‘Palakasan’ uso pa rin sa Customs; Congrats, Commissioner Yogi!

BAGO ang lahat ay isa munang pagpupugay sa bagong talagang Bureau of Customs (BoC) Commissioner Yogi Felimon Ruiz, na nanumpa nitong Huwebes, Hulyo 20, 2022, kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Si Ruiz ay dating hepe ng BOC-Enforcement and Security Services (ESS) at dati ring PDEA regional director.

Dahil alam na ni Ruiz ang kalakaran sa loob at labas ng BoC ay tiyak na kaya nitong magawa na mabago ang paningin at paniniwala ng publiko sa kawanihan.

Sinasabi rin na kaya ni Ruiz na patinuin at labanan ang katiwalian sa loob ng Aduana, lalo na ang pagsugpo sa talamak na ismagling.

Bukod sa paglaban sa ismagling ay sinasabing kaya rin ni Ruiz na tutukan ang paglilinis sa mga tiwaling kawani at opisyal sa kawanihan, at ang pagsulong sa maraming reporma at pagbabago rito.

Malaki ang tiwala ni BBM kay Ruiz na sa kanyang pamumuno ay mapapalaki nito ang koleksiyon ng BOC upang makatulong sa pagsusulong ng maraming mabubuting proyekto at programa ng pamahalaang Marcos.

Muli isang mabunying pagbati at mabuhay ka, Sir Yogi!

***

May padrino ka ba, o may politikong tagabulong sa Civil Service Commission (CSC), Malakanyang o promotions committee sa Bureau of Customs?

Masuwerte ka, madali sa iyo na ma-promote ka at mabigyan ng mas “makatas” na puwesto.

Pero kung wala kang ‘Godfather’ o ‘Fairy Godmother,’ sori ka na lang, kahit sobra ka sa kuwalipikasyon, lahat ng training o pagsasanay ay mahusay mo nang nadaanan at naipasa, mananatili ka sa ‘yong puwesto at mauunahan ka sa karera ng promosyon dahil, ang totoo, uso pa rin sa BoC ang “palakasan” at umiiral pa rin ang “kung sino ang kakilala mo, at hindi kung ano ang nalalaman mo.”

Ang problemang ito ay idinadaing ng maraming mga kawaning “tumanda” na sa serbisyo, nakapasa na sa mga eksamen para ma-promote, naisumite na ang lahat ng rekisitos at mga dokumento sa kawanihan, maging sa CSC at sa selection and promotions board, at umasa na maitataas sa tungkulin, pero naunahan ng magagaling sumipsip at magregalo ng kung ano-ano.

“Nakatatamad nang mag-follow-up (ng promotion), kasi, hindi na merit system ang batayan,… what is being followed is, kung may kakilala ba kami na congressman o senador o kung may malakas ba kaming kamag-anak sa Malakanyang,” hinaing ng isang may-edad nang opisyal sa BoC.

Ang lalo pang nagpapakirot sa puso ng marami sa Customs, “kung sino pa minsan ang may mga kaso, sila pa ang naitataas sa tungkulin.

“Magsasabi pa ba kami ng mga pangalan ng mga may suspension order na, may desisyon na ang Ombudsman o ang Malakanyang, pero imbes na matanggal, na-promote pa,” gustong maiyak na reklamo ng isang nasa Assessment ng BoC.

May palakasan din sa pagpili ng mga dapat na mabigyan ng advancement at mga seminar training na rekisitos para mapabilis ang promotion.

“Kailangang magsipsip ka, kailangang magmukha kang atat na atat sa promotion para ikaw ay mapansin, and the worst, you have to make an offer… magregalo ka, magsuhol, kung kailangan,” sabi pa ng isa pang kawani.

Aniya pa, kailangang malapit ka sa “kusina” upang madaling makatikim ng handa.

“Kaya po, nanawagan kami sa bagong talagang Commissioner Yogi Felimon Ruiz, lalo na po sa Malakanyang at sa CSC, dumaan po tayo sa matuwid na sistema dahil ito po ang gusto ng ating Pangulong Bongbong… dapat po uso ang Juan Masipag, Juanang Matiyaga at Maalam, hindi po Juan Tamad, Juanang Tsismosa, Maritess at Maangas sa Customs,” pabiro pero totoong puna ng isang kawani sa Office of the Commissioner.

“Kung magaling ka at kuwalipikado sa trabaho, dapat ikaw ang maitaas sa tungkulin, hindi ang kung marami kang kakilalang backer,” aniya pa.

Pero malungkot din niyang inamin sa inyong lingkod : Kahit noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ngayong Marcos administration, usong-uso pa rin ang padrino/padrina system.

“Mahimbing na mahimbing pa rin sa pagkakatulog” ang Merit System.

***

Tandaan po natin, mas magiging mahusay ang ating mga pinuno sa pamahalaan kung atin silang tutulungan at susuportahan.

Tandaan din natin, bilang normal na tao rin ang Pangulo at mga kasama niya sa Gabinete, sila ay nagkakamali.

Hindi po sila Superman, o tulad ng mga bayaning likha ng pelikula na kayang gawin ang lahat ng ating naisin.

Magagawa lamang ng Pangulo at ng mga kasama niya ang naisin natin, kung sila ay ating pagtitiwalaan.

Tama na sila ay ating punahin at batikusin, pero ang siraan ang personal na wasakin sila, tayo ang higit na masasaktan.

Ating samahan ang matitinong pinuno, ating punahin ang tiwali at sila ay parusahan.

Pero ang lahat ay gawin sa paraang propesyonal at hindi dahil sa kalaban sila sa politika.

Ano mang atake at suporta sa Pangulo ay ginagawa natin sa ating sarili at sa kapwa natin Pilipino.

Sana nga, mas totoo na ngayon, mas makatotohanan na ngayon, mas makaaasa na tayo ngayon sa Marcos administration, mas may makikita tayong pag-unlad ngayon, at hindi ang pambobola at panliligaw sa sambayanang Pinoy.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment