P4.4M “marijuana kush,” timbog sa Port of Clark

PUSPUSAN ang ginagawang pagsasanay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC), na pinamumunuan ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, sa paggamit ng X-ray machines.

Sa ngayon, malaki ang gampanin ng mga makinang ito at ng kanilang mga operator sa pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa ismagling.

Sa paggamit ng state-of-the-art na scanning machines na ito ay napapabilis din ang inspeksyon at paglabas ng mga kargamento sa mga pier sa buong bansa.

Kaya nga, kamakailan ay nag-deploy ang pamunuan ng BoC-X-ray Inspection Project (XIP) ng mga karagdagang makabagong X-ray machine sa ilang ports of entry.

Isang unit ng Nuctech mobile container X-ray scanner ang inilagay sa Port of Cebu. Maglalagay din ng kaparehong scanner sa Port of Cagayan de Oro, ayon sa BOC.

“The high -scanning capability of the mobile container X-ray scanners allows faster scanning through its pass-through made feature, assuring precise inspection of all containerized cargoes,” ayon sa BoC.

Maglalagay din ng isang Astrophysics fixed checked-in baggage scanner at dalawang Astrophysics hand-carry baggage scanners sa Boracay International Airport.

Malaking tulong ang mga makinang ito para malaman kung may mga nakatagong kontrabando sa mga bagahe ng mga turista na lalapag sa airport na ito.

Ang Boracay International Airport ay nakatakda raw na magbubukas sa susunod na buwan.

Matatandaan na pag-upo ni Pangulong Marcos ay inatasan niya si BoC Chief Yogi Filemon Ruiz na patigilin ang ismagling na nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Lalo na ang iligal na pagpasok ng droga at produktong agrikultura sa Pilipinas.

At sunod-sunod nga ang pagsakote ng mga tauhan ni Commissioner Ruiz, na isang dating “drug buster”  ng mga ipinagbabawal na droga at agriculture products.

Talagang maraming “hard-headed” na kababayan natin. Kasi alam nila na madaling magka-pera sa ismagling.

Ayaw niyong tumigil sa iligal na negosyong ito pero handa naman ang mga otoridad, sa pangunguna ng mga taga-BoC, para kayo’y paghuhulihing lahat.

Hindi ba, Commisioner Ruiz?

***

Kagaya ng ibang ports of entry sa buong bansa, abala rin ang Port of Clark sa Pampanga sa kampanya ng Administrasyong Marcos laban sa ipinagbabawal na gamot.

Talagang mahirap lumusot ang illegal drugs, kasama na ang “Kush,”  sa Port of Clark dahil “bantay sarado” ito ng mga opisyal at tauhan ni OIC Collector John Simon.

Kamakailan nga ay nakakumpiska ang mga tauhan ni Collector Simon ng 2,922 gramong “Kush” o high grade marijuana na galing pa ng California, Estados Unidos.

Nagkakahalaga ng P4.4 milyon, ang marijuana ay nakapaloob sa isang shipment na idineklarang naglalaman ng “fishing net.”

Ayon sa report, ang kargamento ay dumating sa Port of Clark noong Oktubre, 23, 2022.

Dahil nakitaan ng “suspicious image” ang shipment, minarkahan ito ng “for physical examination.” Nang buksan ang kargamento ay nakakita ang mga examiner ng isang blue styrofoam.

Naglalaman naman ang styrofoam ng anim na vacuum-sealed packs of “dried leaves suspected to be illegal drugs,” ayon sa mga otoridad.

Kumuha ng representative samples ang mga imbestigador at ibinigay sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para idaan sa laboratory analysis.

Dito nga nakumpirma na ang representative samples na kinuha sa shipment ay nagtataglay ng tetrahydrocannabinol/marijuana, na isang dangerous drug.

Isa na namang “good job” ito ng mga taga-BOC-Port of Clark.

Congrats Collector John Simon!

***

Mukhang tama ang desisyon ng gobyerno na luwagan na ang COVID-19 restrictions na nagpahirap sa Pilipinas nitong nakaraang dalawang taon.

Hindi naman kasi nagkaroon ng pinangambahang pagsipa ng bilang ng mga nagkakasakit ng coronavirus disease o COVID-19 kahit bumalik na ang face-to-face classes sa bansa.

Sa mga pampublikong paaralan ay obligadong bumalik ang F2F classes, pero ang private schools ay puwede pang magpatupad ng blended learning.

Dapat lang na ibalik na in-person ang mga klase dahil marami ang nagsasabing mukhang nakalimutan na ng mga mag-aaral na bumasa at magbilang ng tama.

At maraming salamat kay Vice President/Education Secretary Sara Z. Duterte dahil sa mga repormang ipinapatupad niya sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).

Good job, Ma’am Sara.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment