Maraming naglalaway na maging hepe ng BoC, BIR

APAT na buwan na lang ay uupo na ang mahahalal na pangulo ng bansa.

Inaasahang agad na bubuo ng Gabinete ang bagong pangulo.

Pagdating naman sa mahahalagang ahensiya, dalawa sa mga uunahing lagyan ng bagong hepe ay ang Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na marami ang naglalaway sa upuan ng BoC at BIR commissioner.

Hindi na ito nakapagtataka dahil ang akala ng marami ay isang malawak na “minahan” ang mga nabanggit na ahensiya.

Siguro ang BoC at BIR ay isang “gold mine” sa isang “tiwaling lingkod-bayan.”

Sa totoo lang, maraming naging opisyal ng BoC at BIR ang lumayas sa gobyerno na luhaan.

Pero ang “snake-infested” na waterfront ay isang “impiyerno” sa isang matinong opisyal ng gobyerno.

Hindi nila kinakaya ang sari-saring pressure na kung saan-saan nanggagaling.

Kritikal ang papel na gagampanan ng magiging bagong customs at BIR commissioner.

Kailangang-kailangan ng papasok na administrasyon ng pondo dahil lugmok ang ating ekonomiya.

Hindi puwedeng korap at antukin ang papalit kina Customs Chief Rey Leonardo Guerrero at BIR Comm. Caesar Dulay.

Kailangang maging firm at buo ang loob kung ayaw nilang lamunin sila ng mga daratnan nilang buwaya, buwitre, sawa at iba pang demonyo sa kanilang ahensiya.

Kailangan din nila maging mapagmatyag upang hindi sila mapaikutan ng mga tiwaling negosyante.

Tsk tsk tsk.

***

Painit na ng painit ang pangangampanya ng mga kandidato sa parating na eleksyon.

Natutuwa naman tayo dahil matunog na matunog na ang pangalan ni dating PNP Chief Gen Guillermo Lorenzo Eleazar.

Hindi na ito nakapagtataka dahil talaga namang “darling” ng masang Pinoy si Eleazar.

Sa tagal niya sa militar at pulisya ay walang masamang tinapay ang naibato sa kanya.

Naging maayos ang pamamahala niya nang pamunuan niya ang pambansang pulisya.

Lalo siyang napamahal sa publiko nang magretiro sa gobyerno.

Pero imbes na magpahinga ay nagdesisyon siyang tumakbo sa pagka-senador sa parating na halalan.

Nasa dugo na talaga niya ang paglilingkod sa bayan.

***

Huwag na sanang lumalala pa ang gulo sa Ukraine. Kung hindi ay baka marami ang magutom.

Sobra na ang taas ng presyo ng mga bilihin dahil sa patuloy na oil price hikes.

Kapag lumalala ang sitwasyon sa Ukraine ay apektado ang daloy ng mga produktong petrolyo.

Lalo pang tataas ang presyo ng mga  produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Wala naman tayong magagawa kundi magtiis dahil dumedepende tayo sa imported oil.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-7624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment