P769.7M na kontrabando, nakumpiska ng BoC

TULOY-tuloy pa rin ang kampanya ng Bureau of Customs (BOC), na pinamumunuan ni Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero, laban sa ismagling.

Ito ay kahit na malapit na ang katapusan ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Kagaya ng inaasahan, magkakaroon ng bagong hepe ang BOC, ang second biggest revenue agency ng gobyerno, pag-upo ng mananalong presidente ng bansa sa Hunyo 30, 2022.

Sa katunayan, usap-usapan ngayon sa Aduana ay kung sino ang papalit kay Guerrero.

Syempre, “pakiramdaman” na ngayon ang mga kawani at opisyal ng ahensiya.

May mga humahanap na ng padrino sa grupo nina dating Senador Bongbong at Vice President Leni Robredo.

Sa mga opinion surveys kasi ay nangunguna sina BBM at VP Leni.

Pero hindi pwedeng balewalain sina Yorme Isko Moreno Domagoso, Senador Ping Lacson, Sen. Manny Pacquiao at Leony de Guzman.

Sila ang mga masasabing pwedeng makasilat sa dalawang nangungunang kandidato.

At dahil abala nga ngayon ang mga taga-BOC sa paghahanda sa inaasahang malawakang rigodon ng mga opisyal pag-upo ng bagong Presidente, akala siguro ng mga ismagler ay puwede silang magpalusot ng mga kargamento.

Diyan sila nagkakamali.

Sa katunayan, sa unang anim ng linggo pa lang ng 2022 ay nakasakote ang BOC ng mga puslit na produkto na nagkakahalaga ng mahigit P769.7 milyon.

Ang mga kontrabando ay nakumpiska nang magsagawa ang mga taga-BOC ng 33 search and seizure operations, ayon sa Department of Finance (DOF).

Ayon sa ulat ni Guerrero kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang mga kontrabando ay kinabibilangan ng mga sasakyan at accessories na nagkakahalaga ng P420 milyon.

Mula Enero 1 hanggang Pebrero 11 ay nakakumpiska rin ng mga tauhan ni Commissioner Guerrero ng illicit na sigarilyo at iba pang produktong tabako na nagkakahalaga ng P221.4 milyon.

Nakasakote rin ang mga taga-BOC ng mga ipinagbabawal na gamot na nagkakahalaga ng P46 milyon.

Dahil sa pagkaka-dismantle ng mga laboratoryo ng shabu sa bansa ay walang nagawa ang mga sindikato ng droga kundi mag-import na lang ng mga ipinagbabawal na gamot.

Pero alam naman ng mga tauhan ni Sir Jagger kung paano nagpaparating ng droga ang mga sindikato kaya nga maraming shabu, marijuana at party drugs ang bumabagsak sa kamay ng mga otoridad.

Kinasuhan din ng BOC sa korte ang tatlumpong pinaghihinalaang ismagler.

Kahit sino pa ang pumalit kay Commissioner Guerrero ay siguradong isa sa kanyang priority programs ang paghabol sa mga ismagler.

***

Buhay na buhay na naman ang mga syudad, bayan at pati barangay.

Marami na naman ang mga nagpapa-pista dahil sa pagkakalagay sa “Alert Level 1” ng maraming lugar.

Dalawang taon ding walang pista sa bansa dahil sa pagragasa ng nakakatakot na Coronavirus disease o COVID-19 sa buong mundo, kasama ang Pilipinas.

Kaya parang nakawala sa hawla ang mga kababayan natin nang luwagan ng gobyerno ang mga restriction bunga ng dramatikong pagbaba ng bilang ng mga taong nagkakasakit ng COVID-19.

Pero katulad nang ating laging sinasabi, huwag tayong magpaka-kampante dahil nandiyan pa rin ang nakakamatay na virus.

Ang mahalaga ay sundin pa rin natin ang minimum health protocols na kagaya ng pagsusuot ng maskara, social distancing at regular hand washing.

Para naman tuloy-tuloy na ang ligaya.

***

Sa tingin natin ay mahirap ng mawala ang “vote-buying” tuwing may eleksyon sa Pilipinas.

Alam na ito ng mga politiko kaya madalas marinig sa mga gustong kumandidato na lamang ang mga mapera dahil sila ang dinudumog ng mga botante.

Kahit malayo pa ang eleksyon ay pila-pila na ang mga taong nanghihingi ng tulong sa mga mayamang kandidato.

Ang masakit, kahit mayayaman ang mga iyan, kapag nanalo, siguradong babawiin din nila ang ginastos sa eleksiyon.

Maging matalino tayo, suriing mabuti ang mga ihahalal natin sa Mayo 9.

Mas kailangan natin ang mga tunay na magsisilbi sa bayan dahil sa laki nang kinakaharap na problema ng bansa.

Ang utang ng Pilipinas ay umabot na ng mahigit LABINDALAWANG TRILYONG PISO (P12 trilyon), Tsk tsk tsk…

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong panagalan at tirahan.)

Comments (0)
Add Comment