PCG, ‘di “magpapagamit” sa mga korap sa BOC

“MUNTIK” nang “mapalundag” ng mga “tolongges” (read: mga “korap”) sa Aduana kamakailan ang mga kasapi ng Philippine Coast Guard.

Kung hindi pa rin batid ng publiko, nagkaroon ng “kasunduan” ang PCG at ang Bureau of Customs (BOC) matapos maging customs commissioner noong Oktubre 2018 itong ating kaibigan na si ex-AFP chief, Gen. Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero.

Batay dito, magiging “kabalikat” at “katulong” ng Aduana ang PCG sa paglaban sa ismagling, partikular na ang pagtiyak na walang makakapasok na kontrabando sa bansa.

Nagsisilbi rin bilang “mata” ni Comm. Jagger ang mga operatiba ng PCG sa tuwing may mga ‘raid’ sa mga lugar kung saan dinadala ang mga pinalusot, ehek, nakalusot na kargamento sa ating mga pantalan.

Kaya nga ngayon, “normal” na makitang kasama ang PCG (at PDEA) sa mga binubuksang container vans sa mga pantalan na hinihinalang naglalaman ng mga iligal na kargamento.

Kumbaga, ang PCG ang “mata” o ‘counterbalance’ ni Comm. Jagger, sa mga operatiba naman ng Aduana na ayaw pa ring tumigil sa gawaing korap at tiwali.

Bilang isang ‘independent body’ sa BOC, hindi naman kasi puwedeng palaging “magkapareho” ang ulat ng BOC at PCG sa bawat operasyon.

Kung palagi kasing ganito, eh, “kasabwat” na ang PCG at hindi ‘ka-partner’ ng BOC, tama ba, Comm. Jagger at PCG acting commander, Commodore Armando Balilo?

Bago kasi naging customs commissioner si Comm. Jagger, siya ang administrador ng Maritime Industry Authority (Marina).

At katulad ng PCG, ang Marina ay nasa ilalim din ng Department of Transportation (DOTr) kaya alam din ni Comm. Jagger ang galing at kakayahan ng PCG.

Kaya nga, noong nakaraang Biyernes, natuwa naman tayo na hindi pumayag “magpagamit” ang PCG sa masamang balak ng ilang kurimaw, agh, korap, d’yan sa BOC upang “perwisyuhin” (translation: huwag palabasin) ang 9X20 container vans ng ‘ceramic tiles’ sa Port of Manila.

Ang siste, “ipinahaharang” sa PCG ang kargamento dahil sa isyu ng binayarang buwis na isang ‘purely customs matter’ at labas sa nasasakupan ng MOA ng BOC at PCG.

Nalaman pa natin na lalo pang hindi pumayag ang PCG sa “timbre” sa kanila nitong ilang “ogags” sa Intelligence Group/Investigation Unit ng BOC upang harangin ang kargamento ng malaman nila na “pinepersonal” lang pala ng mga korap sa Aduana ang importer.

Eh, bakit hindi masasabing “pinepersonal,” samantalang sa nakaraang 3 buwan, halos kada linggo, hino-hold ng IG/IU ang lahat ng shipment dahil umano sa ‘derogatory information’ na sila rin lang naman ang gumawa!

At alam naman natin sa pantalan, kasamang Wiliam Depasupil, hindi ba? Kapag “napag-iinitan,” iisa lang ang ibig sabihin niyan—“makisama” ka naman, hehehe!

Aber, sa halos dalawang dekada na ba nating pagco-cover d’yan sa BOC, tayo pa ba ang dapat “lumundag” sa mga estilong panis nitong ilang mga kawatan d’yan, hehehe!

At mabuti na lang din at ‘fast-learner’ itong mga taga-PCG sa mga “gimik” nitong mga korap sa ahensiya ngayon ni Comm. Jagger kaya agad nilang tinanggihan ang balak na “panggagamit” sa kanila para lang mangyari ang kanilang kapritso sa katawan.

Kay Commodore Balilo, hindi masama kung bigyan mo ng komendasyon ang mga tauhan mo, hane?

At isa lang din ang ating ‘parting words’ sa PCG—“Keep up the good work, gentlemen!”

Mabuhay kayo!!!

Comments (0)
Add Comment