SA pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa mga ipinagbabawal na gamot, hirap na rin ang mga mga nagtatanim ng marijuana sa Pilipinas.
Pati pala Espanya sa Europa ay pinanggagalingan na ng tinatawag na kush.
Maliban sa popular na shabu, ang tinatawag na “poor man’s cocaine,” ang kush o marijuana ang isa sa mga paboritong gamit ng mga adik sa ating bansa.
Kamakailan nga ay nakasakote ang mga taga-Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark sa Pampanga ng 231 grams ng marijuana na nagkakahalaga ng P392,700.
Nagmula sa Madrid, Espanya, ang unang kargamento na naglalaman ng kush o marijuana ay dumating sa Port of Clark noong Marso 27, ayon sa customs bureau.
Ang pangalawang shipment, na galing naman ng Barcelona, Spain, ay dumating sa Clark noong Abril 3.
Ang mga kargamento ay naka-address sa mga consignee sa Quezon City at Marikina City.
Nadiskubre ng mga tauhan ng Port of Clark ang mga kontrabando na nakalagay sa limang pouches nang idaan nila sa scanning machines ang dalawang shipment.
Ang mga kontrabando ay agarang ibinigay ng mga tauhan ng BOC-Port of Clark sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) “for proper disposition.”
Another good job, mga bossing diyan sa Port of Clark.
****
Ang binabantayan ng taumbayan ay kung sinu-sino ang ilalagay ng bagong Presidente na mamuno sa mga mahahalagang departmento, opisina at ahensya.
Sa pagpili ng department o office heads ay dapat marinig ng Malakanyang ang opinyon ng masang Pilipino dahil sila ang maaapektuhan ng desisyon ng mga alter ego ng Pangulo.
Noong nasa Malakanyang si nasirang Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino ay madalas nating marinig sa kanya ito: “Kayo (taumbayan) ang boss ko.”
Pero nangyari ba ito? Sa tingin ng marami ay kabaligtaran ang nangyari dahil maraming desisyon ang gobyerno na lalong nagpahirap sa taumbayan, lalo na sa mga mahihirap.
Nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng “goods and services” na ikinadismaya ng taumbayan.
Kaya dapat i-record natin, sa pamamagitan ng cellular phone at iba pang gadget, ang mga ipinapangako ng mga kandidato para paulit-ulit nating iparinig at ipakita sa publiko kung iba ang gagawin ng mga mananalong pulitiko.
Sa Pilipinas, maraming magagandang programa at pangako ang naririnig natin kung panahon ng kampanya.
Ang masakit na katotohanan, marami sa mga pangako ay mananatiling pangako lamang hanggang sa susunod na eleksyon.
Pero wala ng magagawa ang taumbayan dahil nasa puwesto na nga sila at kailangang magtiis na lang tayong lahat. Nakakainis!
***
Matatagalan pa bago mapasama ang Pilipinas sa tinatawag na “industrialized countries.”
Mananatili pa tayong aasa sa sektor ng agrikultura.
At ang dami pa nating nakatiwangwang na agricultural lands dahil sa dami ng mga kababayan nating nasa ibang bansa.
Lahat na yata ay gustong magtrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) dahil sa liit ng kinikita ng mga magsasaka at mangingisda.
Panahon na para palaguin natin ang agriculture sector ng bansa sa pamamagitan ng pagpili ng mga pro-farmer na lider.
Hindi katulad ng ibang mga opisyal na imbes na gumawa ng paraan para mapaunlad ang pagsasaka sa bansa, sila pa ang gumagawa ng problema para may “makulimbat.”
Walang mangyayari sa atin kung walang malasakit sa mga magsasaka at mangingisda ang bagong administrasyon.
Dapat unahin natin i-promote at tangkilikin ang mga produkto natin bago tayo mag-import.
Hindi masama ang umangkat ng mga pangangailangan natin pero huwag tayong mag-import ng mga produkto na meron naman tayo sa bansa, kagaya ng bigas, mais at gulay.
Tulungan natin ang mga kababayan nating nagbubungkal ng lupa at hindi ang mga dayuhang magsasaka.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)