Mga pesteng POGO ng Chinese

MARAMING SALAMAT po sa pagkakataon at espasyong ibinigay sa inyong lingkod ng pamunuan ng dyaryong ito, mabuhay!

***

HINDI po tayo kontra sa mga Chinese, lalo na po sa ating mga kababayang Filipino-Chinese na mas tunay na Filipino pa kaysa marami sa atin. Ang katotohanan, masasabi natin, napakarami sa ang tiyak na may dugong Chinese (Chino) dahil ayon sa kasaysayan, hindi pa man “nadidiskubre” ng Portuguese na si Ferdinand Magellan ang Perlas ng Silangan, naririto na ang mga Chino na may masigla at maayos na kalakalan sa mga katutubo.

Sino kung gayon ang tinutukoy nating “mga pesteng Chinese?” Sila ang mga dayuhang Chino, marami ay galing sa Mainland China na nitong nakalipas na ilang dekada ay parang bukal at walang pagkaubos na dumarating sa ating bansa — nang walang gaanong aberya. Sila — mga dayuhang Chino — na magaang na nakalulusot sa ating mga pantalan at paliparan — hindi pa man nabubulgar ang maeskandalong “Pastillas Scheme” na pinagkakakitaan ng mga buktot at tiwaling opisyal at kawani ng Bureau of Immigration.

Bago ang “Pastillas,” talamak sa Ninoy Aquino International Airport at iba pang paliparan ang pagpapalusot ng mga kababayang walang legal na dokumento, working visa sa pagtungo sa ibang bansa. Kasabwat ang ilang legal at illegal travel agency, malayang nakalalabas ng bansa ang mga undocumented Overseas Filipino Workers (OFWs) basta may lagay sa mga tiwaling immigration officers. Nang magsimula ang online gambling operation sa panahon pa ni Aling Gloria at PNoy, hindi gaanong pinapansin ang pagdating ng mga Chinese players.

Pero nang mag-umpisa ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na mag-accredit sa operasyon ng online gambling — na ngayon ay tinatawag na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), nagsimula na ang pagdagsa ng mga Chinese player at POGO workers. Dito na nagpalabas ng utos ang Department of Justice (DoJ) na magbigay ng instant working visa sa mga dumarating na Chinese mula sa Mainland, Hong Kong, Taiwan at iba pang bansa. Dito na rin nag-umpisa ang “Pastillas operation” sa Immigration.

Sobrang siba sa pera ang mga tinamaan ng lintek na taga-Immigration at salamat kay Allison Chiong na kahit may banta sa buhay niya at kanyang pamilya, mas piniling isiwalat ang lahat ng kasangkot sa korapsyon kaugnay ng POGO. Resulta ng pagkagahaman sa ilegal na yaman, umusbong at patuloy na yumayabong ang mabibigat na problemang dala ng mga pesteng POGONG Chinese sa bansa. Ngayon, wala tayong sapat na rekord sa dami, uri at kinaroroonan at mga gawain ng mga dayuhang ito na naglalagay sa panganib sa atin at sa seguridad ng bansa.

***

ANO-ANO ang panganib na ito? Ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, umaabot sa 3,000 ang Chinese military personnel na nakapasok sa bansa, dahil sa “Pastillas” at POGO.

Sabi ni Sen. Richard Gordon, milyon-milyong US dollars ang malayang naipapasok sa bansa na dala ang mga dayuhang Chinese at mga kasabwat na Filipino na may escort pang mga pulis at sundalo sa mga pantalan at paliparan.

Ilan kaya sa mga ito ay mga takas na kriminal mula sa China? Yung mga Chinese military personnel ay naririto marahil para mag-espiya at tuklasin ang kahinaan ng ating pambansang seguridad. Ang iba, marahil ay nandito upang maitago ang perang mula sa kriminalidad.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, bungal o walang ngipin ang mga batas natin, maging ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para maharang ang mga ilegal na transaksiyon tulad ng money laundering. Sobrang higpit ng Bank Secrecy Law para mahabol ng gobyerno ang mga tax evader, mga plunderer at iba pang gawaing kriminal.

***

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

(May karugtong sa susunod na labas)

Comments (0)
Add Comment