NATUTUWA naman tayo at patuloy ang tagumpay ng ‘anti-smuggling campaign’ ng Bureau of Customs (BOC) partikular na sa mga ‘agri products’ na isa sa prayoridad ni Pang. BBM na agad masugpo dahil nga siya rin ang ating ‘Agri Czar’ bilang ‘concurrent secretary’ ng Department of Agriculture (DA).
Noong isang linggo at nito lang araw ng Linggo, Disyembre 4, 2022, nalaman natin na dalawang magkasunod na operasyon ng BOC, kasama ang DA at iba pang ‘law enforcement agencies,’ ang nailunsad kung saan lampas sa P30 milyon ang mga nakumpiskang ‘smuggled white onions.’
‘Yun nga lang, kasamang Wiliam Depasupil, hindi mo ba napansin na sa mga ‘accomplishments’ na ito, WALA na ang pagkilanlan (pangalan) ng ‘consignee’ at kasabwat na ‘customs broker’ sa ano mang accomplishments ng BOC sapul nang maupo si Comm. Yogi Ruiz noong Hulyo?
Depensa sa atin ng mga miron, ang pag-censure daw sa pangalan ng mga consignee o pagkakilanlan sa sino mang natitimbog sa smuggling ay bilang “pagrespeto” sa kanilang ‘right to privacy.’
Sanamagan! Eh, kailan pa naging ‘concern’ ang ating mga awtoridad sa “karapatan” ng mga lumalabag sa batas, partikular na ang mga smuggler?
Paano naman ang karapatan ng mas malawak na publiko na malaman ang katotohanan sa pamamagitan ng mga ulat ng media?
Kung lahat ng ahensiya ng gobyerno ay tutularan ang katwiran ni Comm. Yogi, abah, lalabas na walang nangyayaring krimen sa ‘Pinas dahil walang suspek!
Dapat sanang malaman din ni Comm. Yogi na “kakaiba” ang sitwasyon sa pantalan kaya mas dapat nahububaran ang mga smuggler para mas masundan ng publiko, sa pamamagitan ng media, ang mga kasong isinasampa laban sa kanila—kung talaga bang kakasuhan, tama ba, mahal na Pang. BBM?
Alam naman ng lahat na ‘yang mga “natitimbog” sa Aduana sa smuggling, partikular na ng mga agri products ay “prente” (front) lang ng mga malalaking ‘players’—na patuloy pa rin ang operasyon sa ating mga pantalan.
Tumigil na ba sa operasyon, halimbawa, itong ‘House of Thebes,’ ‘Michael Y’ at itong si ‘Mayor Dodong Diamond,’ ‘among others,’ wika nga, sa kanilang operasyon? Sa pagkaalam natin ay hindi.
Patuloy lang silang nagpaparehistro ng kanilang mga ‘front consignees’ sa BOC kaya tuloy lang ang ligaya ng mga katulad nilang malalaking players sa pantalan.
Napakarami nang customs commissioner ang napuwesto sa Aduana pero sa ating pagkaalam, ngayon lang mistulang “itinago” ang pagkilanlan sa mga smuggler.
Kung inaakala ni Comm. Yogi na nakatutulong sa kanyang kampanya para sa ‘transparency in all levels of customs operations’ ang ipinatupad niyang sistema ngayon, naniniwala tayong hindi.
At dapat niyang “boldyakin” kung sino man ang mga ‘bright boys and girls’ na “nasubo” sa kanya ng ganitong “ideya.”
Dahil sa dakong huli, ang mabubuo sa isipan ng publiko at media ay ‘TH’—“tamang hinala.”
Palagi nilang itatanong kasi, mayroon ba talagang “huli” o wala? May suspek nga ba o “drowing’ lang ang mga sinasabing ‘accomplishments’ ng Aduana?
Hindi kasi malayong maging estilong bulok ng ilang tiwali sa PNP—“ibinabangketa” ang kanilang mga nahuhuli—ang maiwang impresyon sa publiko at media.
Abangan!