‘(Political) Climate Change’

ISINUSULAT ko ito, wala na namang pasok sa maraming lugar, partikular sa Luzon, dahil kay ‘Super Typhoon Karding’ na muling “sumentro” sa maraming lugar sa Luzon kung saan pinakarami rin ang ating populasyon.

Sa pag-aaral at karanasan, 20 hanggang 25 bagyo ang ‘average’ na tumatama sa ating bansa kada taon, dahil na rin sa ating ‘geographical location.’

Translation? Napakalaking perwisyo sa kabuhayan at ekonomiya sa sitwasyon na hindi pa rin tayo nakakabangon sa masamang epekto ng ‘COVID-19 pandemic.’

Samantala, nasa ‘Ring Of Fire’ din ang Pilipinas kaya “tagilid” din tayo sa mga pagputok ng bulkan at mga lindol.

Gusto naman nating maniwala na ang perwisyong dala ng mga kalamidad ay matagal nang alam at nasa isipan ng ating mga lider? Harinawa!

Kaya nga ngayong “hinihimay” ang pambansang badyet, eh, dapat namang palaging “nakadiin” sa mga probisyon nito na ano mang istruktura at mga proyekto ay dapat ‘disaster resilient’ at ang mga nagpapatupad ng mga proyekto, partikular ang DPWH, “tubuan” naman ng “konsensiya.”

Translation? Bawasan na o tuluyan ng tigilan ang korapsyon sa implementasyon ng mga gawaing pambayan—tulay, kalsada, pabahay, etc. etc.

Dangan nga kasi, kahit pa magdagdag ng bilyon-bilyon sa pondo para sa mga proyekto para lang “tiyakin” na sila ay disaster resilient, kung nanakawin o kukupitin din lang ng mga ganid sa pamahalaan, wala rin, tama ba, mga kabayan?

Aber, hindi na biro ang lakas ng mga bagyo na tumatama dito sa atin ngayon dahil na nga sa lumulubhang problema ng mundo sa ‘climate change.’

At bilang isang mahirap (pa rin) na bansa, hindi rin naman puwedeng palagi na lang maubos ang pondo para sa mga ayuda at suporta sa mga tinatamaan ng kalamidad.

Kung palaging ganito, eh, malabong umangat ang estado ng Pilipinas sa antas ng ‘middle level economy’ sa loob ng susunod na dekada na isa sa mga “pangarap” ni PBBM. “Bomalabs” yan, Mr. President!

Hmm. Sa harap ng mga bagong datos at sinasabi ng mga eksperto at mga siyentipiko, mas mainam nga kaya kung magpatawag ng ‘Climate Change Summit’ si PBBM—hindi para “magpapogi” ang mga pulitiko kundi, upang seryosong mabalangkas ang mga kagyat at mga pangmatagalang programa at aksyon na dapat nating gawin sa mga susunod na araw at panahon?

Halimbawa, sinasabing “lumulubog” ang Pilipinas dahil sa pagtaas ng tubig sa Dagat Pasipiko. Eh, ano ang gagawin natin dito?

“Taasan” na lang ng taasan ang ating mga kalsada, katulad ng ginagawa ngayon sa Makati at Maynila—tingnan na lang ang ginawa dyan sa kalye ng España sa Maynila.

Solusyon ba talaga ang estilong ganyan sa problema sa pagbaha sa lugar na ‘yan? Sa totoo lang, sa mga “solusyon” na ganyan, may “kumita,” pa, yeheyy!

***

May isa pang ‘climate change’ na dapat maging maingat si PBBM. At ito ay ang ‘political climate’ sa Asya na pilit “pinaiinit” ni Uncle Sam sa patuloy nitong “pambubuyo” sa mga bansa sa Asya katulad ng ‘Pinas, na maging kaaway ng China.

Aba, Mr. President, kung hindi kayo magiging matalino, mulat at maingat, eh, malulubog ang ‘Pinas hindi sa baha, bagkus, sa mas matinding kalamidad nang giyera na palaging gusto nitong ‘Tadong Unidos.

Isa sa mga dahilan kung bakit nakakuha ng pinakamalaking mandato si PBBM noong halalan—higit 31.6 milyong boto kumpara sa higit 15 milyong boto ni Leni Robredo—ay sa paniwala na sa ilalim ng kanyang administrasyon, “ligtas” ang ‘Pinas sa giyerang isinusulong ni Uncle Sam laban sa China.

“Alam” kasi ng mga Pinoy na sakaling himala na “nakasilat” si Robredo sa halalan noong Mayo 9, 2022, eh, papayag itong gawin tayong “pambala” ng mga Kano sa “kanyon” laban sa China.

Ito ang magiging pinakamalaking kalamidad na dadanasin ng mga Pinoy na sana naman ay alam at nasa isipan palagi ni PBBM.

Abangan!

Comments (0)
Add Comment