WALA yata ni isang komisyoner ng Bureau of Customs (BoC) ang nagtagumpay na masawata at tuluyang mapatay ang talamak na ismagling – na hindi lamang malaking kalugihan sa gobyerno kungdi malaking perwisyo pa sa mga lokal na negosyo at produktong gawa ng mga Pilipino.
Anomang smuggled item o produkto na pumasok – tulad ng bigas, karne, gulay o mga gamit at produkto, ito ay malaking kabawasan sa koleksiyon at malaking perwisyo sa obrerong Pilipino.
Todo sipag, todong trabaho talaga ang kailangan upang mabalian ng pakpak ang mga ismagler at mga kasabwat na pumeperwisyo sa loob at labas ng gobyerno.
Pero hindi basta patitinag ang mga sindikato na kumikilos sa loob ng Aduana dahil may mga protektor ang mga ito sa “itaas.”
Kakatwang mula sa mga kakampi ng pamahalaang ito ang nagpapakana nito, dahil sa ambisyon ng ilan na maupong komisyoner.
Totoo man ito o hindi, suportahan natin ang todo-giyerang ginagawa ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero na magtagumpay sa pagpatay sa lahat ng katiwalian at kabulukan sa Customs.
***
Ang mga miyembro ng media, tulad ng mga opisyal ng pamahalaan ay may mga tungkulin ding ginagampanan, at ito ay ang maghatid ng impormasyon, mga balita at magpahayag ng kanilang opinyon tungkol sa mga isyung apektado ang pamahalaan at ang buong bayan.
Journalists should not be faulted for doing their jobs and that those in public office should not be onion-skinned because being written about – whether positively or negatively – is part of being a public servant.
Kaya hinihimok ko pong muli ang mga kapatid ko po sa pamamahayag na ilantad ang mga maling gawain ng mga tauhan at opisyal ng pamahalaan.
***
Naitanong na ba ninyo: Magkno ba sa pera natin ang inuubos ng mga mambabatas sa Kamara at Senado para talakayin ang isang panukala hanggang sa mapagtibay at malagdaan ng Pangulo para maging batas ng bansa? Marahil ay bilyong piso, ano po?
Bilyon-bilyong piso ang alawanses, pork barrel, mga kung ano-ano pang gastusin at luho ang ibinibigay natin sa mga lawmakers natin.
Ang mabirong ideya nga ng aking kaibigan: Kung magpanukala kaya na tatlong taon muna na isuspinde ang eleksiyon sa Kongreso at ang pasahod, at iba pang pondo ng Senado at House ay gastusin sa rehabilitasyon ng mga sinalanta ng bagyo at mga kalamidad?
At ang mga illegal logger, mga mandarambong sa kalikasan ay obligahing magbigay ng pera nila para sa pagpapayaman sa kalikasan natin.
Crazy idea, hindi po ba, kasi alam natin, hindi papayag ang mga Honorable Senators at Honorable Congressmen natin sa ideyang ito.
***
“Walang pera ng taumbayan ang involved sa ginagastos namin!”
“Ilan lamang po ito sa mga istilo ng mga nagnanais maupo sa kapangyarihan. Pera raw nila ang ginagastos?
Aba, kailan ba sila gumastos ng sarili nilang pera? Eh, kung iyun ngang pera ng bayan na ipinapagpagawa sa isang waiting shed na pera ng taxpayers ay kung ipangalandakan sa kanilang karatula ay “Project of Kongressman Tongpats,” paniniwalaan natin na “pera namin ang aming gagastusin” na sinasabi ni Honarable Solon?
Imagine, katakut-takot na gastusin sa infomercials ang pinapakawalan ng mga taong ito para lang paglolokohin ang sambayanang Filipino na pera nila ang kanilang ginagastos?
Ang laki pong pera ito na kung ibibigay sa mahihirap at ipagpapagawa ng additional classrooms o ng kalsada o pantustos sa problema sa kalusugan ng ating mamamayan, ang ganda sana!
Kaso, manhid po yata ang mukha at singkakapal ng balat ng buwaya at rhinoceros ang mukha nila, kaya kahit nagagalit ang taumbayan, sige pa rin sila.
Kung totoo ang milagro ng mga prayer at mga kulto-kulto o mga seremonyas ng mga mangkukulam, puwede bang ipagdasal na maglaho na sila na parang mga bula?
Para medyo matahimik naman ang taumbayan sa kanilang mga walang katuturang paglulustay sa pera ng bayan!
***
Usigin ang mga kriminal sa mga nakaraang panguluhan, pero wag kaligtaang mas marami ngayong “kriminal” sa pamahalaan mula nang mawala si “Macoy.”
Ano ang nangyari sa mga anomalya at pandarambong ng ilang naging Pangulo ng bansa?
Usigin ang mga may kasalanan sa bayan, sa panahon man ng batas militar at ngayong panahon.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).