Mga ‘foreign travels’ ni PBBM nagbubunga na!

TAMA ang ginagawang  pagdalo  ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa iba’t ibang international conferences na ginagawa sa labas ng Pilipinas.

Dahil dito ay muling nakikilala ang ating bansa bilang isang major tourist destination sa Asia-Pacific region.

Hindi lang yan. Dapat ipakilala natin sa buong mundo na ang Pilipinas ay handa na muling tumanggap ng much-needed foreign investors na kailangang-kailangan natin.

Walang duda na nagbubunga na nga ang ‘foreign travels’ ni Pangulong Marcos.

Marami na ang mga dayuhang gustong mamuhanan sa Pilipinas, na tinaguriang “Pearl of the Orient Seas.”

Kapag marami na ang naitayong negosyo sa bansa, hindi na kailangang lumabas pa ang ating mga mga manggagawa para lang makapag-trabaho.

Panahon na para magkaroon ng sapat na local jobs para sa dumarami nating populasyon.

Mas mabuting dito na lang tayo magtrabaho.

Tama ba kami, Pangulong Bongbong Marcos at Labor Secretary Benny Laguesma?

***

Talagang maaasahan ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, ang pangunahing paliparan ng Pilipinas.

Hindi umubra ang tangkang pagpuslit  sa bansa ng iba’t ibang gintong alahas na tumitimbang ng 24 kilo at nagkakahalaga ng mahigit P80 milyon noong Huwebes, Nobyembre 17, 2022.

Ang mga alahas ay itinago sa banyo ng eroplano ng Philippine Airlines flight PR 301 galing ng Hong Kong na lumapag sa NAIA Terminal 2.

Ang mga alahas ay nakita ng boarding inspector ng Customs Aircraft Operations Division, ayon kay NAIA District Collector Carmelita “Mimel” Manahan-Talusan.

Agarang nag-utos ng masusing imbestigasyon sa tangkang ismagling si Collector Talusan, anak ni dating BoC Deputy Commissioner Julie Singson-Manahan.

Ang gusto ni Collector Talusan ay malaman kung sino o sinu-sino ang mga nasa likod ng smuggle attempt.

Nangako naman si PAL spokesperson Chelo Villaluna na makikipagtulungan ang flag carrier sa mga imbestigador ng BoC at Philippine National Police.

Ang mga tauhan ng BoC sa buong bansa ay “under strict orders” ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz na lalong paigtingin ang mga ipinapatupad na border security measure.

Ito ay bilang pagtalima sa “marching order” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos  Jr. na patigilin ang ismagling, lalo na ang iligal na droga at produktong agrikultura.

Isa na namang malaking “accomplishment” ito ng BoC-NAIA sa ilalim ni Ma’am Mimel.

***

Malayu-layo pa ang taunang “New Year Revelry” pero lima katao na ang namatay dahil sa pagsabog ng mga ginagawang paputok sa isang bahay sa Laguna.

Pito pa ang nasugatan nang masunog ang nasabing bahay sa Calamba City noong Biyernes.

Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog nang sumabog ang mga paputok sa kusina ng nasabing bahay sa Sitio Majada Loob, Canlubang, Calamba City.

Sana maging wake-up call ang insidenteng ito sa mga otoridad, kasama na ang mga opisyal ng barangay, na pag-ibayuhin ang pagbabantay sa mga lugar na may pagawaan ng paputok.

Matatandaan na may mga mungkahing ipagbawal na ang paggawa, pag-transport, pagtinda at paggamit ng paputok sa bansa.

Pero marami ang hindi sang-ayon sa total ban dahil mawawalan ng hanapbuhay ang marami nating kababayan.

Isa pa, nakaugalian na ng mga Pilipino na salubungin ang bagong taon ng pagpapasabog ng iba’t ibang paputok, kasama na ang mga imported, at pagsindi ng mga pailaw.

Pero dapat sundin natin ang mga regulasyon na naglalayong mapangalagaan ang “safety” ng taumbayan sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

At siguruhin ng mga otoridad na walang illegal firecrackers at pyrotechnics ang ipagbibili sa merkado.

Tama ba kami, DILG Secretary Benhur Abalos Jr. at PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr?

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment