Matatag, malakas pa rin sa kanyang ika-69 taon ang NPC!

YES, dear readers. Binabasa ninyo ito, ipinagdiwang noong Biyernes, Oktubre 29, 2021, ang ika-69 anibersaryo ng National Press Club of the Philippines (NPC) bitbit ang ating temang “Strong and Resilient @ 69.”

Ito ang ating napiling tema ngayong taon dahil nagpapakita ito ng ating mga napagdaanan partikular sa gitna ng pandemya.

Hindi naging madali ang ating hinarap mula nitong nakaraang taon sa kasagsagan ng pandemya. Sa totoo lamang hindi kakayanin ng NPC nang mag-isa kung walang tumulong na mga indibiduwal at organisasyon para makapagbigay tayo ng ayuda sa ating mga kasamahan sa media at sa iba pa nating mga naghihirap na kababayan.

At siyempre, nagpapasalamat din tayo sa mga opisyal at miyembro na tumulong sa mga panahon na ito mula sa pagrerepake at paghahanap ng mga magbibigay ng donasyon.

Talagang marami sa ating mga kapatid sa hanapbuhay ang naapektuhan ng pandemyang ito.

May mga nawalan ng trabaho at mga publikasyon na pansamantalang nagsara dahil dito.

Hindi tayo naupo na lamang at “tinitigan” ang naghihirap nating mga kapatid sa hanapbuhay. Pinili nating kumilos para masigurong tayo ay makatulong.

Sa kabila din ng pandemya, ipinagpatuloy natin ang iba’t ibang mga programa ng NPC para makapagbigay ng serbisyo sa ating mga kapatid sa hanapbuhay.

Naipagpatuloy rin natin ating weekly media forum na ‘Meet the Press Report to the Nation’ tuwing Biyernes ng umaga via Zoom at siyempre sa FB page ng NPC at sa ating YouTube channel.

Nagpapasalamat tayo sa ating mga sponsors na patuloy na nagtitiwala at sumusuporta sa ating media forum. At syempre sa ating mga naging panauhin sa ating program na patuloy na natitiwala sa atin.

Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Hindi ko man kayo maisa-isa dito pero asahan ninyong hindi makakalimot ang NPC sa inyo.

***

Ang lahat ng mga ito ay hindi naging posible kung hindi tayo naging matatag sa mga pagsubok na dumaan sa ating organisasyon.

Malaki ang naging hamon sa atin na harapin ang mga problemang ito na bago pa man ang pandemya ay patuloy ang ating pagpupursige para maibalik ang dangal at respeto sa NPC pagkatapos “babuyin” ng mga unang naupo sa puwesto.

Sa kabila ng mga pambabatikos sa ating mga naging aksiyon lalo na sa paglilinis sa ating hanay, napagtagumpayan natin ito.

Naririyan na tinanggal natin sa ating listahan ang mga hindi karapat-dapat na maging miyembro ng ating organisasyon. Kaya naman sa mga ito nagmula ang mga walang basehang paratang na ipinakakalat para sirain ang NPC. Ang totoo sila pa ang may mga kawalanghiyaang ginawa sa ating organisasyon.

Pero nagpapasalamat tayo sa mga miyembro na nakikita ang katotohanan sa mga pagbabagong ating ginagawa para sa ating organisasyon at sa ating propesyon.

Sa mga miyembro natin na hindi nagpapadala sa mga intriga at patuloy na ipinagtatanggol tayo sa mga intrigang ito, salamat sa inyo, mga kapatid.

Alam natin kahit ilang intriga pa ang ibato sa atin hindi mapapasinungalingan ang katotohanang nasa kanilang harapan na ibang-iba na ang NPC ngayon.

Patuloy tayong pinatatag ng mga pagsubok, kasama na ang COVID-19.

Pinili nating hindi magpatalo. Ngayon, matatag tayong nakatayo sa tuntungan ng tagumpay sa ika-69 taon na anibersaryo ng NPC.

Naging lakas natin ang bawat isa at napatunayan nating hindi intriga at pandemya ang sisira sa ating mga nasimulan.

Maraming-maraming salamat po at Maligayang Anibersaryo sa ating lahat!

Comments (0)
Add Comment