan kamakailan na  isang memorandum of agreement (MOA) ng Philippine Postal Corporation (PHiLPost) at Bureau of Customs (BOC) sa layuning mawala ang katiwalian at pagsunod rin sa iniuutos ng Republic Act 11032 na mas kilala sa tawag na Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act.

Batay sa MOA, nagkasundo ang BOC at PHILPost na pabilisin ang transaksiyon sa pagbabayad ng buwis gamit ang online payment system.

Sa kasunduan, gagawing simple, mabilis ang proseso at paghahatid at pagpapadala ng mga bagay, pakete, parsela na mula sa ibang bansa.

Ayon kay Commissioner Guerrero, makapagbibigay ng malaking ginhawa sa libo-libong parukyanong gumagamit ng serbisyo ng koreo ang sistemang online payment at magpapalakas pa ito sa industriya ng e-commerce.

Gayunman, magagamit lamang ang sistemang online payment patungkol sa pagkukuwenta, pagsusuri at pagtukoy sa mga takdang buwis at iba pang bayarin sa BOC, ayon sa nilagdaang kasunduan ng dalawang ahensiya ng gobyerno.

Ginagawa na ang Implementing Rules and Regulations (IRRs) kaugnay ng MOA, at ipatutupad ito upang maging maayos ang transaksiyon at proseso sa mga bayaring buwis, multa at iba pa na dapat kolektahin ng BOC.

Niliwanag ni Postmaster General Norman Fulgencio na sa pagpapatupad ng IRRs sa online payment system, makasasabay ang Post Office sa mabilis na transakyon gamit ang digital innovation sa lokal at internasyonal na merkado.

“Napakahalaga na malaman ng publiko na may obligasyon tulad ng customs duties at iba pang bayarin ang lahat ng pakete, sulat o anomang parsela na ipinadadala mula sa ibang bansa,” sabi ni Fulgencio.

Unang ipinakilala sa publiko ang pagbabayad ng buwis sa Customs sa pamamagitan ng website at mobile application noong Mayo 19, 2022, na dinaluhan pa ni dating Pang. Rodrigo Duterte.

“Itong MOA para sa mabilis na paraan ng pagbabayad ng buwis ay isang Duterte Legacy… isang napakagandang pamana sa atin ng dating administrasyon ni Pangulong Duterte na magbibigay ng malaking ginhawa sa ating taumbayan,” sabi ni Comm. Guerrero.

Idinagdag naman ni Fulgencio na patuloy na magbibigay ng mabuting serbisyo ang PHILPost sa publiko, lalo na sa ilalim ng bagong administrasyon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.

***

“Magiging bukas tayo sa pagtanggap ng mga puna at suhestiyon mula sa kahit sino.”

Kaugnay ito sa pangako ni Manila Mayor Dra.Honey Lacuna-Pangan nitong Hulyo 1, kung saan pinirmahan niya ang Executive Order No. 1 tungkol sa bukas at lantad na gawaing bayan sa lungsod.

Tinawag na Policy of Truth, Transparency, and Responsiveness in Governance, sinabi ng unang babaeng alkalde ng Maynila na paggarantiya sa  pagsasapubliko ng lahat ng mga gawaing bayan sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang platform sa public information.

Isa ito, ayon sa alkalde, na paraan upang maiwasan ang katiwalian at mabigyan ng maayos na paraan ang publiko upang malaman kung paano ginagampanan ng mga opisyal at kawani ang tungkulin sa pamahalaang lungsod.

Tiniyak ni Mayora Lacuna na palalakasin pa ang pagbibigay ng de kalidad at libreng edukasyon at maayos na pasilidad ng mga publikong paaralan sa Maynila.

Aniya, maayos na gagamitin ang Special Education Fund upang mas palakasin ang kasanayan at kakayahan ng mga guro upang mahusay na maturuan ang mga estudyante.

Tiniyak din ni Lacuna ang tuloy-tuloy na  suportang pinansiyal sa lahat ng Grade 12 Senior High School Students at sa lahat ng Manilenyong nag-aaral sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at  Universidad de Manila (UDM).

Kasunod nito inatasan ng  alkalde ang  Human Resource Management Office (HRMO) na gumawa ng programa upang mapahusay at mapataas ang kasanayan at kalidad ng serbisyo publiko sa pagbibigay ng  pagsasanay at pag-aaral, paghahanap ng mga scholarship grants at iba pang tulong para makatapos ng pag-aaral o makapasa sa civil service exams ang mga kawani upang umasenso at mabigyang pagkakataon sa promosyon.

***

Hinikayat ni Mayora Dra. Honey sa City Treasurers Office (CTO) at sa iba pang ahensiya ng city hall na pagsikapang palakihin ang koleksiyon upang maiwasan ang pagtataas ng singil sa buwis sa lunsod.

Ginawa ito ni Lacuna kasunod ng natanggap na ulat mula sa CTO na nakakolekta ito sa huling araw ng Hunyo ng P9,421,499,637.29.

Pansin pa ni Mayora Honey, katumbas ito ng  42.44 porsiyentio ng inilaang P22.2 bilyon  na Executive Budget ng Maynila ngayong 2022.

Upang mas mapalakas pa ang pagkolekta ng buwis, inutusan ni Lacuna ang lahat ng revenue generating office na magpakasipag na pataasin ang paglikom ng buwis.

Ito ay upang magkaroon ng sapat na pondo na maitutustos sa lahat ng pangangailangan at obligasyon ng pamahalaang lungsod sa mamamayang Manilenyo at sa publiko.

Hiningi rin ni Dra. Lacuna ang tulong ng bagong halal na Bise Alkalde Yul Servo Nieto at ang 38 konsehal ng Manila City Council na magpasa ng mga ordinansa at resolusyong magbibigay ng maayos, masinop at episyenteng paglilingkod para sa mapayapa at maunlad na Maynila.

Sa kanyang mensahe sa Inaugural Session of the 12th City Council nitong Lunes, Hulyo 4, 2022, pinuri at pinasalamatan ni Lacuna si dating Yorme Isko Moreno na nagpakita ng pagmamahal at malasakit sa mamamayang Manilenyo.

“Ituloy natin ang pagbuo ng isang magandang kinabukasan para sa ating minamahal na lungsod,” sabi ni Mayora Lacuna.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment