MERALCO, MAG-REFUND MUNA KAYO NG P19.26-B!

MARAMING consumer ng Manila Electric Railroad ang Light Company (MERALCO) ang talagang nag-aalboroto sa galit dahil kuwestiyonable at napakataas na singil sa koryente, ito ay sa kabila ng maraming brownout.
Isang netizen nga ang dinaan naman sa biro ang natanggap na electricity bill at sabi niya, hindi naman kasinglaki ng Quezon City ang bahay niya para makakunsumo siya ng one million sa paggamit ng aircon.
Marami nga ay walang trabaho sa loob ng mahigit nang tatlong buwan bunga ng pesteng COVID-19 pandemic, makatatanggap ka pa ng singiling abot sa langit, e sino ang hindi magwawala sa ngitngit at galit?
Kapag binusisi ang bill, lalabas na hinokus-pokus ang pagbasa sa nakusunmong koryente na katakatakang “nabasa” ng kanilang meter reader sa panahong bawal ang lumabas dahil nga sa pinaiiral na enhance community quarantine (ECQ) sa 22 lungsod at 86 na munisipalidad na sinerbisyuhan nito.
Pati ang nakaw at nawawalang koryente dahil sa depekto ng transmission ay sinisingil sa mga consumer na hindi naman sila ang may kasalanan.
Tama at makatwiran , ‘yon, at dagdag na kunsumisyon ay ang biglang pagpuputol o pag-aalis ng kontador kapag hindi nakabayad sa takdang araw ng bayarin.
Kung makabayad naman, aabutin ng ilang araw ang pagkakabit uli ng linya at may connection fee pero kapag sila ang may kasalanan sa kawalan ng koryente, ni kapirasong “Sorry” po ay wala kang maririnig sa Meralco.
Wala sa kompanyang ito ang tinatawag na corporate accountability na magbigay ng maaasahan, palagian at mapagkakatiwalaang pagtustos ng suplay ng ekektrisidad.
Dagdag dito ang napakataas na electri rate — pinakamataas sa buong Asya na malaking dahilan kaya maraming dayuhang investor ang tamad na tamad na maglagak ng negosyo sa ating bansa.
Isa pang nakadidismaya ay ang walang abisong pagdaragdag na dagdag singil na P47 fee kung magbabayad ng kunsumo gamit ang online payment.
Kung ito pagsasamantala , ano ang maitatawag dito?
Ang nakagagalit pa, kung di nga makabayad agad, kinukuha ang kuntador na ang may-ari mismo ay ang electric consumer.
Tandaan na bago makabitan ng linya ng koryente, kasama ang pagbabayad ng kuntador at ang pagtatanggal nito nang walang permiso ng may-ari ay isang krimen: robbery ito.
Marami pang paglabag ang Meralco tulad ng basta lang pagtantiya o pag-estimate sa nagamit na koryente.
Iniuutos din sa kompanya na agad-agad ay tingnan at basahin ang metro at kuntador matapos ang pagkasira, halimbawa, bunga ng bagyo o pagsabog ng transformer.
Kung nasira ang metro o kuntador, hindi dapat na agad na ilista ang billing at ang dapat ay palitan o ayusin muna ang nasira bago maningil.
Hindi ito ginagawa ng Meralco.
Dapat din na malinaw na ilagay sa billing ang salitang “estimate” sa consumer bill kung tinatantiya lamang ng meter reader ang kunsumo.
Ngayong pandemic, nag-aapura ang Meralco sa paniningil.
Alam na walang kinikita ang mga tao, pero ang inuuna ay ang negosyo na bilyon-bilyon naman ang kinikita at kailanman ay walang pagkalugi.
Kapag hindi pwedeng ikatwiran na kaya pursigido sa paniningil gawa ng malulugi.
Palibhasa ay monopolyo ang serbisyo ng elektrisidad kaya ganoon na lamang kabagsik ang kompanyang ito sa paniningil pero ang kupad magbalik ng perang di-maayos na nasingil sa mga consumer.
Luging-lugi ang publiko Meralco na sa kabila ng utos ng Supreme Court ay ayaw pa ring ibalik ang nasingil sa mga consumer.
Mayroong ‘unpaid refunds’, kasama ang interes na umaabot sa P19.26 billion ang hindi pa naibabalik sa consumer mula pa noong 2003.
Nangako ang Meralco na gagawin ito sa pamamagitan ng pagbabawas sa singil sa koryente, pero hindi nito ginagawa — na isang pagsuway sa utos ng Supreme Court na isinampa ng grupong laban sa monopoly ng kompanya.
Bunga nito, lumalakas ang panawagan na kuhanin ng gobyerno ang Meralco na ang totoo ay pag-aari talaga ng pamahalaan noong panahon ni dating Presidente Ferdinand Marcos.
Binayaran ng gobyerno ang malaking utang ng Meralco na halagang P100 milyon noong 1972 na ito ay pinatutunayan ng dalawang sulat ng pamilya Lopez kay Marcos noong Pebrero 9, 1973 at Marso 20, 1973.
Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw kung paano naibalik ang Meralco sa kamay ng mga Lopez na ngayon nasa pamamahala at may malaking saping salapi ang kompanya ni Manny Pangilinan.
Mahalagang muling bisitahin ng pamahalaang Duterte ang mga dokumento at pag-aari ng kompanyang ito na naisauli sa Lopez noong panahon ng administrasyon ni Cory Aquino.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
Comments (0)
Add Comment