PBBM pinuri ang BoC

ISANG magandang araw sa lahat ng ating mambabasa, Lalo na ang mga kababayan natin sa Japan, Oman, KSA at iba pang panig ng mundo. Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati rin natin si La Dy Pinky, na sumailalim sa isang maselan na operasyon noong nakaraang Biyernes, Pebrero 7. Taglay ang ang pananalig sa Panginoong Diyos naging matagumpay ang operasyon at nagpapagaling na ngayon si Pinky. Salamat sa Diyos!

Binabati rin natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina: Ma. Theresa Yasuki, Pat Coronel, Tata Yap Yamazaki, Josie Gelo, Endo Yumi, Lorna Pangan Tadokoro, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Roana San Jose at ang kaibigan nang halos lahat ng Filipino sa Japan, si Hiroshi Katsumata.

Pagbati rin kay Joann de Guzman ng Oman. Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at kalusugan.

***

Talaga namang marami ang bumilib sa ginawa ng Bureau of Customs (BOC) noong nakaraang taon.

Ito ay matapos maitala ng ahensiya ang “highest ever revenue collection in history.”

Umabot sa P931.046 bilyon ang koleksyon ng BOC noong 2024.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ito ay lampas ng P40 bilyon sa koleksyon nitong P890.446 bilyon noong 2023.

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang sa ika-123 anibersaryo ng Aduana nitong Pebrero 7, na ginanap sa PICC, pinuri ni PBBM ang mga tauhan at opisyal nito dahil sa kanilang mga tagumpay.

“With the right collection of tariffs at our ports, our countrymen can enjoy faster travel, our children can have enough supplies and material for their education, and many of our youth can finish college,” sabi ng Pangulo.

Noong isang taon, ay nakakumpiska rin ang BOC ng smuggled goods na nagkahalaga ng mahigit na P85 bilyon, pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.

Ang laki ng mga nahuling kontrabando ay nagpapatunay lamang na lalong  pinaigting ng ahensya, sa ilalim ni Commissioner Bienvenido Rubio, ang anti-smuggling campaign nito.

Ang mga nakumpiskang produkto ay kinabibilangan ng mga palusot na vape products, counterfeit items at illegal fuel shipments.

Hindi lang ‘yan. Tinanggalan din ng BOC ng lisensiya ang may 50 importers at customs brokers dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas.

Sa taong ito ay naatasan ang BOC, na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF), na mangolekta ng P1.06 trilyon.

Maraming hamon ang kakaharapin ng ahensya sa taong ito, katulad ng patuloy na giyera sa Ukraine, kaguluhan sa Middle East at ang isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Pero hindi dahilan ang mga ito para hindi makamit ng BOC ang assigned collection target nito.

Naniniwala rin tayong may mga contigency plans ang gobyernong Marcos para malampasan ang mga problemang ito.

Tama ba, Finance Secretary Ralph Recto at Commissioner Rubio?

***

Sa Pebrero 11, simula na ng official campaign period para sa mga tumatakbong senador at partylist. Ang mga local candidates naman ay magsisimulang mangampanya sa Marso 28, batay sa iskdeyul ng Commission on Elections (COMELEC).

Nagpa-alaala ang Comelec na parehong mapaparusahan ang vote-buyer at vote-seller, ayon sa ating election laws.

Ang problema lang ay mahirap itong at kulang din sa mga tauhan ang Comelec.

Masyadong “enterprising” ang maraming kandidato, lalo na sa kanayunan na kung saan maraming nagugutom na botante.

Sa tingin ng marami, mahirap mawala ang vote-buying hangga’t nandiyan ang kahirapan sa bansa. ‘Yan ang reyalidad sa Pilipinas.

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa +63 9178624484)