Pag-aralan nating mabuhay na nandyan ang COVID-19

DATI-rati, takot ang marami na lumapit sa mga taong mayroong tuberculosis (TB) o ang dati’y nakamamatay na sakit sa baga.

Sa totoo lang, noon parang “ketong” na pinandidirihan ang mga may sakit ng TB dahil talaga namang nakahahawa ang karamdamang ito.

Pero unti-unting nabawasan ang takot ng mga tao sa TB dahil  puwede naman pa lang magamot ang sakit na ito.

Sa katunayan, ngayon ay libreng makukuha sa mga health center ang gamot sa para sa nasabing sakit.

Bagama’t nagagamot na ang TB hindi pa rin ito dapat ipag-walang bahala.

Ayon kasi sa mga eksperto, tinatayang nasa 80 porsiyento ng mga Filipino ang may potensyal na sakit na TB kaya dapat tayong mag-ingat.

Sa ngayon kasi, balewala na sa mga tao kung may sakit na TB ang kanilang kaharap.

Ganyan din siguro ang mangyayari sakaling maging ‘widely available’ na ang gamot laban sa COVID-l9.

Sana madaliin na ng husto ang paggawa ng mabisang gamot laban sa nakakatakot na virus.

Ayaw man natin, tanggapin at pag-aralan na nating mabuhay na nandiyan ang COVID-l9.

Siguradong mananatili na sa atin ang pesteng virus.

Tayo na ang gumawa ng paraan kung paano tayo makaiiwas sa sakit.

Tama ba, Health Secretary Francisco Duque?

***

Sa Martes, Pebrero 8, ay simula na ng pangangampanya ng national candidates.

Ito ang mga tumatakbo sa pagka-pangulo, bise presidente, senador at partylist.

Sa pagsisimula ng pangangampanya ay inaasahang titindi pa ang “word war” na madalas ay kagagawan ng mga “PR” o propagandista ng mga kandidato.

Ganyan talaga ang politika sa Pilipinas, lalo na sa kanayunan.

Matindi ang batuhan ng putik na lalong nagpapa-init sa labanan.

Madalas ay mga propagandista na ang gumagawa ng mga “maiinit” na isyu para mapag-usapan ang kanilang mga kandidato.

Kailangang may trabaho ang mga propagandista para hindi sila tanggalin ng kani-kanilang amo.

Malaking bagay kung laging nasa “limelight” ang isang kandidato.

Iba talaga ang mga politikong may magagaling na propagandista.

***

l48 days na lang ang nalalabi sa administrasyong Duterte.

Siyempre ang inaabangan ng lahat ay kung sino ang magiging bagong presidente at bise presidente natin.

May mga kababayan naman tayo na ang inaabangan ay kung sinu-sino ang mga babalimbing pagkatapos ng eleksyon.

Hindi natin masisisi ang mga magpapalit ng kulay.

Anim na taon kasi uupo sa Malakanyang ang bagong pangulo.

Siyempre, kanya-kanyang dahilan kung bakit sila babalimbing.

Pero mas maganda kung hintayin na lang nila na ang bagong pangulo ang magyaya sa kanilang tumulong sa gobyerno.

Mas katanggap-tanggap ito sa taumbayan kaysa bigla na lang silang lilipat ng kampo.

At sa totoo lang, kailangan pa rin natin sila bilang mga fiscalizer sa gobyerno.

Mahirap naman kung panay yes sir o yes ma’am na lang ang maririnig natin.

Ano sa tingin niyo?

(Para sa inyong komento o suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Comments (0)
Add Comment