Permanenteng istruktura kailangan natin sa WPS

SA mga nauna nating kolum re: China’s bullying tactics, sinuhestyon ng pitak na ito na magtayo na tayo ng sarili nating ‘permanent structures’ sa Kalayaan Island Groups, sa Isla ng Pag-asa at sa Ayungin Shoal na kinaroroonan ng nakabahurang BRP Sierra Madre.

Huwag na tayong umasa na may mangyayari sa daan-daang  diplomatic protest — na itinatapon lang na parang toilet paper; kahit pa idineklara ng Permanent Arbitration Court (PCA) na invalid ang ‘nine-dash line claim’ at tayo ang totoong may ‘exclusive sovereign right’ sa West Philippine Sea (WPS), walang pakialam ang China.

Basta para sa Beijing walang kuwenta, walang bisa ang desisyon ng PCA!

Kaya, welcome news sa inyong abang lingkod ang panukala ng ilang kongresista na umpisahan na natin ang pagtatayo ng kongkretong istruktura sa Spratleys, ito ay upang ipakita natin sa China, at sa mundo, atin, tayo, ang may karapatang umangkin sa WPS.

Kung may base tayo sa mga islang ito, hindi lang salita ang pag-angkin natin sa WPS; ito ay pagpapakita ng ating presensiya, at ang aktuwal na pag-okupa sa mga bahurang iyon na nakadaong ang ating mga gamit at sasakyang pandagat.

Kung may permanent military and naval base tayo sa WPS, madali nating magagawang magpatrolya sa sakop nating teritoryo; magiging madali ang pagbabantay sa seguridad ng ating mangingisdang Pinoy.

At sa permanenteng istruktura, duon matatanim natin ang ating pambansang watawat at deklarasyon sa lahat: Atin ang WPS!

Tama si Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ideklara sa gobyerno ng Australia na handa ang Pilipinas na idepensa ang soberenya natin sa alinmang  bansa na magnanais na agawin ang ating exclusive sovereign right sa WPS.

Tama na protektahan natin ang natural at talagang atin!

Panahon na upang patunayan hindi lang sa salita, hindi lang sa ngawa, kungdi sa gawa ang ating paggiit at pag-angkin sa mga Isla sa Spratly at mga bahura natin sa WPS.

I-priority natin ito at dapat umaksyon ang Kongreso at Senado na magpasa ng batas sa pagpopondo ng bilyon-bilyong piso para makapagtayo na ng permanenteng istrukura sa lugar.

Kung kayang maglaan ang House ng P500-bilyon sa ayuda; kung kayang magpondo ng P60-B sa AKAP para itulong  sa pamilyang kapos ang kita, at nakapagbigay na ng P26.7-B sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), mas kayang magpondo ng higit pa sa depensa militar natin at pagtatanggol sa ating karapatang angkinin ang ating teritoryo sa dagat ng WPS.

Sa pagkaalam ko, gumastos na ang US ng P70-B para itulong sa pagpapalakas ng ating depensa, siguro, kung totoo ang pangako nito na handang idepensa ang Pilipinas laban sa dayuhang bansa na nais ito sakupin, siguro dapat na hingiin natin na tulungan tayo na magtayo ng permanent structures sa Kalayaan Islands.

US should walk the talk: patunayan nito na si Uncle Sam nga ay ating kakampi, at kung nagagawa nitong gumastos ng $11.6-B na tulong militar sa mga kakamping bansa nito, bukod ang pagbibigay ng armas de giyera at iba pa, ngayon ay hingiin natin ito sa US.

Kung puwede, magpasa ang Kongreso ng Amerika ng joint resolution na maglaan ng bilyong dolyares upang itulong sa pagpapatayo ng mga permanenteng istruktura sa WPS.

Kung nagawa nito na tumulong sa ibang bansa, siguro mas dapat na tumulong ang US sa atin bilang kanyang matapat na kaalyado sa Asia!

Mahalaga ito na maipakita natin sa China at sa ibang bansa natin na agawin sa atin ang mga isla sa Kalayaan na handa tayo na idepensa ang mga iyon, hindi sa salita lamang kungdi, higit sa lahat sa gawa.

Ipakita natin na mayroon tayong tapang, hindi lang sa bunganga; tayo ay may tapang sa gawa at kahandaang idepensa ang bansa sa alinmang bansa na nais tayong sakupin.

Yes, tama na ngayon ay umpisahan na ang pagtatayo ng permanenteng pasiliad sa  Spratlys: ang presensiya ng ating mga barko, militar at iba pang gamit sa depensa ay pagpapakita na seryoso tayo na igiit ang ating sovereignty sa WPS.

Dapat ang itayo natin duon ay hindi lang airport a seaport: gawin din natin na ang mga isla na iyon ay maging atraksiyon ng mga turista mula sa ibang bansa at kung ang mga isla ay maging paboritong destinasyon aakit sa mga dayuhang nais makita ang kagandahan ng Pilipinas, lalo nating matatampok ang katotohanang atin nga, tunay na tayo ang may lehitimong pag-angkin at may karapatan igiit ang ating tunay na pagmamay-ari at sovereignty sa mga isla sa Spratly.

Isa ito sa dapat na isulong na proyekto ng Department of Tourism at ng Department of National Defense at Department of Foreign Affairs na i-develop ang mga isla natin na atraksiyon sa mga dayuhang turista.

Opo, gawing tourism at business attraction ang mga isla sa Spratly, opo, malaking trabaho ito, pero kung ngayon ay uumpisahan at pagtutulungan ng lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, posibleng mangyari ito.

Tama si PBBM na handa ang Pilipinas na makipagtulungan sa China at isa ibang claimant sa WPS kung ang interes niyon ay pabor sa ating bansa.

Tama si PBBM na kontrahin ang mga polisiya na kontra sa ating interes at kung may kasunduang magbibigay sa atin ng parehas na pakinabang patungkol sa exploration sa WPS, tama na iyon ay ating isulong at gawin.

Basta ang mahalaga, interes natin ang una sa usapan, at hindi tayo dapat na pumasok sa kasunduang tayo ang malalamangan.

Ang Indonesia,Vietnam at Malaysia ay may kani-kaniyang bilateral agreement sa China patungkol sa industriya at   kalakalan, ito ay sa kabila na kaagaw sa pag-angkin sa WPS.

Kung nagagawa  nila ito, magagawa rin natin na magkaroon ng bilateral agreement sa China.

Basta sa ikauunlad ng ating industriya, kalakalan at iba pang kasunduang makikinabang ang Pilipinas, gayahin natin ang Indonesia, Vietnam at Malaysia.

Partnership. Mga Kasunduan at pagtutulungang sa mga kapwa natin bansa sa Asia ay kailangang maisulong upang mapalakas ang ating bansa  at mapalago natin ang diplomasyang nakabatay sa paggalang, at patutulungan bilang malaya at nagsasariling bansa.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).