‘Political Demolition’

CHARACTER assassination. Black propaganda, at sobrang paninira na walang batayan.

Ang mga ganitong taktika sa halalan ay matagal nang umiiral at hanggang kailan kaya ito magpapatuloy at ano ba ang magagawa natin upang mabawasan ang kay pangit na gawaing ito?

Tulad halimbawa ng mga kontra akusasyon ng mga kandidatong nagbabalak sumabak sa pagkapangulo sa 2022.

Ang akusasyon laban sa bayaw ni Vice President Leni Robredo na di umano ang siyang nagdadala ng mga iligal na droga sa Bicol ay maituturing na political demolition job at mga paratang lang raw ito ng mga kalaban.

Itinanggi naman ito agad ni Robredo at sinabing hindi totoo ang mga paratang na iyon laban sa kanyang bayaw.

Lumutang din ang paratang na palagi raw nagsisilbing prosecutor ng human rights group si VP Leni sa tuwing binabanatan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ilang grupong ginagamit ang isyu ng human rights group para atakihin at sirain ang kanyang administrasyon.

***

Ang laging tanong: Bakit palagi itong ikinakabit at lumulutang sa mga akusasyon laban kay VP Robredo?

Itinaon ba ang panahon ng ganitong pagbubunyag upang gulantangin, guluhin at “mas pasayahin” ang kampanyahan at  makasira sa mga kandidato na nais manalong pangulo?

Malinaw naman na kailangang malaman ng taumbayan ang mga katotohanan sa sinasabing kailigalan o anomalya kung mayroon man.

May karapatan ang taumbayan na malaman ang lahat ng ginawa, ginagawa ng mga taong ipinuwesto natin sa pamahalaan.

May public accountability ang mga opisyal na ito at tunay na dapat silang magpaliwanag sa atin kung totoo ba ang paratang?

Ang sa atin lang:  Idaan na sa korte ang mga ganitong paratang, at hayaan ang mga ebidensiya ang magsabi kung sino ang sinungaling at kung sino ang nagsasabi ng katotohanan.

Hayaan naman ngayong darating na eleksiyon na magpasiklaban ang mga kandidato sa kanilang mga talino  at karanasan, batay sa kanilang mga nagawa, ginagawa at kayang gawin.

Gawin nating matalino sa mga isyu ang mga botante at huwag nating gawing basurahan ng kung ano-anong inimbentong paratang ang dangal, pangalan at pamilya ng sinomang kandidato.

***

Hindi naman mahirap labanan ang ismagling kung tutuusin.

Katapatan sa tungkulin, mahusay na pagsunod sa batas, tibay ng dibdib laban sa tukso ng madaling pagkakamal ng salapi sa “baluktot na paraan.”

Mayroon ba tayo ng mga ganitong opisyal at kawani sa Bureau of Customs?

Ang sagot: napakarami nila, pawang matatapat, pawang matitino at nais na tunay na makapagserbisyo nang matapat sa bansa.

Ano ang dahilan at hindi tayo nagtatagumpay laban sa katiwalian?

Pagkakaisa ang kulang, pagwawalang-bahala ang naririyan, at ang pagsasabing, nandiyan na yan at hindi na maaari pang mawala.

Mali: magagawa ito, kung si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero at ang maraming matitino at matatapat ay ating tutulungan.

Ito ang kulang, at dapat na mangyari.

Sa kung paanong paraan, sumunod tayo sa batas at itinatakda ng mga regulasyon, at ‘wag kumunsinti ng mga mali.

Matuto tayong sumama sa pagbabago at huwag humadlang sa anomang ipinatutupad na pagbabago.

Magtulungan para puksain ang salot na ismagling!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments (0)
Add Comment