WALANG kaduda-duda na talaga namang tagumpay ang fuel marking program (FMP) ng gobyerno.
Umabot na nga ng P367.3 bilyon ang import duties at iba pang buwis ang nakokolekta ng gobyerno sa ilalim ng programa.
Kagaya ng inaasahan, ang bulto ng buwis ay kinolekta ng Bureau of Customs (BoC) na pinamumunuan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Ang koleksyon ng BoC ay umabot ng P3l7.4 bilyon, samantalang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) naman ay nakakolekta ng P29.8 bilyon hanggang Oktubre 202l.
Sinabi ni Finance Sec Carlos Dominguez lll na ang mga buwis ay galing sa fuel products na hinaluan ng chemical marker.
Nilalagyan ng chemical marker ang mga inangkat na oil product para malaman na ang mga ito’y ipinagbayad na ng buwis.
Nagsimula ang fuel marking program noon pang Setyembre 20l9.
Ito ay inilunsad para masawata ang oil smuggling sa bansa— at korapsyon sa BIR at Aduana.
Ang paghahalo ng marker ay isinasagawa ng BoC sa mga depot, tanker trucks, barko, warehouse at iba pang fuel transporting vehicles.
Isinasagawa naman ng BIR ang fuel marking sa refineries, gasoline stations at iba pang retail outlets.
Kung walang marker ang mga produktong petrolyo ay itinuturing na puslit.
Kaya madaling mahuli ang mga nagtitinda o nagtatransport ng oil products na hindi ipinagbayad ng buwis.
Siguradong nag-iisip na naman ng paraan ang mga oil smuggler kung paano makapandaya.
Huwag natin kalimutan na mapera ang mga ismagler at “highly enterprising.”
***
Unti-unti na tayong bumabalik sa dati nating pamumuhay.
Sa totoo lang, ang daming nabago sa mundo dahil sa pagsulpot ng nakamamatay na Covid-l9.
Maraming namatay, nawalan ng trabaho, nagsarang opisina at nawasak na pamilya.
Dahil walang pera, maraming pamilya ang nagulo.
Nagbabangayan ang mga mag-asawa na kung minsan ay nauuwi pa sa hiwalayan.
Kaya nga huwag na tayong pasaway para matapos na pandemyang ito.
Sumunod lagi sa mga health protocol para hindi na muling tumaas ang kaso ng hawahan ng Covid-l9.
Maraming umaasa na sa Marso ay bababa na sa alert level 1 ang buong bansa.
Nasa pagtulungan nating lahat ‘yan!
***
Habang papalapit ang eleksyon ay lalong lumalakas ang kandidatura ng ilang politiko.
Nangunguna pa rin si Idol Raffy Tulfo sa pagkasenador at tumaas naman ng pwesto sina De la Salle Univeraity Dean Chel Diokno at dating PNP Chief Guilor Eleazar.
Si Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan ay angat (daw) sa laban sa pagka-alkalde sa Maynila.
Napagtatanto na ng mga botante ang kahalagahan ng pagboto sa mga nabanggit na kandidato.
Alam na ng taumbayan ang track record nila.
Mabigat ang laban dahil pare-pareho silang walang sapat na financial at manpower resources.
Pero matatalino naman na ang mga botante sa bansa.
Hindi na sila nakukuha sa kinang at kalansing ng pera.
Ika nga, ” politically mature” na ang maraming botante.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0916-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).