MABUTI na lang at laging alerto ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nandiyan pa rin kasi ang mga matitigas ang ulo na gustong magpalusot ng mga iligal na droga galing ibang bansa.
Pero sa tingin ng marami ay handa naman ang mga taga-BoC sa NAIA para harangin ang pagpasok ng mga kontrabando sa ating pambansang paliparan.
Kagaya na lang ng nangyari sa isang claimant ng isang pakete na naglalaman ng mga tabletang ecstasy.
Si Ron Ron Salonga ng Port Area, Manila ay inaresto habang kine-claim ang pakete noong nakaraang Lunes sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Pasay City.
Padala ng isang Mary Lumbao Edward ng Netherlands, ang pakete ay naka-consigned sa isang taga-Malate, Maynila.
Ang pakete ay deklaradong naglalaman ng damit at sapatos.
Ang 2,000 party drug tablets ay nagkakahalaga ng P4.8 milyon.
Ayon sa Port of NAIA na pinamumunuan ni District Collector Mimel S. Manahan-Talusan, ang suspek at ecstasy ay nasa kustody na ng PDEA.
Ang operasyon ay isinagawa ng BoC sa tulong ng PDEA at NAIA-IADITG.
Tama ‘yan, bantayan niyong mabuti ang mga dumarating sa CMEC, noong araw pa ginagamit ng mga “hudas” na sindikato ng droga ang naturang tanggapan.
***
Dahil siguro sa tumataas na sin taxes ay may mga nagbabasakaling magparating ng mga puslit na imported na sigarilyo.
Kanya-kanyang diskarte ang mga ismagler ng sigarilyo.
Kagaya ng ibang ismagler, technical smuggling ang paborito ng mga ismagler ng sigarilyo.
Kamakailan nga ay nakasakote ang BoC ng puslit na sigarilyo sa MICP.
Nagkakahalaga ng P30 milyon, ay mga sigarilyo ay idineklarang “personal effects.”
At kagaya ng inaasahan, hindi umubra ang kalokohan ng mga ungas na mandaraya.
Alam ng mga taga-CIIS, sa pangunguna ni MICP chief, Alvin Enciso, ang mga palusot na ito ng mga ismagler.
Ang shipment ng sigarilyo na galing China ay naglalaman ng 820 master cases ng mga branded na sigarilyo.
Sobra na talagang talamak ng mga ‘yan. Ayaw pa rin tumitigil sa mga kalokohan kahit na alam naman sa buong bakuran ng Aduana ang paghihigpit na ginagawa ng mga tauhan ng BoC.
Mabuti nga sa inyo.
Congrats and Good job, BoC Chief Rey Leonardo Guerrero at Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro!
**
Buksan man ng gobyerno ang maraming negosyo, hindi pa rin lalabas ang maraming tao.
Bakit, wika ninyo?
Sobra ang taas ng pamasahe, maging sa mga tricycle, lalo na sa mga probinsiya.
Sa maraming parte ng bansa, ang tricycle na ang pangunahing sasakyan dahil sa kawalan ng bus at jeep.
Kaya paano lalabas ang tao eh ang taas-taas ng pamasahe.
Katwiran ng mga drayber ay iisa lang ang puwede nilang isakay dahil sa social distancing.
Hanggat nandiyan ang mga restriction, hindi makababangon ang ekonomiya.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagayblang ang huong pangalan at tirahan.)