MAY nagtanong: Kailan naman daw kaya uupakan o babanatan ni Pang. BBM ang Smart, Globe, Converge, DITO at iba pang ‘telcos’ sa mabagal na internet speed at interconnection na matagal nang inirereklamo ng milyon-milyong subscribers nila?
Sabi pa, kung hindi aayusin ng mga telcos ang internet speed at interconnection ay “bawiin” na lang ang prangkisa nila– at gobyerno na ang magpapatakbo sa operasyon nila.
Hanggang ngayon kasi, pulos ‘praise release’ lang sinasabing ‘improvement’ sa serbisyo ng ,mga telcos at wala tayong nararamdadaman na pagbabago.
Bukod sana pagkastigo, kung gagawin nga ni PBBM, dapat ay patawan ng mabigat na multa ang PLDT-Smart at Globe na hanggang ngayon ay nagkakamal ng bilyon-bilyong piso sa kabila ng super kupad, palpak na internet speed sa bansa.
Nakahihiya ang Pilipinas sa mundo na tayo ay isa sa pinakakulelat sa bilis ng internet connections!
***
Ang ‘access’ sa Internet ay kabilang na sa ating karapatang pantao, ayon na rin sa United Nations at kunektado ang internet speed sa bawat minuto ng ating galaw sa buhay.
Mahalagang gamit ito sa pagkuha ng mahahalagang impormasyon, kaalaman at sa negosyo. Idagdag pa dito ang halaga nito sa talastasan, edukasyon, siyensiya, kalusugan, at iba pang mahalagang porma sa kilos, pagsasalita, at imbensiyon sa makabagong mundo ng teknolohiya.
Sa ganang atin pa, dapat din na kastiguhin ni PBBM ang ‘National Telecommunications Commission’ (NTC) sa sinasabing pagpapabaya nito kaya superbagal ang internet connections natin.
Hindi “dinidisiplina” ng NTC ang mga telcos upang paghusayin ang kanilang serbisyo at makapantay tayo sa internet speeds ng ating mga kalapit bansa sa Asya.
Bukod sa pagkastigo sa NTC, dapat din na utusan ni PBBM ang ahensiya na magtakda ng ‘mandatory speed targets’ sa mga internet service providers (ISP) bawat taon, at kung hindi ito magawa ay patawan ng malaking multa kada araw.
Malaking tulong kasi sa pagbangon ng ekonomya kung mahusay ang serbisyo ng ating mga telcos kung saan nasa mahigit na 77 milyon ang internet users sa Pilipinas.
***
Uulitin natin: Kailangan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang suporta at tulong ng lahat para masawata at masugpo ang sindikato ng ismagling sa Aduana.
Hindi kakayanin ni Rubio kung mag-isa lamang siyang kumikilos, tiyak mahihirapan siyang masugpo ang ismagling na siyang dahilan ng malaking kawalan sa kabangbayan.
Totoo kasing nananatiling malakas ang ismagling sa bansa sa kabila ng maraming mahihigpit na batas na nagpaparusa sa mga ismagler.
Magagawa sana nating mapaunlad ang kabuhayan natin, mas mapatataas ang kalidad ng edukasyon, mas maraming hanapbuhay ang malilikha at malaking ambag sa kaban ng bayan ang bilyones na malilikom kung walang ismagling.
Ano nga ba ang “solusyon” para masugpo ang ismagling?
Sagot: Katapatan sa tungkulin, mahusay na pagsunod sa batas, tibay ng dibdib laban sa tukso ng madaling pagkakamal ng salapi sa “baluktot na paraan.”
Tanong ulit: Mayroon ba tayo ng mga ganitong opisyal at kawani ng BoC?
Sagot: napakarami nila, pawang matatapat, pawang matitino at nais na tunay na makapagserbisyo nang matapat sa bansa.
Kaya kailangan ang pakikiisa ng lahat para tuluyan nang masugpo ang ismagling.
Ngayon na ang panahon para simulan ang pagbabago at tuluyan nang patayin at wakasan ang halimaw na ismagling.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).