Pagbabago, kayang gawin– Commissioner Guerrero

SA KABILA ng totohanang reporma at kampanya kontra katiwalian at kurapsiyon sa Bureau of Customs (BoC), bakit daw hindi pa rin mabuwag-buwag ang mga sindikato ng ismagler at mga palusutan dito?

Bakit nga ba, at ang kasunod na tanong: Dapat na bang maglagay ng mga “santo” sa Customs para ang dumi rito ay tuluyang malinis?

May katwirang madismaya ang mga nagtatanong kung kailan ba ganap na malilinis ang BoC na sa nakalipas na mga administrasyon ay nagpatupad ng kani-kanilang kampanya laban sa katiwalian at kabulukan sa naturang ahensiya.

Sa mga nakaraang administrasyon, may malalaking isda rin sa loob at labas ng Customs na ang inusig at sinampahan ng mga kasong nililitis pa ang marami sa Ombudsman, Sandiganbayan at sa mga korte sa bansa.

Pero matapos na matuwa ang marami sa naunang desisyon na pabor sa gobyerno, makaraan ang ilang buwan ang katuwaan ay napapalitan ng “pagluluksa,” kumbaga.

Nagagawa pa rin kasi ng ilan na makalusot sa lambat at sapot ng hustisya.

Ang ganitong mga pangyayari ay nagpapagunita ng matandang kasabihan: Gamo-gamo, langaw at kulisap lamang ang mahuhuli ng sapot ng gagamba. Tiyak na wasak ang sapot kung ang tangkang huhulihin ay isang agila.

Gayundin, walang matibay na lambat kung ang huhulihin ay mga dambuhalang pating sa katihan.

Masakit aminin, pero ito ang patuloy na nasasaksihan ng bayan.

Pipit at maya lang, mga dilis at galunggong lang ang nabibitag ng sapot at lambat na panlaban sa mga kurap.

Kailangan na nga ba ng mga santo sa Aduana, tulad ng nais ng iba, pero ang kasunod na mga tanong, may mga santo bang papayag na mamahala sa Customs at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nanggigitata sa dungis at kasamaan?

Noon daw panahon ni Pangulong Ramon Magsaysay, makikisig na disiplinadong “mistah” ng Philippine Military Academy ang naipuwesto sa Customs (panahon ito ni Pang. Diosdado Macapagal— Editor).

Sa simula ay kasama sila sa paglutas sa problema, pero nang magtagal, sila na raw ang pinakamalaking problema sa Aduana.

Teka pala, hindi ba pulos “mistah” rin mula sa PMA ang nasa Customs ngayon? Nagtatanong lang naman po!

May pag-asa pa ba na mapatino ang Customs?

***

“Lawakan natin, buksan natin ang ating isipan!”

‘Wag isara ang puso at pagtitiwala na dahil ang iba ay nabigong mabago ang Bureau of Customs, hindi na ito maaari pang mabago, at lahat ng pagsisikap ay mauuwi sa wala.”

Ito naman ang apela at paliwanag ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa publiko, higit sa mga kasamang kapwa public servant sa BoC.

Kung hihinto na siya at mga kasama sa Aduana sa paniniwala na kayang mabago at maireporma ang BoC, wala ngang mangyayari, hindi ba?

Kaya ang pakiusap ni Guerrero: magpatuloy tayong lahat na magsumikap, magpatuloy sa kabila nang maraming paghamon at makakayang baguhin ang mga mali, maitutuwid ang mga baluktot, basta ‘wag lang titigil sa pangangarap na mababago rin ang lahat.

Mabuting pagtatrabaho, walang pingas na pagtitiwala sa kabutihan at katapatan ng mga kasama sa BoC ay isa sa mga susi ng reporma sa kawanihan.

Kung maging matino at mahusay sa trabaho, ang pagbabago ay kailangang maipabatid sa taumbayan.

At ito ay magagawa kung ang lahat ay magtutulungan, at ang lahat ay makikiisa sa ginagawa niyang reporma, pakiusap pa ni Guerrero.

Malinis, matapat at mapagkakatiwalaan ang tanging nais ni Sir Jagger, at naniniwala po tayo, ito rin ang hangad ng pinakamaraming tunay na lingkodbayan sa Customs.

Sa ngayon, ani Jagger ay patuloy lang niyang ibinubuhos ang panahon sa pagpapatino at pagpapahusay sa koleksiyon ng BoC;

Sa “pakikidigma,” katulong ang isa sa kanyang pinagtitiwalaan na si Deputy Commissioner for Intelligence, Rainier Ramiro laban sa lahat ng ismagler, at ang pagpapatuwid sa mga mali at pag-uusig at pagsasakdal sa mga ayaw magpakatino.

“Marami pang dapat na gawin sa Customs… at ang kailangan ko po ay ang suporta ng lahat ng mga kasama sa BoC, at ang pagtitiwala ng bayan,” matatag na sabi ni Guerrero.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment