Napabayaan ang sektor ng Agrikultura

UMANI ng papuri mula sa ibat-ibang sektor, lalo na sa mga mahihirap, ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kailangang itaas pa natin ang produksiyon ng bigas at mais.

Ito ay paghahanda sa napipintong “food crisis” hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Sa kanyang pakikipagpulong sa mga taga-Department of Agriculture (DA) noong Lunes Hulyo 4, 2022, sinabi ni Pang. Marcos na dapat tumaas rin ang produksiyon ng iba pang pagkain.

Kabilang na rito ang baboy, manok, isda at gulay na ang presyo ngayon sa lokal na merkado ay walang tigil na tumataas dahil daw sa kakulangan ng supply sa bansa.

Pero mahalagang kaya ng taumbayan, lalo na ng mga mahihirap, ang presyo ng “food products,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Again, it is useless to have a food if you cannot afford it anyway,” diin pa ni BBM. .

Matatandaan na noong panahon ni yumaong Pangulong Marcos ay isang rice exporter ang Pilipinas.

Pero napabayaan ng mga sumunod na administrasyon ang agrikultura kaya ang Pilipinas ngayon ang pinakamalaking importador ng bigas sa mundo.

Hindi makakalimutan ng taumbayan ang programang “Masagana 99” ni yumaong Pangulong Marcos na naging daan para tayo’y maging rice exporter.

Sa kagustuhang bumalik ang sigla ng agrikultura ay pansamantala munang pamumunuan ni BBM ang DA hangga’t hindi siya nakakakita ng karapat-dapat na mamuno sa ahensiyang ito.

Ang masakit pang katotohanan ay dito pa sa Pilipinas nag-aral at nagpaka-dalubhasa ang mga opisyal ngayon ng mga bansang binibilhan natin ng bigas.

Sila ay nag-aral sa University of the Philippines-Los Banos (UPLB) sa Laguna.

At isa pa, nasa Pilipinas pa rin ang sikat na International Rice Research Institute (IRRI) na nasa Los Baños.

Sa totoo lang, nasa Pilipinas lahat ang “alas”para tayo’y maging self-sufficient sa pagkain. Isa tayong agricultural country pero tayo’y umaangkat ng pagkain.
Ito’y sampal sa ating lahat.

***

Tumataas na ulit ang bilang ng mga nagkakasakit ng coronavirus disease o COVID-19 sa Metro Manila (MM) at iba pang parte ng bansa.

Ito ay inaasahan dahil sa pag-arangkada ng ating eknomiya.

Bukas na ang mga nagsarang negosyo at dumadagsa na ang mga konsumer sa mga shopping mall, public market at iba pang pamilihang-bayan sa buong bansa.

Sa kabila nito ay bihira pa rin ang nao-ospital dahil sa COVID-19. Mukhang may immunity na tayo sa sakit na ito.

Ito ay nagpapakita lamang na tagumpay ang national vaccination program na ginastusan ng government authorities ng napakalaking pera ni Juan dela Cruz.

At sumusunod din ang taumbayan sa mga health and safety protocols na ipinapatupad ng gobyerno.

Tama ba kami, Pangulong Bongbong Marcos?

***

Naniniwala tayo na tutuparin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang kanyang election campaign promises sa mamamayan.

Hindi niya papayagang sirain lamang ng ilang “bugok” ang kanyang administrasyon.

Sigurado tayong may kalalagyan ang mga “bugok” na ito kung hindi sila titigil sa mga katarantaduban at kawalanghiyaan nila.

Sa tingin natin ay “magpapalamig” muna ang mga ito, makikiramdam habang naghahanap ng mga inaakala nilang makakatulong sa kanila kung sakaling kalusin na sila ni BBM.

Kabilang na rito ang ilang personalidad na nagpapahirap sa mga maliliit na importer at customs broker sa Aduana.

kung sabagay, iilan lang naman ang natitirang mga “bugok” na ito na laging nagpapahirap sa mga kawawang port users.

Ang gusto lang ng mga port users ay maging patas ang labanan sa waterfront.

Walang lamangan para may kitain naman ang mga maliliit na importer at broker.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Comments (0)
Add Comment