May “problema” sa MMDA? At “best choice” na ‘Amba’

KAMAKAILAN, pormal na muling itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos si Romando Artes bilang Metro Manila Development Authority chairman.

Pinalitan ni chairman Artes si Carlo Dimayuga na “saglit” lang naupo sa puwesto.

Batay naman sa ‘qualification,’ masasabing mayroon naman siyang “K” dahil bukod sa pagiging CPA (certified public accountant) nagsilbi na rin si Artes bilang MMDA AGM noon pang 2017 hanggang maging GM noong 2021, sa mga huling buwan ng administrasyon ni Pang. Rody.

Bago ito, ibinulgar pa ng mga miron na nagtrabaho na rin si Nartes sa Senado bilang ‘legislative officer’ at ‘consultant’ naman sa Kongreso.

Ang “problema,” ayon sa mga miron, kasamang Bobby Ricohermoso, mukhang may isa pang mas “maangas” na estilong “consultant-cum-bosing” ni Artes dyan sa MMDA?

Naitanong pa tuloy nila, “tama” ba ang desisyon ni PBBM na iluklok si Artes sa pinakamataas na puwesto sa MMDA, na kritikal na tanggapan ng pamahalaan para mapanatili ang kaayusan sa Kalakhang Maynila?

Ang tinutukoy kasi nila ay ang umano’y “sobra angas,” ehek, “sobrang lakas” ng dating kay Artes nitong tinatawag nilang “Boss B” sa pamunuan ng MMDA, ganern?

Pansin pa ng ilang miron mula sa MMDA na ayaw magpabanggit ng pangalan dahil baka masibak sa kanilang trabaho, “kakaiba” o “sobrang dikit” itong si Artes dito kay Boss B!

Kung sino ang “boss” tuwing nag-uusap sila, ‘yan ang gusto nilang malaman, hehehe!

Dangan kasi, paano raw ba ang nangyayari at mistulang “Okay Sir” lang (daw) ang sagot ni Artes sa mga MMDA projects na “nakokopo” nitong si Boss B, gamit ang mga “kaibigan” nitong 3 kumpanya, wehh!

Hindi na muna natin pangalanan ang mga kumpanyang ito, dear readers, pero mainam na malaman ninyo na “bistado” na kayo, mga bosing kaya harinawa, hindi totoo ang bintang sa inyo at dito kay Boss B, hane?

Ang siste, PBBM, kahit umano mga ‘World Bank-assisted projects’ ng MMDA, nakokopo pa rin ng grupo ni Boss B—at “tameme” lang anila si chairman Artes. Ganern?

Eh, alam kaya ni Artes na kaya umano malakas pumusta ngayon sa “talpakan” (sabong) itong si Boss B dahil “kontralado” nga nito ang ‘bidding’ sa MMDA at ang mga gustong makasali, kailangan munang “maghatag,” aguy!

At pati umano mga flood-control projects ng MMDA na ang pondo ay ‘downloaded’ ng mga kongresista, nakopo na rin umano ng grupo ni Boss B? Totoo kaya?

Maging mga bidding sa solar streetlight projects sa kahabaan ng malalaking kalsada tulad ng EDSA, C-5 at Roxas Boulevard ay kontrolado din umano ng grupo nina Boss B at tanging mga kaibigang contractor din nila ang nananalo, whew!

Eh, kung “inosente” sa mga pangyayaring ito si Artes, siguro naman sa isyu ng mga ‘ghost employees’ sa MMDA na umano’y milyones din kada buwan ang nalulustay sa maniobra ng isang alias ‘Mel,’ puwede naman niyang silipin at imbestigahan?

Translation? Mukhang maraming dapat ipaliwanag si Chairman Artes tungkol sa mga kabulastugan diyan sa MMDA, tama ba, dear readers?

Naniniwala tayo na sinsero si PBBM sa hangarin na linisin mula sa katiwalian at  korapsyon ang pamahalaan.

Kaya sakaling biglang mawala sa MMDA si Artes dahil sa kawalan ng aksyon sa mga isyu sa kanyang ahensiya, hindi na magtataka ang publiko. Abangan!

***

Nabanggit na rin lang si PBBM, kasama tayo sa natutuwa, dear readers, na pinili niya bilang bagong Philippine Ambassador to China si veteran newsman, Jaime Flor Cruz, kapalit ng ating iginagalang at hinahangaan na si late Ambassador Chito Sta. Romana. Pumanaw si Amba Chito noong Abril 18, 2022 sa China matapos tamaan ng COVID-19.

Kasama ni Amba Chito si JF Cruz sa mga ‘na-stranded’ sa China matapos ideklara ni FEM ang batas militar noong 1972.

At katulad ni Chito, isa ring respetadong international journalist at ‘China Watcher’ si JF Cruz na malalim ang pagkaalam sa kasaysayan ng China at kaibigan din ng matataas na lider nito.

Sa panahon ngayon na pilit hinahatak ng ‘Tadong Unidos ang ‘Pinas bilang pambala sa kanyon sa inihahanda nitong giyera laban sa China, isang Jaime Flor Cruz ang kailangan natin bilang tagapamagitan natin sa pamahalaan ng China.

Dapat lang paspasan ng Commission on Appointments ang kanyang kumpirmasyon.

Malaking tulong ito sa Pilipinas!

Comments (0)
Add Comment