Mga ismagler lang ang makikinabang kapag pinalitan si Comm. Guerrero

PATULOY ang tangkang pagpupuslit ng mga sigarilyo sa ibat-ibang parte ng bansa.

Noon lang Agosto 22 ay apat na 40-footer container vans na naglalaman ng mga puslit na sigarilyo ang nasakote  sa Port of Subic.

Nagkakahalaga ng P121 milyon, ang mga sigarilyo ay galing ng China at Hong Kong.

Deklaradong naglalaman ng frozen cinnamon bread, frozen pineapple bread, snake and ladder board games at rubber strips ang mga container van.

Ayon kay PoS District Collector Maritess Martin, ang pagkakasakote ng mga kontrabando ay bunga ng “continuous intelligence and investigative work” ng kanyang mga tauhan.

Sinabi pa ni Collector Martin na ito ang unang kaso ng ismagling na itinago ang mga sigarilyo sa isang refrigerated container van.

Ibang klase talaga ang utak ng mga taong nasa likod ng ismagling na ito.

***

Maraming nagulat nang muling  “pitikin” ni Pangulong Rody Duterte si Bureau of Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero.

Bago nito ay pinuna ni Duterte si Guerrero dahil sa tagal daw nitong sipain ang kanyang dating chief of staff na si Atty. Teodoro Jumamil.

Siyempre nainis si Mayor Digong dahil siya mismo ang nagpapatanggal kay Jumamil na tinawag niyang “balasubas.”

At ngayon nga  ay pinagsabihan niya si Guerrero “to shape up.”

Sinabi pa ni Duterte na tuloy pa rin ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa.

Ayon pa kay Duterte, wala man lang daw ni isang napatay na sangkot sa ipinagbabawal na gamot.

Pinuna din ni Pangulong Rody ang pag-rely sa “old hands” sa ahensya.

Iniutos tuloy ni Duterte ang pagbalasa sa mga opisyal sa Aduana.

Pero in fairness kay Sir Jagger, talagang ginagawa niya ang lahat para malinis ang Customs.

Iyon nga lang, kagaya ng ibang opisina, meron talagang mga lingkod bayan na sagad sa buto ang katarantaduhan.

Ito talaga ang problema ni Commissioner Guerrero.

Hindi basta-basta matatanggal ang mga tiwaling empleyado at opisyal dahil may mga security of tenure ang mga ito.

Kailangang dumaan sa due process ang pagtanggal sa mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Ayon naman sa ating miron, mayroon daw kasing mga ma-impluwensyang broker na halos hindi na dumadaan sa pagbusisi ang kanilang kargamento kaya marahil may mga lumulusot na droga, lalo na sa mga outports.

Ang tanong ngayon, hindi kaya may gumagatong lang kay PRRD para palitan si Comm. Jagger sa BoC?

Huwag naman sana dahil ang makikinabang dito ay ang mga ismagler na matagal ng gustong matanggal si Guerrero, totoo yan!

***

Labindalawang tolda (tents) ang ipinamahagi ng BoC-NAIA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang mga tent ay kabilang sa mga deklaradong abandonadong goods sa Port of NAIA noong nakaraang taon.

Ang mga tolda ay puwedeng gamitin ng DSWD sa disaster response, social works at anti-pandemic efforts.

Madalas ay nagdo-donate ang BoC sa DSWD ng mga abandonado at kumpiskadong goods.

Napupunta naman sa mga evacuation center ang mga donasyon ng BoC na kagaya ng bigas at canned goods.

Sa pahayag pa nga ng ahensiya, ” The BOC continuously supports the government’s relief and humanitarian efforts.”

Magandang ehemplo ito lalo na’t nandiyan pa rin ang nakakatakot at nakamamatay na Covid-19.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang huong pangalan at tirahan. )

Comments (0)
Add Comment