“Paglilinis” ni PBBM suportado ng publiko

DAHIL sa taas ng presyo ng sibuyas ay kung saan-saan na nakakakumpiska ang mga otoridad ng mga puslit na imported onions na lalong nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka.

Talaga namang kaawa-awa na ang mga magsasaka dahil sa pagdagsa ng mga subuyas na galing  sa ibang bansa.

Ang masakit, binabarat pa ng mga tusong negosyante ang ani ng mga nagtatanim ng sibuyas, lalo na sa Occidental Mindoro, Nueva Ecija at Pangasinan.

Kaya nga hindi na tayo  nagtaka nang mabalitaan nating may mga nasabat ang Bureau of Customs (BoC)-Port of Zamboanga na mga puslit na imported red onions.

Nagkakahalaga ng mahigit na P9.5 milyon, ang mga sibuyas ay lulan ng dalawang motorized wooden vessel sa coastal areas ng Barangay Labuan at Barangay Cawit, Zamboanga City.

Ang mga kontrabando ay nasakote ng mga otoridad sa magkahiwalay na operasyon noong Enero 22 at 23.

Ang unang operasyon ay nangyari sa Barangay Labuan noong Enero 22 na kung saan nakakumpiska ang mga otoridad ng 1,624 ‘mesh bags’ ng red onions.

Sa pangalawang anti-smuggling drive sa Barangay Cawit ay mahigit na 4,000 mesh bags na puno ng sibuyas ang nadiskubre sa kaparehong wooden watercraft.

Ang mga kontrabando ay nasa kamay na ng Department of Agriculture (DA) for safekeeping.

Pinaigting ng mga tauhan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang kampanya laban sa ismagling sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Kaya nga ayaw munang bitawan ni Pangulong  Marcos ang pamumuno sa DA dahil gusto niya munang ayusin ang mga problema sa ahensyang ito.

“Umaaray” na kasi ang ating mga magsasaka dahil lagi na lang silang nalulugi sa ‘di mapigilang ismagling ng mga produktong agrikultura at sobrang baba ng presyo ng kanilang mga ani.

Masyado naman kasing ganid ang mga mapagsamantalang trader na sila na lang ang kumikita habang baon naman sa utang ang mga kawawang magsasaka.

Suportado ng taumbayan ang ginagawang paglilinis ni Pangulong Marcos sa agriculture sector.

Ituloy niyo lang ‘yang ginagawa niyo, ‘Apo’ Bongbong, para makamit na natin ang inasam-asam nating food security.

****

Base sa mga nakikita natin sa diyaryo, telebisyon at social media, talaga namang buhay na buhay na naman ang dating lugmok na tourist industry sa Pilipinas.

Dinadagsa na ng mga local at foreign tourists ang mga tourist spots, kabilang na ang Baguio City at mga kalapit nitong probinsiya, mula Northern Luzon hanggang Mindanao.

Ang kapansin-pansin, marami  tayong nakikitang turista na gumagamit pa rin ng face mask.

Indikasyon lamang ito na kahit na puwede ng lumabas na walang face mask, alam nang marami ang kahalagahan ng pagsusuot ng nito.

Proteksyon kasi natin ito. Alam naman natin hindi lang COVID-19 ang banta sa kalusugan natin. Marami pang nakakahawang sakit ang puwedeng dumapo sa atin.

Ang kailangan lang siguro ng gobyerno ay lalo pang paigtingin ang information campaign nito.

Iparating sa publiko ang mga kailangang gawin at iwasan para lagi tayong ligtas sa sakit at kapahamakan.

***

Kailangang tutukang mabuti ng gobyerno ang pagsipa ng presyo ng serbisyo at bilihin sa bansa.

Natutuwa naman tayo na gumagawa talaga ng paraan ang gobyerno para makontrol ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga ‘essential commodities.’

Dahil sa kahirapang nararanasan ngayon ng marami, lalo ang mga walang trabaho, baka may mga maligaw ng landas at maisipang magnakaw para lang may maipakain sa pamilya.

Kaya dapat laging alerto ang kapulisan at mga kawani ng barangay para hadlangan ang mga hindi kanais-nais na gawain ng mga desperado nating kababayan.

Dapat paghuhulihin ng otoridad ang mga magsasamantalang negosyante para hindi n sila pamarisan ng iba.

Walang puwang ang pagsasamantala dahil talagang hirap tayo ngayon pagkatapos ng mahigit dalawang taong halos walang kita ang marami nating kababayan.

Hindi dahil tamad ang mga tao kundi wala talagang mapasukang trabaho kaugnay ng dinanas na pandemya, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Mabuti nga dito sa Pilipinas, marami nang bukas na negosyo.

Ang problema nga lang, hirap pa rin ang mga employer dahil nagsisimula pa lang silang umarangkada.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #017-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Comments (0)
Add Comment