Panahon na para amyendahan ang 1987 Constitution—Yorme Isko

PAGKAKAISA, pagtutulungan at pantay-pantay na karapatang maghalal ng mga kinatawan ng bayan.

Sa isang panayam, sinabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na kung nais natin ng tunay na pagkakaisa kailangan nang baguhin ang sistema ng paghahalal natin, mula sa presidente, bise-presidente at senador.

Kailangan nang amyendahan ang 1987 Constitution upang maging pantay-pantay ang representasyon sa mga mamamayan ng Mindanao, Visayas at Luzon, paliwanag ni Yorme Isko — kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.

Sa panukala ni Yorme Isko, kailangang maghalal ng dalawang senador sa bawat rehiyon at kung gayon, ang Senado ay bubuuin ng 34 na senador.

Kung ang pagpili ng senador sa bawat rehiyon, kahit walang pangalan, kahit hindi kabilang sa lokal na dinastiyang politikal, may pagkakataong mahalal.

Tama si Isko at matatandaan sa maraming pagkakataon, mas marami ang nauupong senador mula sa NCR, at kalapit na probinsya, pero ang Mindanao at Visaya, suwerte na ang isa o dalawa ang manalo para bumuo ng 24 senador.

Tulad ngayon, sa Cavite, tatlo ang nakaupong senador: Bong Revilla, Jr., Atty. Francis Tolentino at tumatakbong presidente, Ping Lacson.

Nangyaring magkapatid na Estrada ang sabay na nanalo na kinatawan ng San Juan City — sina dating senador Jinggoy at kapatid na si dating senador JV Ejercito.

Nangyari ring sabay na naupo ang magkapatid na abogado, dating senador at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at senador ngayon, Pia Cayetano ng Taguig.

Hindi nga parehas ang sistema kaya, nais din ni Yorme Isko na amyendahan ang 1987 Constitution at ito nga ay gawing bawat rehiyon ang pagboto sa senador — na tama lang na mangyari upang may dalawang senador sa bawat rehiyon, sa gayon, magkakaroon ng kinatawan sa Senado ang mga kapatid na Muslim at sa Visaya.

Kaya ang katulad ni Samira Gutoc na kandidatong senador ng Aksyon Demikratiko ay may malaking tsansa na manalo at ang iba pang deserving o mas karapatdapat na kumatawan sa kanilang rehiyon ay makapagsilbi sa Senado.

Sa kasalukuyang sitwasyon, mas lamang ang may pangalan, mas may pera, mas may malaking partido politikal at kawawa ang mahihirap, mas may talino, mas may kakayahan dahil hindi makakayang mangampanya sa buong bansa na mangangailangan ng daan-daang milyong piso at malawak na organisasyong politikal sa buong bansa.

Kung sa rehiyon lang mangangampanya ang isang nais maging senador, magiging parehas ang laban at may representasyon sa Senado ang lahat ng rehiyon.

Sa gayon, magkakaroon tayo na senador na Igorot na mula sa kanyang rehiyon; isang senador na Moro, o Lumad, o Tausog o kung saan man siya na iboboto ng kanyang kalugar.

Nais din ni Yorme Isko na mabigyan ng tiyak na trabaho ang bise presidente na tulad sa US, kung ano ang boto sa presidente, siya ring boto ng kanyang katiket.

Sa gayon, magkapartido ang mauupong pangulo at pangalawang pangulo at mangyayari, sila ay magtutulungan para sa kabutihan ng bansa.

Sa US, ang halal na bise presidente ay siyang mauupong Senate President, at sa gayon, naiiwasan ang ‘kudeta’ o agawan sa puwesto ng mga senador na madalas mangyari sa ating Senado.

Kailangan na rin ibalik sa two-party political system nang sa gayon, hindi na personalidad ng mga kandidato ang titingnan ng mga botante.

Ang magiging basehan ay ang adbokasiya ng partido, ang track rekord niyon, at ang plataforma ng gobyerno, hindi ang personalidad at karakter lamang ng mga kandidato.

Noon, dalawa lang ang umiiral na partido sa bansa: ang Liberal Party at Nacionalista Party, pero nang magtagal, naging maluwag na at ang nangyari, naging multi-political party na ang sistema natin at nauso na ang parang paru-parong bukid sa mga politiko na kung sino ang nakaupo at namamayaning partido, duon sila nagkukumpol-kumpol at nauso na ang balimbingan.

Sana nga, mangyari ang lahat ng nais na ito ni Yorme Isko nang mabago na ang sistemang politikal at maiahon ang bansa sa lugmok nitong kakagayan ngayon.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment