Mga tamad at ‘scalawag’ lang ang “bilib” kay CPNP Cascolan

MARAMI ang “napailing” nang “sumalto” ang unang ‘reshuffle’ ni Chief PNP Gen. Camilo Cascolan.
Paano ba naman, nagmistulang “laban-bawi” ang resulta dahil dahil agaran niyang “binawi” ang paglilipat ng puwesto ng ilang opisyal na suspetsa natin ay “umangal” sa kanyang desisyon.

Anang mga miron, hindi maganda para sa isang lider na makitang sa simpleng isyu ng ‘reshuffle,’ hindi pala niya kayang “tindigan,” hindi ba, dear readers?

Eh, sa mga mas krusyal na isyu pa kaya?

Inaasahan ng lahat na walang mangyayaring “estapahan” sa mga susunod na araw kung saan “susunod” sa kanilang sinabi ang mga opisyal ng Palasyo at DILG na ‘seniority’ (na ngayon) ang batayan sa pagpili ng Chief PNP.

Ito ang “argumento” kung bakit kahit hanggang Nobyembre na lang sa poder si Gen. Cascolan, itinalaga pa rin siyang kapalit ng nagretirong si Gen. Archie Gamboa noong Setyembre 2.

Sa ganang atin, ‘to see is to believe’ kaya patuloy ang ating pangamba na sa dakong huli, bibigyan ng ‘term extension’ si Gen. Cascolan hanggang sa susunod na taon.

At pagkatapos nito, “babawiin” ng Palasyo at DILG at ang kanilang seniority rule para mailagay na kapalit ni Gen. Cascolan ang isang opisyal na handang “babuyin” ang PNP pabor sa mga kandidato ng administrasyon sa 2022 election.

Translation? Hindi si Gen. Guillermo Eleazar, yun, hehehe, ayy, huhuhu!

***

Sa kanya namang mga naging aksyon at ‘policy pronouncement,’ mistulang mga “kabaro” lang niyang pulis ang gustong “pasayahin” ni Gen. Cascolan—at hindi ang taumbayan na dapat nilang paglingkuran.

Ang tinutukoy natin ay ang deklarasyon ni Gen. Cascolan na gawing ‘8-hour work’ ang pag-duty ng mga pulis na katulad ng ibang mga empleyado sa iba pang ahensiya ng gobyerno at mga pribadong kumpanya.

Aniya, kailagan din namang “magpahinga” ang mga pulis. Bagaman totoo ang kanyang sinasabi, dapat namang alam niya na bilang ‘leading law enforcement agency,’ hindi mga “ordinaryong kawani” ng gobyerno ang mga pulis na ‘8-5’ ang duty.

At sa tagal na niya sa serbisyo, hindi ba naisip ni Gen. Cascolan ang malaking problema sa “malamyang” disiplina ng kanyang organisasyon kaya nga andaming pulis na sabit sa korapsyon at iligal na droga?

Isa pang ‘policy pronouncement’ ni Gen. Cascolan na tanging mga tamad at scalawag lang sa pambansang pulisy ang natuwa ay ang kanyang sinabi na sa kanyang administrasyon, hindi niya “ipapahiya” ang mga pulis—kasehodang nahuling mahimbing ang tulog kahit oras ng trabaho.

Hmm. Ano ang kasunod  nito?

Ipagbabawal na rin ba niyang makuha ng media ang pangalan ng mga pulis na sabit sa extortion, iligal na drog at iba pang mga heinous crimes dahil “mapapahiya” sila kung maibulgar ng media sa publiko?

Kung matandaan, kaya hindi masyadong “bumango” sa publiko ang pangalan ni NCRPO director, P/MGen. Debold Sinas ay sa ganitong estilo. ‘Yun bang kahit siya ang mismong makahuli ng mga pulis na tulog sa oras ng trabaho, hindi niya ito parurusahan at hindi ipapahiya sa publiko.

Eh, ano ang naging resulta? Biglang-bigla, bumagsak ang disiplina ng mga pulis at tumataas na naman ang bilang ng mga abusado, hindi ba, dear readers?

‘Graduate’ rin naman ng PMA si Gen. Cascolan at marahil kung nagsundalo na lang siya, matagal na siyang sinibak sa serbisyo.

Sisibakin siya dahil isa siyang “kunsintidor” na opisyal.

Nakalimutan na ba nila ni Gen. Sinas na sa militar, ‘grave offense’ ang sino mang sundalo na mahuhuling natutulog sa puwesto?

Kung sa militar kasi, dear readers, aba’y ‘matic na court martial ang sasadlakan ng isang sundalong buking na tulog sa “pansitan.”

Pero, dahil ba pulis, puwede nang “magluwag” sa regulasyon?

Ano ba ang mas mahalaga sa mga ganitong opisyal, “kahihiyan” ng isang “ogags” na pulis o ang isang disiplinadong organisasyon na puwedeng ipagmalaki ng mamamayan?

Ang ‘public shaming’ ng mga ogags na pulis ay unang isinagawa ni noon ay NCRPO director Oscar Albayalde at itinuloy naman ni noon ay NCRPO director Guillermo Eleazar.

Hindi rin naman mahilig “mangopya” si Gen. Eleazar at alam nating itinuloy niya ang sinimulan ni Gen. Albayalde dahil alam niyang ito ang isang epektibong paraan para lang maibalik ang disiplina ng mga pulis at malasakit nila sa serbisyo.

At kung ayaw na itong gawin ni Gen. Cascolan, patunay lang na mas mahalaga sa kanya ang “damdamin” ng kanyang mga kabaro—kasehodang mga bugok at scalawag—kumpara sa opinyon ng publiko.

At kung inaakala rin ni Gen. Cascolan na ang “tinamaan” sa kanyang deklarasyon ay sina Gen. Oca at Gen. Guillor, nagkakamali siya.

Ang unang “ininsulto” niya ay si Pang. Rody, mismo!

Dangan kasi, hindi ba sa termino ni Gen. Oca, ipinatawag pa ni PDU30 sa Palasyo ang mga police scalawag at iniharap sa media para sa lahatang ‘public shaming’ sa kanila bago sila “itinapon” sa Mindanao?

Ang ibig bang sabihin ni Gen. Cascolan, “mali” ang ginawa ni PDU30?

Ano sa tingin ninyo, dear readers? Abangan!

Comments (0)
Add Comment