Pamumuno ni PBBM sa DA, ikinatuwa ng mamamayan

KAMAKAILAN ay isinalin na ni Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero ang chairmanship ng influential na ASEAN Customs Directors-General kay Ho Chee Pong, ang hepe ng Singapore Customs, noong nakaraang 31st regional meeting ng mga directors-general.

Ang pagpupulong ay ginanap sa Singapore mula Hunyo 7 hanggang 9, ayon sa report.

Sa kanyang opening remarks, sinabi ni Guerrero, na ang Pilipinas “will continue to stand hand-in-hand” with member-states of the ASEAN.”

Patuloy na itataguyod ng Pilipinas ang “vision, mission and aspirations of the ASEAN Customs,” ayon kay Jagger na nagsilbing hepe ng grupo mula Hunyo 2021 hanggang Hunyo 2022.

Sinabi naman ni Ho Chee Pong na sa ilalim ng pamumuno ni Guerrero ay ang “ASEAN customs community made significant progress on various initiatives to enhance cooperation and integration among ASEAN member-states.”

Ang ASEAN directors-general meeting ay nagsisilbing avenue ng “consultation sessions” ng mga miyembro at mga partner nila sa labas ng rehiyon.

Ito ay kinabibilangan ng Australia, China, Japan, Korea at the World Customs Organization.

Kagaya ni Presidente Rodrigo R. Duterte at iba pang appointive government officials, matatapos ang termino ni Guerrero sa tanghaling tapat ng Hunyo 30.

Good luck po, Pangulong Duterte at Commissioner Jagger Guerrero.

***

Marami ang natuwa sa desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na pansamantala muna niyang pamunuan ang Department of Agriculture (DA).

Hindi na siguro matiis ni BBM ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na nagpapahirap hindi lang sa mga magsasaka at mangingisda kundi sa lahat ng mga kababayan natin.

Talagang panahon na para ang Pangulo mismo ng bansa ang magre-resolba sa mga problema ng agriculture sector.

Siguradong maraming pagbabago ang ipatutupad ni Pangulong Marcos sa kagawaran ng pagsasaka.

Bakit patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga produktong pagkain, at bakit bumabaha ang mga imported na produkto sa local market?

Baka naman may mga lingkod-bayan at mga negosyante na nakikinabang habang naghihirap ang taumbayan?

Nakakarating naman kaya sa mga pobre at naghihirap na magsasaka at mangingisda ang mga tulong o ayuda na nanggagaling sa national government?

Tanungin mismo ni Pangulong Marcos ang mga magsasaka at mangingisda kung may nakararating na ayuda sa kanila.

Huwag tanungin ang mga opisyal ng mga barangay at munisipyo dahil baka sila pa nga ang dahilan kung bakit naghihirap ang ating mga farm workers.

Maglagay ng hotline sa Malakanyang upang dito iparating ng taumbayan ang kanilang mga reklamo.

Dapat may maparusahan sa mga mapagsamantalang lingkod-bayan.

***

Tumataas na nga ang bilang ng mga nagkakaroon ng sintomas ng coronavirus disease o COVID-19.

Ang mabuti lang ay bihira naman ang nao-ospital dahil mild lang ang tumatamang COVID-19 sa kanila.

Sa tingin natin ay talagang epektibo ang bakuna laban sa nakakahawang sakit na ito.

Hindi nasayang ang malaking perang ginastos ng gobyerno para mabakunahan ang maraming kababayan natin. Ayon sa report, may 70 milyung Pinoy na ang nababakunahan.

Umaasa tayo na ipagpapatuloy ng papasok na administrasyon ang vaccination program sa buong bansa, lalo na sa mga lugar na marami pa ang mga residente na hindi pa nagpapabakuna.

Ang kailangan lang ay lalo pang paigtingin ang information campaign para mawala ang agam-agam ng ibang tao sa pagbabakuna.

Huwag natin sayangin ang pagkakataon dahil libre naman ang mga bakuna.

Napatunayan na ng siyensiya na talagang  mabisa ang bakuna laban sa mga sakit.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Comments (0)
Add Comment