Noon ay “matamis,” ngayon ay”maasim?”

HINDI papayag si Presidente Rodrigo Roa Duterte na mauwi sa wala ang ‘legal victory’ ng Pilipinas sa desisyon ng international arbitration sa The Hague Netherlands noong 2016  sa usapin ng pag-angkin natin sa karagatang nasasakop ng West Philippine Sea (WPS) na inaangkin at inookupa ngayon ng China at iba pang bansa.

Mataginting ang talumpating binigkas ng Pangulo sa ika-75 na general assembly ng United Nations na aniya:

“The Award is now part of international law, beyond compromise and beyond the reach of passing governments to dilute, diminish, or abandon.”

Makasaysayan ang paghahayag na ito ni Duterte na sa maraming pagkakataon ay binatikos ng mga kritiko sa paniniwalang binitiwan at hindi na ipaglalaban at igigiit ng bansa ang pag-angkin sa WPS.

Binansagan pa na “Tuta ng China” si Duterte bunga ng lantaran at matamis na pakikipagkaibigan nito kay Chinese President Xi Jinping at ang kaluwagang ibinibigay sa mga mamayang Chino sa bansa.

Tinawag pang “traidor” si Duterte sa paratang na pagkakanulo nito at tila hindi pagkibo sa maraming ulit na agresyon ng puwersang militar ng China sa mga isla sa Spratlys na mayroon na roong moog ng base naval na gumuguwardiya sa malawak na karagatang tinatawag naman nito na South China Sea.

***

Sa Ika-5 State  of the Address ni Duterte, inamin niya na sa panahong ito, siya ay “inutil” upang igiit ang pag-angkin sa panalong iginawad ng The Hague sa Netherlands na pagkilala sa legal na karapatan ng Pilipinas sa teritoryong ito sa malawak na karagatang mayaman sa natural gas, mineral, langis at trilyon-trilyong dami ng mga isda at biyayang dagat.

 

Sa pag-amin na “inutil” siya ay sa katwirang kung mauwi sa armadong komprontasyon ang agawan sa WPS, ano nga ba ang kakayahang makipagsagupa ng Pilipinas sa higanteng arsenal ng armas pandigma at kagamitang nuklear ng China?

Tiyak ang pagkadurog natin sa giyera kung tayo lamang ang sasagupa; para itong labanan ng isang kuting sa isang leon.

Tiyak din naman na nabigla ang China sa bagong diplomatikong galaw na ito ng Pangulo, kumbaga, ‘180 degrees’ ang ikot nito at maasahan ang galit na reaksiyon ng Beijing.

Maraming lider ng bansa na dumalo sa UN General Assembly, kabilang si US President Donald Trump at Chinese Pres. Xi, nagpahayag ng iba-ibang reaksyon”, may natuwa, may nagulat, namangha at may humanga sa tapang ng pananalita ni Duterte.

***

Mahalagang sangkap ng international law ang “award” at hindi ito maaaring suwayin o balewalain ng sinoman o anomang bansa at ito ay hindi bibitawan ng Pilipinas.

Itinatakwil at mariing tutulan ng Pilipinas ang anomang tangka na ipagkait sa atin ang panalong iyon, giit ni Duterte.

“This is the majesty of the law,” sabi niya, kasunod ang mataimtim na pahayag, mananatili ang paninindigan ng Pilipinas na malutas ang sigalot sa WPS sa paraang mapayapa ayon sa prosesong ipinasusunod ng United Nations Charter at ng 1982 Manila Declaration on the Peaceful Settlement of International Disputes.

May mga espekulasyon na ang biglang pagpihit at paglihis ng pahayag ng Pangulo sa dating pagkiling sa China ay naudyukan ng pagbalikwas at pagpapamalas ng puwersang pandagat ng France, Germany, United Kingdom bilang suporta sa US na nagpapakitang gilas at lakas bilang matibay na pagtutol sa agresyon at maangas na kilos ng China sa karagatan ng WPS.

Ang tanong ng mga kritiko ni Duterte ay hanggang kailan ba magiging matapang at matatag ang paggiit ng Pilipinas sa panalo sa arbitration court – na mariing tinatanggihan at binabalewala ng China.

Umpisa na ba ito ng pag-asim sa pukyutang tamis ng yakapang Beijing at Manila?

(Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment