“Personalin” mo na sila, Pang. Rody!

ANG mali ay mali, at ang mali ay dapat na ituwid upang ang mga may kasalanan ay maparusahan at nang hindi sila pamarisan ng maraming matitino.

Kaya marami ang humanga sa tibay ng dibdib ni Pang. Rodrigo Roa Duterte nang sabihin niya na talagang “pinepersonal” niya ang pakikibaka laban sa mga taong ang landas ay baluktot.

Pero sana ay hindi lamang “angas” o salita ang pahayag na ito ni Pang. Rody, dahil sa hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang mga kawalanghiyaan at katarantaduhan sa ilang tanggapan ng pamahalaan.

Hindi lamang salita ang kailangan sa kampanya laban sa mga tiwali at mga kasabwat sa pagnanakaw sa gobyerno.

Ngayon pa na kulang na kulang ang badyet ng pamahalaan, lalo pang tumitindi ang krisis sa kabuhayan sa buong mundo dulot ng Covid-19 pandemic; lalong dapat na patindihin ang paghahabol sa mga tax evader, at tax cheat o mga mandaraya sa buwis na nailalabas ang ilang mga kargamento dyan sa Bureau of Customs nang hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Kung nais ng Pangulo na tuluyang matakot ang mga tiwali at mga magnanakaw sa gobyerno at mga ismagler sa Customs , hikayatin niya ang mga kapanalig sa Kongreso na magsabatas ng parusang life imprisonment sa mga magnanakaw o mga mandarambong sa gobyerno pati na sa mga ismagler at mga kasabwat na mga opisyal ng pamahalaan.

At ang matitino namang opisyal ng gobyerno ay bigyan ng pamahalaang nang todong suporta dahil ang mga kalaban ng reporma at katinuan ay masasalapi, maiimpluwensiya, makapangyarihan at may kakayahang gumawa ng kasamaan at sukdulang pumatay, kung kailangan.

Dapat ipakita ni Pang. Duterte na siya ang lider ng tamang landas at may isang salita, at kung may mga kaibigan siya at kasama na mapatutunayang nakikinabang sa mga katiwalian, siya na ang unang-unang dapat na umusig at magpakulong.

Dito lamang natin mapatutunayang tunay na personalan na ang labanan sa katiwalian.

Dito lamang mapatutunayan na tamang landas nga ang tinatahak ng bansang ito na matagal nang naghahanap ng kaginhawahan.

***

Sa iba, ang kahirapan ang sinisisi sa masamang kapalaran nila, pero marami sa mahihirap noon ang ngayon ay gumagaang ang buhay dahil sa ginamit na hagdan o inspirasyon ang kahirapan para umasenso sa buhay.

May mga istorya naman tayo na nalalaman na lumaki na may gintong kutsara sa bibig pero dahil sa hindi marunong pahalagahan ang minanang malaking kayamanan, ngayon sila ay naghihirap sa buhay.

Edukasyon, pagiging parehas sa buhay na may kakambal na todong pagsisikap at pagtitiyaga ang susi sa pagtatagumpay sa buhay.

***

Century-old na nga raw ang problemang ito, pero buhay na buhay lagi ang mga ismagler sa Bureau of Customs.

Ayon nga sa report ng WB, umaabot sa higit P200 BILYON daw ang nawawala sa gobyerno dahil sa ismagling kada taon.

Ibig sabihin, sa bulsa ng mga ismagler, pumapasok ang bilyones na ito – kung paniniwalaan natin ang report ng World Bank, at walang dahilan kung bakit hindi natin ito paniniwalaan.

Simple lang naman kung tutuusin ito: kung walang sabwatan ang taga-Customs at mga ismagler, walang ismagling.

Kahit nariyan ang batas kontra ismagling kung ang nagpapatupad ng batas kontra sa mga ilegal na kargamento ay nasusuhulan at sa taginting ng salapi ay nabubulag ang mga mata, magpapatuloy ang ismagling, mga giliw na mambabasa.

Noong mag-EDSA Uno, ang akala ng marami, titino na ang gobyerno pero hindi pa rin.

Mula sa nanay ni PNoy na si Tita Cory Aquino, mga dating pangulong Fidel Ramo, Erap Estrada at ang kinamumuhiang regimen ni Lola Gloria Macapagal-Arroyo, Noynoy Aquino at kasalukuyang pamahalaan,  nagtayo at binuwag ang napakaraming anti-smuggling group o task force, pero ang tanong: May nangyari ba?

Ayon pa rin sa report ng World Bank, “smuggling has evolved and has become sophisticated.”

Kumbaga sa virus, nakakabalikwas at mas malakas pa kaysa dati kahit gamitan ng mabagsik na gamot!

E, ano ang solusyon, kung hindi nga makakayang labanan ang mga ismagler?

Sabi ni Ka Endo: Sa aming barangay, ang ginawa ni Kapitan, ‘yung mga lasenggero, mga loko ang ginawa niyang Tanod … hayun, tumino ang barangay namin!

Kuha n’yo?

***

Pahabol: Nakikiramay nga pala ang inyong lingkod sa kaibigan kong si Girlie Amarillo sa pagpanaw ng kanyang butihing ama na si Jeremias Amarillo ng Barangay Poctol San Juan, Batangas.

Ang akin pong taos pusong pakikiramay sa pamilya Amarillo.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment