PNR South Rail Project, magandang proyekto ng DOTr

IPINAGMAMALAKI ng Department of Transportation (DOTr) ang muling pagbuhay sa Philippine National Railway (PNR) Bicol Project na popondohan ng mga Chinese contractors. Isa itong malaking hakbang sa pagpapaunlad ng tranportasyon sa bansa at ang matagal nang pagbuhay sa ating train system, na sadyang napabayaan matapos mapatalsik si Pang. Marcos noong 1986.

Pinirmahan ng DOTr ang P142 bilyong kontrata kasama ang China Railway Group Ltd, China Railway No. 3 Engineering Group Co. Ltd at China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd para sa unang bahagi ng 565-kilometrong proyekto.

Para sa unang 380 kilometro ng proyektong na magsisimjula sa Bgy. Banlic, Calamba City, Laguna at magtatapos sa Daraga, Albay, sasakupin nito ang 39 na siyudad at munisipalidad, apat na probinsya at dalawang rehiyon. Bubuuin ito ng pagtatayo ng 23 istasyon, 230 tulay, at 10 passenger tunnels.

Sa lawak ng proyektong ito, makikita natin ang dami ng mga makikinabang sa proyektong ito. Unang-una dahil mapapaikli nito ang biyahe papuntang Bicol na sa ngayon ay umaabot na 12 oras. Ayon sa DOTr, mapapaikli nito sa apat na oras na lamang ang byahe.

Dito pa lamang ay malaking ginhawa na sa mga mamamayan. Isa pa itong dagdag na transportasyon dahil alam naman natin at nakikita natin ang hirap ng pagbiyahe ng mga kababayan natin lalo na kapag may mga okasyon.

Naghahabulan at nagsisiksikan sa mga provincial bus para lamang makauwi. Maaari din itong makatulong sa trapiko lalo na tuwing peak season gaya ng Kapaskuhan.

Isa sa pinagmamalaki ng DOTr ang mga trabahong lilikhain nito para sa mga Pilipino. Hindi lamang sa mismong PNR kundi naging karanasan na ng mga istasyon ng tren gaya sa China, umuunlad ang lugar o komunidad kung saan naitatayo ang mga istasyong ito.

Subalit alam naman natin na hindi magiging perpekto ang ganitong proyekto at kailangan pa ring bantayan ng DOTr ang mga makikitang problema dito.

Halimbawa na rin ang mga masasagasaang komunidad na maaaring mauwi sa mga demolisyon. Ang mga sakahan ng mga magsasaka na tatamaan ng proyekto. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga tiyak na problemang kakaharapin at niniwala naman tayo na magagawan ito ng paraan ng DOTr.

Alam natin na marami ding babatikos dahil sa masamang imahe na ipinapakita kapag gawang China ang mga proyekto. Pero nakikita natin ang mabilis na pag-unlad ng mga proyekto mismo ng China sa kanilang bansa.

Gayunpaman, isang malaking hakbang ito para sa mga kababayan natin sa Timog Katagalugan at sa Bicolandia.

Alam nating maraming umaasa at nangangarap na muling mabuhay ang mga riles na ito para mapakinabangan ng mga mamamayan at ito na nga ang katuparan ng mga iyon.

Syempre pa, inaasahan din nating muling mabuhay ang train system sa Norte at syempre dapat magkaroon din ng ganitong mga katulad na proyekto sa ibang rehiyon gaya sa Mindanao para makatulong na mapabilis ang pag-unlad sa mga probinsya.

Comments (0)
Add Comment