ANG heat index ng 2022 presidential race ay nasa 51 centigrade na raw, na ang balita, frontliner ay ang Sara Duterte-Bongbong Marcos o vice versa.
Pero ang latest, tipong si dating Defense Sec. Gibo Teodoro na raw ang ipapares kay Mayor Sara at etsapuwera na si BBM, ay nalintikan na?
Kaya ang maugong, baka raw ang kuhaning bise ni BBM ay si Sen. Manny Pacquiao na desidido naman na tumakbong presidente, lalo at balitang isang taga-ABS-CBN ang kinuha nitong numero unong propagandista na may initial fund na P50-milyon.
Mataas ang rating ni Yorme Isko Moreno sa survey at marami raw grupong bilyonaryo ang buma-back-up sa kanya, basta pumayag na lalabang pangulo sa 2022.
May padaplis na siya na hindi raw siya pabor na “ipamana” ang liderato sa bansa: si Mayora Sara ba ang pinariringgan ni Yorme?
Maging si Pasig Mayor Vico Sotto ay umupak na rin nang patutsadahan na dapat daw ay hindi mula sa isang pamilya manggaling ang sino mang mamumuno sa gobyerno.
Nakalimutan ni Vico na family dynasty rin sila: Senate President ang tito niya si Tito Sotto; ang pinsan niyang si Gian Carlo Sotto ay vice mayor ng QC; nominadong partylist ang pinsang si Ciarra Sotto; naging QC councilor ang maka-Duterteng singer at tito niyang si Anthony Castelo at pinsan niya si QC councilor Karlo Castelo.
Mukhang out na ang pabago-bago ang isip na si VP Leni Robredo sa presidential race, kasi mas type niyang kumandidatong Camarines Sur governor, sabi ni dating Camarines Sur Cong. Rolando ‘Rolly’ Andaya ng bayan ng Libmanan.
Eh, si dating Associate Justice Antonio Carpio ay biglang natahimik nang magsalita si Manong Johnny Enrile na wala naman palang mangyayari sa “arbitration award” kahit pa isampa sa Security Council ng UN, kasi isang veto lang ng China, tapos na ang ating protesta.
At sino itong si “Ruth Carpio” ayon sa Google ay si Ms. Bach Yen Nguyen, isang Vietnamese na kasama ni AJ Carpio sa official delegation nang magsampa ang Pinas ng reklamo sa Permanent Court of Arbitration. Misis raw pala ni AJ Carpio si Ms. Bach Yen Nguyen.
Kaya raw ba ang China lamang ang dinidikdik ni AJ Carpio, gayong mas marami palang isla at bahura ang inokupa ng Vietnam mula pa noon 1978 at hanggang ngayon.
Bakit daw hindi inuusig ni Carpio ang Vietnam at bakit China lamang ang mainam nitong binabanatan?
Anyare na po sa inyo, AJ Carpio?
Malamig na “bangkay” na ang ambisyon ni Sen. Grace Poe kasi, kulelat din siya sa survey, kasama sina Sen. Dick Gordon, Sen. Ping Lacson at sina Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Frank Drilon.
E, si Sen. Risa Hontiveros ay nanganganib na hindi na mare-elect sa Mayo 2022.
Patay na nga – kung ngayon ang eleksiyon– ang ambisyon na makabalik sa Malakanyang ang 1Sambayan.
***
KUNG tatakbo nga si Yorme sa Panguluhan, wow, magiging masaya ang rambulan sa Maynila.
Kasi, sabi sa mga survey, at sa pulso ng Manilenyo, sureball uli sa city hall kung magre-reelect si Yorme Isko.
Pero kung tumakbo nga siya na presidente, malawak ang karerahan na mabubuksan.
Tumakbo kaya uli si dating mayor at partylist Cong. Lito Atienza?
Eniwey, matunog na aarangkada si 1st district Cong. Manny Lopez, anak ng dating Mayor Mel Lopez.
Balwarte ng pamilyang Lopez ang District 1 at 2.
Nagpaparamdam na rin daw si Dist. 3 Cong. Yul Servo na dating konsehal rin ng Maynila.
Kung sa District 1 at 2, ang mga Lopez pa rin ang kingpin aba’y sa Dist. 3, maganda ang ngiti ng dating aktor, konsehal at incumbent Congressman Yul Servo, pero ‘wag pakakasiguro kasi, hindi nawawala ang kisig ng dating konsehal at kasalukuyang Secretary to the Mayor na si Bernie Ang.
***
Kung iiwan nga ni Yorme Isko ang cityhall, mabigat na kalaban ang incumbent Vice Mayor Dr. Honey Honrado Lacuna-Pangan.
Bagyo sa Manilenyo ang iniwang agimat at alamat ni dating VMayor Danny Lacuna na siyang GodFather ni Mayor Isko sa politika.
Itong tatay ni Vice Mayor Dr. Honey ang umampon kay Yorme Isko at napakalaki ng isinugal para maging tatlong ulit na konsehal at tatlong ulit na vice mayor si Isko bago naging pinakabatang alkalde ng Maynila.
Makabalik pa kaya sa cityhall ang pangalang Bagatsing ng District 5 at nagpaparamdam na rin si Cong. Benny Abante, dating Cong. Sandy Ocampo at former fiscal at dating majority floor leader, Atty. Casimiro ‘Cassy’ Sison ng District 6.
Wala pang kumpirmasyon ang tsismis na tatakbo ngang mayor ng Maynila si dating Sen. Jinggoy Estrada, pero malakas ang bulungan na tatakbo siyang senador.
Kung sasali si Jinggoy sa rambulan, ay tiyak na kaysaya-saya ang fiesta-politika sa Maynila!
Pero bago tayo magsaya, e ang tanong, nakapagparehistro ka na ba at botante ka ba sa 2022?
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).