Pagtugon sa isyu, hindi personalidad

HINDI dahilan ang pandemya para magpabaya ang mga nagtatrabaho sa gobyerno.

Kagaya na lang diyan sa Aduana na pinamumunuan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Kayod kalabaw ang trabaho diyan dahil kailangan ng gobyerno ang pera.

Sa unang limang buwan ng taon ay nalampasan na ng Bureau of Customs ang kanyang monthly assigned tax take.

Ito ngang Hunyo ay inaasahang maaabot din ng BoC ang nakaatang na collectiön target.

Ibig sabihin nito ay hindi nagpapabaya sa trabaho ang mga taga-BoC.

Bukod sa koleksiyon, wala rin tigil ang panghuhuli ng ahensiya sa mga illegal shipment.

Kamakailan nga lang ay winasak nila ang mahigit P55M na halaga ng mga luxury car na tinangkang ipuslit sa bansa.

Ginawa ito ng BoC upang masiguro na hindi na muling mapasakamay ng mga ismagler ang mga sasakyan.

Noon kasi, kapag may nahuling luxury vehicles, inaabangan ito sa “auction” ng mga ismagler kaya balik rin sa kanila ang kontrabando.

Ngayon, wala na silang pagkakataon.

Siguradong hindi titigilan ni Comm. Guerrero ang laban kontra ismagling hanggang sa katapusan ng termino ni Pang. Duterte.

***

Panahon na para dalawang kandidato na lang ang maglaban sa pagka-pangulo ng Pilipinas.

Kapag maraming kandidato, sabug-sabog ang mga isyu.

Hindi kagaya nang dalawa lang ang maglalaban, alam mo na kung anong mga isyu ang sinusuportahan ng kandidato.

Syempre susuporta sa pambato nila ang partido at maglalabas ng manifesto na magsasaad ng kanilang mga paninindigan sa ibat-ibang mahahalagang isyu.

Kagaya ng foreign relations, ekonomiya, agrikultura at paggawa.

Sa foreign relations, paano natin mapoprotektahan ang ating mga pag-aari sa West Philippine Sea?

Sa pakikitungo sa Estados Unidos, paano natin mapo-protektahan ang milyun-milyong kababayan natin na nakatira doon.

Huwag natin kalimutan ang katotohanan na maraming Pinoy ang gustong magtrabaho at manirahan sa Amerika.

Dapat, ang pagtugon, sa isyu at hindi personalidad ang tingnan kung sino ang marapat na ipalit kay Pang. Digong.

Ano sa tingin, niyo?

***

Sa maraming parte ng bansa, buhay na buhay ang mga ambulant at online vendor.

Sa mga palengke, matumal ang negosyo dahil kakaunti ang namimili

Marami pa ring takot lumabas dahil sa COVID-19.

Matatakot ka talagang lumabas dahil maghapon mong naririnig sa radyo ang nagsulputang bagong “variant” ng COVID-19.

Isa pang malaking dahilan kung bakit kakaunti ang lumalabas ay mataas ang pamasahe, lalo na sa mga tricycle.

Sobrang maningil ang mga tricycle driver.

Ang katwiran nila ay isa lang ang puwede nilang isakay.

Kaya, tuwang-tuwa ang mga ambulant vendor at nagtitinda sa pamamagitan ng online.

Sa dami ng mga ambulant vendor ay matindi rin ang kompetisyon.

Pabor ito sa mga mamimili dahil nagpapabaan sila ng presyo.

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Comments (0)
Add Comment