Paigtingin ang kampanya laban sa mga hoarders at profiteers

HINDI dapat maging kampante si Pangulong Bongbong Marcos pag-upo niya sa Malakanyang sa darating na Hunyo 30.

Isa sa mga dapat unahing bantayan ng kanyang administrasyon ay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, lalo na ang mga pangunahing pangangailangan ng tao.

Huwag niyang kalimutan na may mga mapagsamantalang negosyante na ang tanging gusto ay kumita ng malaki sa madaling panahon.

Nandiyan din ang mga hoarder na walang ginawa kundi magsamantala para lang magkamal ng malaking kita kahit na alam nilang hirap na hirap na ang taumbayan.

Marami pa rin ang walang trabaho  dahil nananatiling sarado ang maraming negosyo bunga ng kakulangan ng puhunan.

Hindi sila basta makapagbukas dahil nandiyan pa ang banta ng COVID-19 pandemic. Sa katunayan, naglalabasan pa ang mga bagong variant ng COVID-19.

Kaya nga dapat paigtingin pa ni PBBM ang kampanya laban sa profiteering at hoarding, lalo na sa mga probinsiya kung  saan ang maraming tao ay mga mahihirap.

Ang mahalaga ay siguruhin ng gobyerno, sa pamamagitan ng mga kinaukulang ahensiya, na walang mang-aabusong negosyante.

At dapat parusahan ang mga mapatunayang hoarders at profiteers para huwag silang pamarisan ng iba.

Pero kailangang tumulong ang taumbayan sa gagawing kampanya laban sa mga mapagsamantalang negosyante.

Isumbong sa mga otoridad ang mga hindi kanais-nais na gawain ng mga tiwaling  negosyante.

***

Sa tingin natin ay maraming opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang matagal ng kinakabahan dahil sa nalalapit na pagpasok ng administrasyon ni PBBM.

Lalo na siguro ang ilan na kilalang nagpapahirap sa mga maliliit na importer at customs broker na marangal na naghahanap-buhay sa tinatawag na “snake-infested waterfront.”

Alam nilang hindi  sila sasantuhin ni Pangulong Marcos at ng itatalaga niyang komisyuner ng BOC.

Kaya nga natatagalan ang bagong Presidente na mamili ng bagong mamumuno sa Aduana dahil ang gusto niya ay mapaganda ang serbisyo sa mga pantalan.

Kagaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), napakahalagang papel ang gagampanan ng BOC sa economic recovery efforts ng gobyerno ni President-elect Marcos.

Kailangang makakolekta ng sapat na buwis ang dalawang ahensiyang ito para may magamit na pang-pondo sa mga proyekto at programa ng administrasyon.

Kung hindi ay baka mahirapan at matagalang lumago muli ang ating ekonomiya na pinadapa ng nakakatakot na coronavirus disease (COVID-19) pandemic

Naniniwala tayo na titino ang mga naliligaw ng landas sa Aduana sa pagpasok ng administrasyong Marcos dahil sa kalidad ng mga taong isinasama ni BBM sa kanyang Gabinete.

Sa totoo lang, ngayon pa lang ay umaani na ng papuri si Pangulong Marcos.

Matitino at mahuhusay ang mga kinukuha niyang mga opisyal, ayon sa mga political observers.

****

Mabuti naman at tuloy-tuloy na ang face-to-face classes (F2F) sa mga pampublikong paaralan.

Ang kailangan lang ay sumunod ang mga estudyante, titser, magulang at ibang school personnel sa mga health at safety protocol para maiwasan ang hawaan ng sakit sa paaralan.

Dalawang taong walang F2F classes sa bansa dahil sa pandemya.

Bunga nito ay umasa na lang ang mga estudyante sa tinatawag na online learning.

Ang problema lang ay maraming lugar ang mahina ang signal ng Internet kaya hindi nakapag-aral ng mabuti ang mga estudyante.

Marami rin ang mga batang hindi makabili ng gadget dahil sa sobrang kahirapan ng mga magulang. Ang iba naman. may gadget nga pero wala namang pambili ng load.

Ang resulta ay marami daw ang mga batang walang natutuhan sa loob ng dalawang taon.

Kaya nga maraming magulang ang natuwa sa desisyon ng gobyerno na ibalik na ang F2F classes sa mga eskuwelahan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawagbo mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Comments (0)
Add Comment