MATITIRIS TAYO NA PARANG IPIS

SANA ay ‘wag mauwi sa pagsiklab ng giyera sa pagitan ng United States (US) at China bunga ng umiinit na away at girian nila tungkol sa usapin ng “malayang paglalakbay” sa South China Sea (SCS).

Hinuhulaan ni Republican Congressman Ted Yoho ng House of Foreign Affairs subcommittee for Asia, na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, posibleng magsagupa ang China at US nang walang tigil na awayin ni US Secretary of State Mike Pompeo ang China na barumbado at “bully” sa patuloy na pagsakop sa malawak na teritoryo ng karagatan ng SCS — na inaangkin din ng Pilipinas, Malaysia, Brunei at Vietnam.

Umaabot sa apat na milyong kilometro kuwadrado ang lawak ng SCS (o West Philippine Sea) na matagal nang ginagamit na malayang ruta ng paglalakbay sa dagat ng maraming bansa.

Dahil sa pagtatayo ng maraming pasilidad militar at nabal sa mga Isla ng Spratlys at Scarborough Shoals, nalilimitahan na ang galaw ng industriya at negosyo sa karagatan na umaabot sa tatlong trilyong US dollar ang kalakalan at negosyong itinatawid sa SCS bawat taon.

Nang wala pa ang instalasyon militar at nabal sa South China Sea, malayang nakapaglalayag ang US sa karagatang ito at buong gilas nitong nailalantad sa mundo ang paghahari sa Asya; ngayon, na nakaharang ang puwersang pandagat at militar ng China, humina ang paghawak ng US sa militarisasyon, industriya, kalakalan at negosyo sa Asya — na noon ay solong kontrolado  ng Washington.

Sa pagkatayo ng mga pasilidad militar at nabal ng Beijing sa lugar, humina na at nawala na ang imahe ng US bilang “Number One Policeman of the World.”

Ayaw rin tanggapin ng China ang bintang ng US na sinasakop nila ang South China Sea; sabi ng Beijing, noon pa man ay teritoryo na nito ang karagatan at wala silang sinusuway na batas ng mundo tungkol sa malayang paglalayag, pangangatwiran ni Zhao Lijian, tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs.

Wala rin daw pakialam ang US sa teritoryong pinag-aagawan, sabi ng China pero imbes na tumigil ang US paulit-ulit na inakusahan nito ang China na sinusuway ang batas sa malayang paglalakbay at kalakalan.

Ngayon nga, patuloy ang pananawagan ng US na pigilan ang China sa pagkamkam ng iba pang teritoryo ng maliliit at mahihinang bansa sa Asya.

Ibinigay na halimbawa ng US ang agresibong pagtatayo ng China ng mga pasilidad militar, paliparan at mga modernong telekomunikasyon sa Scarborough at iba pang isla sa South China Sea.

Ayon sa mga eksperto, kaya nagwawala ang US dahil nawawala na ang malakas na poder militar nito sa rehiyon.

At sa paghina ng lakas militar nito, ang kasunod ay ang paghina rin ng pangingibabaw ng US sa industriya, ekonomya at politika sa buong rehiyon na ngayon ay nadodomina ng China.

Giyera lamang ang maaaring makapigil sa paglakas ng China.

Upang sindakin ang China, ipinadala ni President Donald Trump ang ilang aircraft carrier, mga bomber jets at barkong nuclear sa South China Sea, pero ano ang naging ganti ng China?

Kamakailan, ipinamalas ng People’s Liberation Army ang lakas nito sa pagpapasabog ng 3,000 missiles sa Paracel Island at pinalipad ang modernong J-11 bomber jets na kasinglakas at bilis ng F-15 Eagle jet ng US Air Force.

Hindi na rin natitinag ang China kahit malimit na naglayag ang ilang US Aircraft Carrier, kahit pa nagpalipad ng bomber jets at nagsagawa sila ng military exercises sa South China Sea, kasama ang Australia.

Nag-umpisang uminit ang China noong 2016 nang kampihan ni Trump ang desisyon ng United Nations Permanent Court of Arbitration sa pag-angkin ng Pilipinas sa Scarborough Shoal at Spratly Islands na ngayon ay may nakatayong instalasyong militar at mahigpit na binabantayan ng mga barkong de giyera ng Chinese Coast Guards at ng PLA.

Kung tumindi pa ang girian ng US at China, kanino kakampi ang Pilipinas?

Sa China ba na mayroon mainit na pakikipagkaibigan at matamis na relasyon ang administrasyong Duterte?

Ayon sa Mutual Defense Treaty, obligado ang Pilipinas na giyerahin din ang kalabang bansa ng US.

Kung mangyayari ang giyera ng US at China, maiipit tayo at matitiris na parang ipis ang Pilipinas!

(Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment