P316M kontrabando, timbog sa CIIS, ESS

NOONG nakaraang Mayo 7, 2021, nagsanib-puwersa ang Manila International Container Port at Port of Manila Customs Intelligence and Investigation Service, sa pakipagtulungan ng Enforcement and Security Service (Customs Police) para magsagawa ng anti-smuggling operations sa  siyudad ng Pasay at Navotas.

Ang joint operation, na isinagawa sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na pirmado ni Commiasioner Rey Leonardo Guerrero, ay nagresulta sa pagkakasakote ng mga illegal at IP infringing items na nagkakahalaga ng P316 milyon.

Nakita ang mga iligal na produkto na nakaimbak sa mga dalawang magkahiwalay na storage facility.

Sinalakay ng unang team ang isang storage facility sa Navotas city.

Dito nila nakita ang mga “frozen meat” ng Peking Duck at Black Duck na nagkakahalaga ng P16 milyon.

Ang isa namang grupo ng mga taga-MICP at PoM ay nagsagawa ng operation sa Pasay city.

Dito naman  ay tumambad sa mga taga-BoC ang iba’t ibang IP infringing goods.

Ito’y mga produkto na may brand na Nike, Lacoste, Louis Vuitton, Jordan, Crocs at Adidas na nagkakahalaga ng P300 milyon.

Ayon kay BoC Chief Rey Guerrero, patuloy nilang hahabulin ang mga taong nasa likod ng mga katarantaduhan sa Aduana.

Ito’y kahit pa nga patuloy sa pagragasa ang pandemya.

***

Sa Port of Subic naman sa Zambales, tuloy din ang kampanya laban sa ismagling.

Akala siguro ng mga ismagler ay natutulog sa pansitan ang mga tauhan ni District Collector Maritess Martin.

Dito sila nagkamali dahil laging alerto ang mga taga-Port of Subic.

Natimbog tuloy ang mga tinangka nilang ipalusot na pekeng sigarilyo.

Nagkakahalaga ng P38.1 milyon, ang mga counterfeit na sigarilyo ay galing ng China.

Ang mga sigarilyo ay deklaradong mga assorted textile.

Dahil pinagsususpetsahang naglalaman ng mga pekeng sigarilyo, idinaan sa 100 percent physical examination ang shipment.

Dito nga tumambad ang mga sigarilyo at damit.

Naglabas na si Collector Martin ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa kargamento.

Sinabi ni Martin na ang seizure ng shipment ay bunga ng kanilang “relentless efforts to secure the border against illicit trade.”

***

Apat na buwan na lang maghahain na ng Certificate of Candidacy (CoC) ang mga kakandidato para sa darating na eleksiyon sa Mayo 2022.

Kaugnay nito, unti-unti nang iinit ang patutsadahan ng mga magkakatunggali sa darating na halalan.

Dito natin malalaman ang tunay na  kulay ng mga  balak “maglingkod” sa lokal at nasyonal na posisiyon.

Ayon nga sa ating miron, “atat na atat” na ang mapeperang kandidato.

Ang mga walang-wala naman ay sasakay na lang sa mga mayayamang kapartido.

Pero sa tingin natin, “politically mature” na ang mga botante.

Hindi na sila makukuha sa kinang ng pera.

Sana nga!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4865430/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment