SA KASAYSAYAN ng Bureau of Customs (BOC), sa panahon lang ni Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero naitala ng ahensya ang pinakamataas na buwanang “revenue collection.”
Ang nakagugulat pa ay nairehistro ng BOC ang “record collection” sa panahon ng mapaminsalang Coronavirus (COVID-19) pandemic na nagpabagsak sa ekonomiya ng buong mundo.
Akalain mo ba namang umabot ng P70.7 bilyon ang koleksyon ng ahensya noong Marso!
Ito’y lampas ng 23 porsiyento sa March target collection ng BOC na P57.7 bilyon.
Noong Marso 2021 ay umabot lang ng P54.7 bilyon ang buwanang koleksyon ng ahensya.
Dahil sa mataas na koleksyon noong nakaraang Marso ay umabot ng P188.5 bilyon ang nakolektang buwis at taripa ng BOC sa unang tatlong buwan ng taong ito.
Labing-apat sa 17 collection districts sa buong bansa ang nagawang lampasan ang kani-kanilang mga buwanang targets, ayon sa BOC financial service.
Ito ang mga collection district ng Aparri, Batangas, Cagayan de Oro, Cebu, Clark, Davao, Iloilo, Limay, Manila International Container Port, Ninoy Aquino International Airport, Port of Manila, San Fernando, Subic at Zamboanga.
Noong first quarter ng 2021 ay umabot lang ng P149.2 bilyun ang koleksyon ng BOC, ang pangalawang pinakamalaking revenue generating agency ng gobyerno.
Ang pinakamalaki ay ang Bureau of Internal Revenue (BIR). Ang BOC at BIR ay parehong nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) na pinamumunuan ni Secretary Carlos “Sonny” Dominguez.
Ngayong taon na ito ay naatasan ang mga taga-BOC na mangolekta ng tumataginting na P679.2 bilyon, na ayon kay Commissioner Guerrero ay “achievable.”
Sinabi ni Sir Jagger, dating hepe ng Armed Forces of the Philippines, na maaabot ng ahensya ang kanilang assigned tax-take “if imports grew by 10 percent” sa taong ito.
Dahil sa pagsipa ng presyo ng oil products sa pandaigdigang merkado at ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine ay lumaki ang tax collection ng BOC mula sa mga produktong petrolyo.
Huwag natin kalimutan na ang Pilipinas, kagaya ng ibang bansa, ay net oil importer.
Ito ay sa kabila ng pagsisikap ng gobyerno na maghanap ng iba pang renewable energy sources para hindi tayo laging umaasa sa napakamahal na fossil fuel.
Sa mga opisyal at tauhan ni Commissioner Guerrero, marami pong salamat sa maganda ninyong performance kahit na nandiyan pa rin ang pesteng COVID-19.
***
Painit na talaga ang pangangampanya ng mga kandidato, lalo na sa mga probinsya, siyudad at bayan.
Mabuti naman at under control pa ng Commission on Elections (Comelec) ang sitwasyon sa tulong ng mga pulis, militar, local government units at iba-ibang poll watchdogs.
Sa mga kandidato at sa kanilang mga panatikong lider at taga-sunod, huwag daanin sa init ng ulo ang pangangampanya dahil pulitika lamang yan.
Pagkatapos ng eleksyon ay puwede pa naman tayong lumahok sa pamamalakad ng gobyerno.
Sa totoo lang, malaking papel ang gagampanan ng mga matatalong kandidato, lokal man o nasyonal.
Magsisilbi kayong mga “fiscalizer” para masigurong walang mang-aabuso sa mga mananalong kandidato.
Ang mahalaga ay huwag na tayong sumama sa mga “destructive critic” ng administrasyon.
Tulungan natin ang bayan at taumbayan bilang mga “constructive critic.”
Punahin ang mga masamang gawain ng bagong administrasyon hindi para guluhin ang sitwasyon kundi para mapabuti at mapaganda ang serbisyo nito.
Sa isang demokrasya, na kagaya ng Pilipinas, kailangan natin ang isang epektibong political opposition para walang mga abusong mangyayari.
Hindi naman puwedeng yes ng yes na lang tayo kahit hindi na tama ang ginagawa ng mga namumuno sa bansa.
****
Tama ang ginawa ng gobyerno!
Kailangang unti-unti tayong bumalik sa mga dati nating ginagawa upang sumigla na uli ang ekonomiya.
Pero, dapat sumunod tayo sa mga minimum health protocol na kagaya ng pagsusuot ng maskara, laging paghuhugas ng kamay at huwag magkumpol-kumpol.
Magpabakuna tayo laban sa COVID-19 at iba pang sakit, lalo na ang mga bata at matatanda na madaling dapuan ng mga nakahahawang karamdaman.
Ubos na ang pera ng gobyerno. Kapag muling nag-surge ang COVID-19 ay baka mahihirapan na tayong bumangon dahil wala ng pondo ang gobyerno.
Tayo rin ang kawawa!
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).