May magpautang pa kaya sa Pilipinas?

“MABIGAT” ang trabaho ng papalit kay Pangulong Rody Duterte.

Baon na tayo sa utang dahil sa dami ng mga problemang nangangailangan ng pera para mabigyang solusyon ang mga problema ng bansa

Nandiyan ang mga sunod-sunod na natural disasters partikular sa Mindanao, Visayas at Bicol na matinding hinagupit ng bagyong Odette.

Ang masakit pa, dalawang taon na tayong pinahihirapan ng Covid-l9.

Maraming nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga opisina.

Walang ginawa ang gobyerno kundi maglabas ng pera ni Juan dela Cruz para lang may maitulong sa mga nagugutom na tao.

Kaya nga pag-upo ng bagong pangulo sa Hunyo 30 ay puro problema ang kanyang aatupagin.

Saan kaya kukuha ng pera para tustusan ang mga pangangailangan ng gobyerno?

May magpautang pa kaya sa Pilipinas?

***

Ang mga kumakandidato sa pagka-presidente at bise presidente ay may kanya-kanyang katangian.

Sa tingin natin, lahat sa kanila ay kayang manungkulan bilang pangulo o pangalawang pangulo.

Napapaligiran sila ng magagaling na adviser.

Ang mahalaga ay magkaroon tayo ng matino at aktibong political opposition pagkatapos ng eleksyon.

Sa isang demokrasya, kailangan natin ng mga “fiscalizer.”

Hindi puwedeng panay na lang tayo “yes Sir” o “yes Ma’am” kahit na may nakikita tayong mali sa gobyerno.

Pero ang kailangan natin ay ”constructive at hindi destructive critics.”

Walang mangyayari sa atin kung ang mga “fiscalizer” ay lagi na lang naghahanap ng mali para siraan ang mga nakaupo sa gobyerno.

Ang dapat ay tulungan natin ang mga mananalo sa darating na eleksyon.

Upang makaahon naman ang sisinghap-singhap nating abang bansa.

***

Kailangang matigil na ang bilihan ng boto.

Ito ay kung gusto nating mabawasan ang mga katiwalian at pagnanakaw sa gobyerno.

Walang gagawin ang bumibili ng boto kundi bawiin ang nagastos kapag naupo na sil sa gobyerno.

May mga nangungutang pa para lang may pambili ng boto.

Kapag naman nanalo, kaya kasi niyang bayaran ang kanyang mga utang dahil gagawa na ng katiwalian.

At ikaw naman na nagbenta ng boto, hindi makapagreklamo dahil binayaran ka naman ng magnanakaw na nahalal.

Ano pa magagawa kundi magkamot ng ulo sa susunod na tatlo o anim na taon.

Malaking kahangalan ang pagbebenta ng boto para lang may pambili ng alak o pantustos sa bisyo!

(Para sa inyong komento o suhestiyon, tumawag o mag-text sa #09178624484/ email:tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment