Mga nagawa, hindi ngawa ang magbabalik kay Isko

BAKIT hindi na mapipigilan ang pagbabalik ni Yorme Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa cityhall ng Maynila?

Habang palapit ang 2025 midterm elections, batay sa resulta ng mga survey ng Social Weather Station, Pulse Asia, OCTA Research, pinakahuli ay ang PhilData Trends, mahirap nang makahabol pa ang mga kalaban ni Isko.

He is leading the race!

Sa mahigit na 800,000 botante na hindi na magbabago ang  pagsuporta kay Yorme Isko, malinaw na sa Mayo 2025, siya na ang idedeklarang mayor ng Maynila. At balik tayo sa tanong: bakit makababalik siya sa Manila City Hall?

Kasi, hindi nakakalimutan ng mga Manilenyo ang napakagandang liderato na nakita sa kanya noong 2019-2022.

Paano malilimot ang mahirap pantayang ginawa noong panahon ng COVID-19 pandemic, na kahit sa Visayas, sa Mindanao, dinala niya ang kanyang medical team na nagligtas ng maraming buhay.

Kitang-kita ang pakinabang nang ng kanyang mga ‘infrastructure projects,’ kalinisan at bukas sa publikong pamamahala sa Maynila.

Nakikita, napapakinabangan, ang maraming programa ni Isko na muling nagpasigla sa ekonomiya ng siyudad.

Kahit ang mga kalaban niya — sina Mayora Honey Lacuna at Sam Verzosa ay umaamin, napakalayo ng agwat ni Yorme, at hindi na maitatago pa ang kanilang pagkadismaya!

At sa latest survey, sa hanay ng mga iskolar ng Maynila, mga estudyante sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, ‘landslide win’ din si Isko!

Sa ‘informal survey’ na ginanap mula Enero 15 hanggang Enero 22 sa 800 estudyante ng PLM, heto ang resulta: 91.5 porsiyento ang nakuha ni Isko!

“Nakakurot” lang ng 4.5 porsiyento si Sam Verzosa, at si Mayora Honey, nakakaiyak na 2 porsiyento ang nakahig habang 2 porsiyento and ‘Undecided.’

Pansinin, mga estudyante ang tinanong sa survey at magkakamali pa ba sila sa pagpili kay Isko na napakaraming proyektong ginawa para maitaas ang kalidad ng edukasyon mula elementarya, high school at hanggang kolehiyo at unibersidad?

***

At bakit “kulelat” si Mayora Lacuna na 2 porsiyento lang ang nakuha kahit siya ang ‘incumbent,’ ang nakaupo sa Cityhall?

Alam kasi ng mga estudyante, ang pamamahala ng unang ‘Lady Mayor’ ng Maynila ay totoong nakadidismaya.

Isipin: Tinalo pa si Lacuna sa mga survey at suporta ni Verzosa? Isang “baguhan” at walang gaanong pangalan sa pulitika.

Kung hindi tumakbo si Yorme, malamang na si Sam pa ang tatalo kay Lacuna kasi nga, ang isyung kawalan ng aksiyon ng Cityhall sa mga problema ng lungsod ay kita ng mga botante.

Matinding trapiko, di-maayos na serbisyong medikal (naturingang doktora pa mandin si Mayora!), at ang alingasaw ng mabahong basura, at dugyot na lungsod ay araw-araw na nakikita ng Manilenyo at ng publiko.

Madalas ngang itinatanong: Mayroon bang gobyerno sa Maynila?

Ang mas malaking suporta kay Versoza ay patotoo na ayaw ng Manilenyo kay Lacuna.

Sa naipakitang mahusay na liderato ni Yorme Isko, may bagong pag-asa ang Manilenyo na matapos ang eleksyon sa Mayo 12, simula na ulit ng pag-unlad, nang pagbabago sa pamamahala ng Maynila.

Sabi nga ng isang katropang media man, “Panahon na para palitan ang liderato sa Maynila. Ang trabaho sa pagpapasigla at pagbabalik ng ningning at sigla ng Maynila ay nasa kamay lamang ni Yorme Isko Moreno.”

Sumasang-ayon ako: Yorme is the man for the job to make Manila great again!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).