Pag-asa, Kredibilidad ang dala ng Aksyon Demokratiko

PINANINDIGAN ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na hindi niya babawiin ang ‘no face shield policy’ sa Maynila.

Kamakailan, sa bisa ng Executive Order 42, puwede nang lumabas ng bahay ang Manilenyo nang walang suot na face shield, maliban sa mga ospital, paanakan, bakunahan laban sa COVID-19, at mga katulad na pasilidad medikal.

“Kung hindi sila masaya, pumunta sila sa Korte, at doon humingi sila ng declaratory relief. Basta kami rito sa Maynila, tuloy ang aming no face shield policy,” sabi ni Yorme Isko.

Ikinatwiran ng pambatong kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko na kapakanan ng tao ang layunin ng utos niya.

Nakikinig siya sa hinaing ng tao.

“Sa aming local governments, ‘yung hinaing lang naman ng tao ang aming dinidinig. That’s the purpose of governance – tao una,” paliwanag ni Yorme Isko.

***

Kung paano umani ng papuri at suporta si Yorme Isko sa puso ng mga Cebuano sa kanyang dalawang araw na “Listening Tour”sa Central Visayas province, lumusob naman sa San Miguel, Bulacan si Aksyon Demokratiko vice presidential candidate, cardiologist Doc Willie Ong, kasama sina kandidatong senador, civic leader Almira Gutoc, Dr. Carl Balita at dating Quezon City councilor Jopet Sison.

Personal na sinamahan ang pangkat ni Doc Willie ni dating Bulacan 3rd District Rep. Bodjie Cabochan at Aksyon Demokratiko mayoralty candidate Atty. Jiboy Cabochan sa konsultasyon sa mga opisyal ng barangay ng San Miguel.

Ipinaliwanag ni Doc Willie nang malinaw ang adhikang “Buhay at Kabuhayan” na sentro ng programa sa gobyerno ng kanilang tiket kung manalo sa halalan sa Mayo 2022.

Mabilis na umakit ng suporta sa mga tao ang plano ni Yorme Isko na kaltasan ng 50 porsiyento ang excise tax sa petrolyong langis at kuryente at ang pakinabang na ibibigay sa mga lokal na pamahalaan ng Mandanas ruling upang maibangon at mapalakas ang micro, small and medium enterprises (MSMEs);

Pagtatayo ng maraming imbakan at bodega at cold storage facilities para sa aning produkto sa bukid at pangisdaan sa bansa at malawakang pagtatayo ng mga tulay, kalsada, mga gusaling ospital, paaralan, at iba pang pasilidad na pangunahing makikinabang ay ang mahihirap na pamilyang Pilipino.

Kailangan na ang lahat ng programa ng pamahalaan ay nakalinya sa pag-angat ng buhay at kabuhayan ng taumbayan, sabi ni Doc Willie na malinaw na naipakita at ginawa ni Isko sa Maynila.

Aniya, gayun ang estilo ng gobyerno ni Yorme Isko sa Maynila na nakasentro sa pakinabang ng Manilenyo.

“Laging nagpaparaya ‘yung gobyerno niya (Isko) sa Maynila at nakikinabang ‘yung tao. Moreno instituted tax amnesties and lower tax for businesses,” sabi ni Dr. Ong.

***

Bunga ng maka-mahirap at maka-masang paglilingkod ng alkalde, muling nagbukas ang mga negosyo na matinding tinamaan ng pandemyang COVID-19, sabi ng sikat na cardiologist at medical vlogger.

Dagdag ni Doc Willie, bunga ng amnestiya at magaang buwis sa Maynila, dumami ang nagnenegosyo ngayon sa siyudad at marami ang nabibigyan ng trabaho.

“Kaya ang tagline namin bukod sa ‘Bilis Kilos’ ay ‘Tao Muna.’ Kasi galing siya talaga sa hirap,” sabi ni Ong.

Likas na malasakit at pagkalinga sa tao ang dahilan kaya pumayag siya na maging katiket ni Yorme Isko, aniya, at gusto niyang mareporma ang sistema at palakad sa serbisyo sa kalusugan ng bansa.

Health sector ang tutukan niya kung siya ang mananalong bise presidente, sabi ni Doc Willie.

“Kaya ako nagpapakahirap kasi di na ako masaya sa puro payo lang.

Gusto ko may gamot kayo, gusto ko kung ang nanay, tatay nyo, pag nagkasakit, maooperahan natin nang libre, at marami tayo maaayos,” sabi pa ni Ong.

Hiniling ni Doc Willie na suportahan ang tatlong kandidatong senador ng kanilang partido.

“Carl Balita is a nurse, educator, midwife, magaling sa trabaho, at honest ito. Jopet Sison, kapag may katwiran, ipaglaban n’yo. makakatulong din siya at si Samira Gutoc is for women’s and family rights at karapatan ng mga evacuees,” sabi ni Ong.

Ipinaliwanag naman nina Ong, Balita, Sison at Gutoc na malinaw ang hangad ng kanilang programang “Buhay at Kabuhayan” at ito ay agad na sisimulang ipatupad ng gobyernong Isko Moreno upang maibangon at mapagaang ang mabigat na pasanin sa buhay ng karaniwang pamilyang Pilipino.

Mas naiintindihan ni Yorme Isko ang dinaranas ng mahihirap, sabi ni Dr. Balita dahil ang alkalde ay galing sa hanay ng mahihirap.

“At lahat ng nangyari sa Maynila, inisip na niya for 10 years, pero na-deliver niya in just two years. Ganun kabilis ang aksyon ni Yorme, ang ating susunod na pangulo, Isko Moreno,” sabi ni Dr. Balita.

***

Sakaling palaring manalo, ipinangako nina Balita, Gutoc at Sison na ililinya nila ang mga batas na lilikhain sa gobyerno para sa mahihirap na gusto ni Yorme Isko.

Pabahay sa mahihirap, mas mabuting serbisyong medikal at de kalidad na edukasyon; kalinga at suporta sa mga karapatan ng babae, mga bakwet, sektor ng LGBTQI, libre at maaasahang tulong legal sa mahihirap, mas maluwag at mas mabilis na proseso at permiso sa negosyo, at tax exemption sa MSMEs at mas epektibong lingkod sa mamamayan.

Nagtitiwala sila, sabi pa ni Dr. Balita sa liderato ni Isko kaya kahit walang political machinery mas pinili nila na sa sumama rito.

“Tulad ni Yorme Isko, tao, pag-asa, kredibilidad, ‘yan po ang dinadala namin,” sabi ni Dr. Balita.

***

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment