Paglaban sa katiwalian, bakit tila palaging bigo?

BAKIT sa kabila ng sinasabing napakaraming reporma, pagbalasa at pagpasa ng mga batas na may ipinapataw na napakabigat na parusa, hindi pa rin nababawasan, lalo pa yatang tumitindi at yumayabong ang graft and corruption?

Alam na natin ang sagot dito: Dahil ang mga taong nagpapatupad ng reporma, kundi inutil ay protektor o pasimuno pa nga ng katiwalian.

At bakit nila ginagawa ito: Iisa rin lamang ang maaaring isipin, sila ay nakikinabang sa umiiral na graft and corruption. Kahit alam nila na mahalay na pakinabang ang natatanggap nila mula sa katiwaliang ito, ang umiiral ay kasakiman sa salapi at impluwensiya.

Kulang sa tapang ang mga opisyal ng pamahalaan na kalabanin ang kabulukan at walang puknat na pagsisinungaling at pagtatakip sa kasamaan dahil umiiral ang matinding inggit at panghihinayang — na kung iiwan nila ang pagtangkilik sa tiwaling pakinabang, sila ay parang nalulugi at mamamatay sa inggit sa mga kasamang sasalo sa pagtatamasa ng bawal na bunga ng katiwalian.

Mga halimbawa repapits, ang mga kongresista na paulit-ulit na nahahalal at nanalo sa eleksyon, di po ba? Sa mga tinanggap at tinatanggap nilang pork barrel na ang terminolohiya o tawag ngayon ay “line-item appropriations” o “budgetary allocation” or “fund insertions” (huwag na ang suweldo), mga perks at iba pang benepisyo, aabot marahil ‘yon sa trilyong piso.

May nakita bang pakinabang para sa sambayanan ang salaping patuloy na itinutustos ng Sambayanang Pilipino sa mga kongresistang ito na sa buwisit ng mga tao ay nagkakasya na lamang sa pagtudyo at paglibak sa pagtawag sa kanila na mga ‘Mambubutas?’

Ang bayan nga ba talaga ang kanilang kinakatawan, pinaglilingkuran at ipinaglalaban?

Maaaring maglahad sila ng kung ano-anong batas na pinagtibay nila sa Kongreso, pero may naidulot bang ginhawa ito sa karaniwang mamamayan partikular sa mga mahihirap nating kababayan.

‘Yang EPIRA Law (The Electric Power Industry Reform Act) na sinasabing magpapagaan sa bayarin natin sa mataas na presyo ng kuryente halimbawa.

Sa halip na bumaba ang electric bill natin, napakataas na nito para isumpa na natin ang mga ‘mambubutas’ este mambabatas na nagpasa at nagpatibay nito.

‘Yang Privatization law, ‘yang EVAT (expanded value added tax) at iba pang batas, ang mga ito’y krus na pinapasan nating lahat na mahihirap.

‘Yang Oil Deregulation Law at iba pang batas na nagpapataw ng dagdag na buwis at parusa sa bayan, ang mga ito’y ginastusan ng karaniwang si Mang Juan at si Aling Maria para maging batas.

May mga mambabatas na panay ang pagtuligsa at pagbatikos sa mga kabulukan sa Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue at marami pang iba pero sinasabihan ba nila ang mga kaibigan nila sa mga ahensyang ito na magbayad ng tamang buwis?

May ilang tao sa gobyerno na ang mga salitang lumalabas sa kanilang bibig ay nagpapahamak at naglalagay sa paghihirap at panganib sa bayan, tama po ba, mga kababayan ko?

***

Nakababahala na talaga dear readers ang tumataas na bilang ng mga umaalis na mga doktor at nars para magtrabaho sa ibang bansa, gayong batid namang mas kailangan natin ang medikal na serbisyo nila lalo ngayong nasa pandemic pa tayo at dumaraming kaso ng iba’t ibang uri ng sakit.

At dahil sa kapabayaan ng ating gobyerno na masolusyonan ang problema o mga kapakanan ng Pinoy health workers, posibleng lumala ang krisis sa bansa sa pangangailangang pangkalusugan.

Ultimo mga bigating doktor ay isinasakripisyo ang kanilang propesyon para lamang makapagtrabaho sa abroad bilang mga caregiver, nakalulungkot, di po ba?

Pero tila wala pa ring aksyon ang ating gobyerno sa suliraning ito, dahil hanggang ngayon bigo ang Department of Health na matugunan ang kakulangan ng publiko o pribadong ospital na maaari nilang mapasukan.

Hindi lang po iyan dear readers, hanggang ngayon at ang mga nakaraang administrasyon ay nabigong tugunan ang pagpapatupad ng mataas na sahod at benepisyo para sa ating health workers kung kaya’t hindi maiwasan na umalis na lang sila ng bansa kapalit ng trabaho sa abroad na may mataas na sahod at benepisyo.

***

Base sa impormasyong ibinato sa inyong abang lingkod ng ating mga kuting sa DOLE at DoH, mahigit 12,000 doctors at nurses ang lumalabas ng bansa para lamang magtrabaho sa mga ospital sa ibang bansa gawa ng kapalpakan at hindi agad pagtugon ng ating gobyerno sa mga hinaing nila sa sahod at kakulangan ng mga ospital na mapapasukan.

Hindi pa kasama sa nabanggit na bilang na iyon ang health workers na tulad ng radtech, medtech, reflexologists at iba pa na nagpapakamatay din na makapagtrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo gawa ng kaibahan sa taas ng suweldo kompara sa mababang sahod na tinatanggap nila sa bansa.

Dahil iba nga naman ang serbisyo at kalidad ng ating mga narses at doktor, halos hindi na magkandaugaga ang mga bansang tulad ng Saudi Arabia, Britanya, Germany, Canada, Japan at Estados Unidos sa pag-eempleyo at pagpirata sa mga ito.

Sino nga naman ang hindi maeengganyong magtrabaho sa ibang bansa kung kada buwan ay sasahod sila ng P150k hanggang P300k?

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment