KUNG may magagandang ginagawa ngayon si Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ay atin siyang suportahan… purihin natin ang magaganda, ang masasama, ating kondenahin, ating usigin.
Sa huli, ating suriin dear readers, ano ang pinakamamahalagang nagawa at ginagawa ng ating pamahalaan para sa kabutihan ng bansa, at ano ba ang mabubuting bunga at pakinabang sa bayan ng mga proyektong mula sa bulsa ng tax payers/mamamayan?
Kaya kung ang isang programa o proyekto ay tumatama sa kaginhawahaan, sa kapakinabangan ng tao, ‘yun ay dapat nating purihin at suportahan.
Kaya sa mga masugid kong tagasubay, ngayon na ang panahon para wakasan ang mga maruming politika na siyang bunga ng kahirapan ng Pinoy at kung bakit tayo ay napag iwanan ng ibang kalapit nating mga bansa.
Sa huli, ay iisa pa rin ang kuwento: korapsiyon, kahirapan, kagutuman, matitinding pagsubok sa buhay.
Tama na ang mga away, laitan, batikusan, etc: Ngayong Pasko ay ibahin natin, gawin nating mabuti, maginhawa at masaya ang kuwento ng bawat pamilyang Pilipino.
***
Matunog na matunog ang bulungan, tatakbong independent presidential candidate si Sen. Raffy Tulfo — na sabi, talagang bentang-benta na sa bansa ang kanyang mahusay na trabaho sa Senado, lalo pa at nasusuportahan siya ng mga kaptid niya, sina ACT-CIS partylist Cong. Erwin Tulfo at si Bitag Ben Tulfo na kapwa umeere sa survey na mananalong kandidatong senador.
Tama lang na mag-independent si Sen. Raffy, kasi magiging bagahe lang niya ang pagsapi sa mga political party na laging puno ng mga politikong balimbing.
Good luck sa inyo Tulfo brothers, ito ay kung mangyayari ngang tumakbo kayo, Partner Erwin at Ben sa Senado at si Sen. Raffy para presidente sa 2028 national elections.
Kailangan natin ay tulad ng Tulfo brothers na handang ilaban ng basagan ng “yagbols” ang kanilang prinsipyo para sa bayan!
***
Nakapokus ang tambalang Yorme Isko Moreno Domagoso at Chi Atienza sa kung paano nila mababago ang Maynila — mula sa kaawa-awang itsura nito ngayon na napag-iwanan na naman ng mga katabing siyudad.
Naging madumi at mabaho uli kasi ang Maynila kumpara noong 2019-2022 na si Yorme pa ang nakaupong alkalde na, pinuri ng buong mundo sa taglay nitong ningning at ganda.
Sa tambalang Isko-Chi ay plano nilang ibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa pulisya ng Maynila na nitong mga nakaraang taon ay laging nasasangkot sa krimeng pangingikil etc. at pag-abuso sa kapangyarihan.
Kay Isko at Chi ay may nakakasa na silang plano at disenyo para muling maibalik ang ganda, ningning at dangal ng Maynila.
Tara na, dito na tayo sa tambalang Isko-Chi para sa dala-dala nilang pagbabago at pagpapaunlad ng Maynila. Manila, God First!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).