BAKIT sa kabila ng napakarami nating batas kontra sa mga iligalista/ismagler sa Bureau of Customs (BoC), hanggang ngayon ay daan-daan, kundi man, libong-libong mga ilegal na kargamento, ang nakalulusot?
May mga batas tayo sa Revised Penal Code na nagpaparusa sa mandaraya ng buwis, at mga special courts na nalikha para usigin, litisin at parusahan ang mga bigtime smugglers, pero bakit hanggang ngayon ay may nakalulusot pa rin na mga ilegal na kargamento?
Sobra-sobra nga, kung tutuusin at kung maipatutupad ng maayos ang mga batas, wala nang lugar pa para makapagpalusot kahit isang hibla ng sinulid o karayom ang isang ismagler.
Balitang-balita kasi na halos sa lahat ng pantalan ay may nangyayaring “kababalaghan” kaya patuloy ang pagpapalusot ng mga kontrabando/ilegal na mga kargamento.
Sadya bang pinalulusot ang mga nagpapalusot o inutil o kakutsaba ang mga tagapagpatupad ng batas at ang pamunuan ng BoC?
***
May makabayan pa bang tao sa gobyerno o may makabayan bang oligarko na nagsasabing sila ay Filipino at mapagmahal sa mamamayang Filipino?
Kung mayroon man, mabibilang sa daliri ng isang kamay ang mga multi-bilyonaryong Filipino na sa halip na magkawanggawa, sila pa ang nagpapahirap sa hirap na ngang mamamayan.
Ang nakalulungkot, may mga taong gobyerno na sumumpa na ipagtatanggol, tutulungan ang publikong mamamayan, at kung magpakita man ng pagkamakabayan ay pakitang-tao, lalo na sa panahon ng halalan, at kung magbibigay ng tulong, mas ang atensiyon ay publisidad, at pagmamapuri sa sarili.
Tignan ang rekord ng mga kaso sa mga hukuman, Ombudsman, Sandiganbayan, ang mga nasasakdal sa malalaking katiwalian, pandarambong, karumaldumal na krimen ay mga taong masasalapi, may malalaking impluwensiya at mga tanyag sa lipunan.
Hindi sa paglaban sa gobyerno maipakikita ang pagkamakabayan, ito ay magagawa sa pagiging madisiplina at pagiging masunurin sa batas, at sa matiyagang pagtatrabaho para sa sariling kagalingan ng pamilya.
Kapos man, maraming Filipino na nag-aabot ng tulong sa mga kapwa nilang nangangailangan at masinop sa paggalang sa kultura at tradisyong Filipino.
Ang masinop at maayos na paglikom at pagtapon ng basura ay isang paraan ng pagpapakita ng pagkamakabayan; ang simpleng pagsunod sa batas-trapiko, pagrespeto sa ating Watawat, at pagtangkilik sa mga gawa at produktong Filipino.
***
Korapsiyon: ito ay isa sa malaking problema sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas.
Napakarami na ring batas at kilusan, task force ang naitatag upang mabawasan ito, kungdi man mapuksa.
Transparency at mabilis na pagkuha, paghawak ng mga impormasyon, dokumento, ebidensiya laban sa mga tiwali, etc. Mayroong maraming solusyon na inihahain upang labanan ang korapsiyon, pero parang kulang pa rin.
Nangyayaring ang mga taong may tungkuling labanan ang korapsiyon ay kulang sa kakayahan at implementasyon o kaya ay kasabwat ng mga tiwali, at isa pa: walang kapangyarihan ang mga mamamayan na maging kalahok sa pagsusuri, mag-uusig at pagpaparusa sa mga korap.
Iminungkahi dati pa na baguhin ang sistema ng gobyerno, at gawin itong pederal at magkaroon ng jury system na dito, ang taumbayan ang may kapangyarihang tumimbang sa mga impormasyon, ebidensiya at mga pahayag ng testigo at mga ebidensiya upang mausig ang mga kilala, maiimpluwensiya korap at pabaya sa tungkulin at magparusa sa mga kriminal.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).