Mga opisyal ni BBM, mapagkakatiwalaan

MARAMING lingkod-bayan ang kinakabahan dahil malapit ng magsimula ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ng Ilocos Norte.

Pero ang talagang takot ay ang mga abusado, tamad, bastos, mapagsamantala at iba pang walang kwentang government officials at employees sa buong bansa.

Dapat na nga silang mag-alala dahil sa katanghaliang tapat na ng Hunyo 30, ay uupo na si Pangulong Marcos at iba pang bagong halal na opisyal ng gobyerno.

Pero sa tinaguriang “snake-infested” na waterfront o Aduana, hindi lang mga lingkod-bayan ang kinakabahan sa pag-alis ng kasalukuyang administrasyon.

Problemado na rin ngayon ang mga tinaguriang mga masusuwerteng “Anak ng Diyos” na importador at customs broker, ganun nga ba, Jonpol T?

Ang napapangiti naman ay ang mga small-time na importer at broker na madalas ay nagtitiyaga sa maliit na kinikita dahil sa kagagawan ng ilang “naghahariharian” na may bendisyon ng matataas na opisyal ng pamahalaan.

Alam kasi nilang maiibsan na ang kanilang kalagayan sa pagpasok ng bagong administrasyon.

Sa tingin nila ay “magiging patas” ang kumpetisyon sa pantalan sa paniwalang hindi papayag si BBM na mabahiran ng kalokohan ang serbisyo sa “waterfront community.”

Naniniwala tayo na ipakikita ng bagong administrasyon na maayos na magpatakbo ng gobyerno ang isang Marcos taliwas sa sinasabi ng ilang kritiko.

Dapat lang para mawala na o mabawasan pa ang mga kalokohan sa gobyerno.

At isa sa dapat niyang ipag-utos ay bawalan ang mga operatiba ng Customs Police at Intel na “makisawsaw” bilang “balyador” ng ilang importador upang perwisyuhin ang shipment ng kanilang mga kalaban. Ito ay para “sulutin” ang negosyo ng kanilang itinuring na mga ‘business rivals.’

Matagal nang nangyayari ‘yan sa pantalan, Mr. President.

***

Hindi na Coronavirus disease (COVID-19) ngayon ang mainit na pinag-uusapan sa buong bansa.

Oo nandiyan pa rin ang COVID-19, pero ang “pandemya” ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng pagkain at krudo, ang kinatatakutan ng taumbayan.

Hindi nga sila mamamatay sa sakit pero mamamatay naman sila sa gutom dahil sa sobrang taas na ng presyo ng mga bilihin, pati na ang basic necessities.

Bakit kaya nangyayari ito habang papalapit na ang pagpasok ng anim na taong administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.?

Ang sama naman ng pasalubong sa anak ni yumaong Presidente Ferdinand Edralin Marcos.

Pero naniniwala tayo na handa naman si BBM, na harapin ang mga susulpot na problema.

Ang maganda kay Pangulong BBM ay magagaling, mapagkakatiwalaan at matitinong tao ang kanyang kinukuha para tulungan siyang magpatakbo sa gobyerno.

Kagaya ng kanyang namayapang amang si Ferdie, si Bongbong ay isang lider na walang iniisip kundi ang kapakanan ng bansang Pilipinas at taumbayan.

Sa tingin natin ay gusto ni Pangulong Marcos na pagkaisahin ang mga Pinoy.

Tama naman dahil kung wala tayong pagkakaisa ay walang mangyayari sa atin sa dami ng ating mga  problema.

***

Mabuti na lang at hindi talaga tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19, lalo na sa Metro Manila (MM), na pangunahing rehiyon ng bansa.

Malaki ang nagastos para makontrol ang nakamamatay na Coronavirus disease.

Ubos nga ang pera ng gobyerno pero nagawa naman nating iligtas ang maraming buhay  sa pamamagitan ng pagbili ng mga bakuna at at iba pang gamit sa paglaban sa virus.

Ang kailangan lang ngayon ay sumunod tayo sa mga health at safety protocols na ipinapatupad ng mga otoridad.

Kahit nakontrol na natin ang COVID-19 ay huwag pa rin tayong titigil sa pag-iingat dahil nandiyan pa rin ang virus na nagpapahirap pa rin sa iba’t ibang parte ng mundo.

Lagi pa rin tayong magsuot ng maskara at sumunod sa social distancing policy ng gobyerno.

Regular pa rin tayong maghugas ng kamay para masigurong matanggal ang mga virus na nakukuha natin sa labas ng bahay.

Mahalangang magpabakuna laban sa COVID-19 at iba pang nakakamatay at nakakahawang sakit.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Comments (0)
Add Comment