Problema sa Telco Towers: Mas “mabilis” kausap ang NPA

ALAM natin na “nanginig sa takot” ang mga opisyales ng ‘Globe’ at ‘Smart’ matapos “magbanta” sa kanyang SONA noong nakaraang Lunes, Hulyo 27, 2020, si Pang. Rody.

Aniya, sakaling hindi maayos ng mga “telcos” ang problema sa ‘signal’ ng Internet sa Pinas hanggang Disyembre eh, may “kalalagyan” ang nasabing ‘duopoly.’

Kaya naman noong nakaraang Biyernes, “humangos” sa Malakanyang si Globe Telecom president, Ernest Cu, upang ipaliwanag na “wala” naman sa kanila ang “problema” bagkus, nasa mga (korap) na LGUs at, sa problema sa ‘red tape’ sa burukrasya ng gobyerno.

Ayon sa Globe official, umaabot pala sa 25 hanggang 29 ang bilang ng mga “permit” na kailangan nilang asikasuhin para lang makapagtayo ng ISANG PIRASO ng ‘telecom tower,’ susmariosep!

Translation: Sa dami ng rekisitos, inaabot sila ng mula 8 buwan hanggang ISANG TAON para lang makapagdagdag ng ISANG TOWER, sanamagan!

Ayon pa kay Cu: “Ang 25 to 29 permit, umaabot nang walong buwan. Tapos marami pa ho kaming miscellaneous fees.

“Iba’t ibang klaseng tower fees. Meron kaming special use permit. Hindi ho namin ma-standardize,” ang sumbong pa ni Cu sa Pangulo.

Sa ginawang pagbubunyag ni Cu (na sinuportahan naman noong Lunes, Agosto 3, 2020, sa isang panayam sa radyo ni Mr. Mon Isberto, VP for communication, Smart Philippines), naging “malinaw” na “sablay” ang mga ipinarating na impormasyon kay PDU30 ng ilang kurimaw sa kanyang paligid na ang bulto ng problema ay nasa mga telcos.

Ang bulto pala ng problema, nasa kanyang gobyerno, araguy!

Ang siste nga kasi, mga kabayan, ang “bilis” ng Internet at ‘cellular signal’ ay nakabatay sa dami ng mga “poste” (tower) sa isang lugar; mas maraming tower, mas mabilis na Internet at cellphone signal.

Dagdag pa ni Isberto, hindi lang basta bilang ng tower ang kailangan, mga kabayan, bagkus, kailagan din na may linya ng ‘optic fiber cables.’

Ipinunto ni Isberto, na dating kasamahan ni Jose Maria Sison sa CPP-NPA, “hindi” rin bibilis ang Internet at cellphone signal kung hindi optic fiber cable ang gagamitin.

At ang “problema,” aniya pa, sa “paglalatag” ng mga nasabing kable, sandmakmak din umano ang mga kailangang “permit,” na dapat kunin sa mga LGUs at mga ‘national agencies,’ ayy sus, ginoo!

At mabuti naman na sa kanyang mga nalaman, noong Biyernes din, ipinag-utos ni PDU30 sa kanyang Gabinete na “hanapin” at “kilalanin” ang mga korap sa hanay ng mga LGUs at iba pang mga “tolongges” na nasa likod ng mabagal na proseso sa pagtatayo ng mga bagong telecom towers.

“Alam mo, you can ask Bong (Senator Bong Go), or Sonny (Finance Secretary Carlos Dominguez III) or the generals, kay Sec. (Eduardo) Año.

“Isumbong n’yo na lang nang diresto,” ani Pang. Rody, sa video ng pagpupulong na ipinalabas sa PTV-4 noon ding Biyernes.

“At ang order ko sa Cabinet ngayon is, to really take, kung pinakamabigat, the most drastic measure that you can find, para magkaintindihan,” dagdag niya.

 

 

Mabuti na lang at nakapagpaliwanag ang Globe at Smart at nalaman natin kung “sino” talaga ang sala sa ating “dispalinghado” na Internet at cellphone signal.

Sa ginawa namang aksyon ng Palasyo, siguro naman ay bibilis na ngayon ang pagtatayo ng mga towers dahil sa “pangbabalahibo” ni PDU30 sa mga LGU officials, hindi ba mga kabayan?

At marahil, ang hindi lang naisumbong ng Globe at Smart kay PDU30, mas “mabilis” pang kausap ang CPP-NPA, hahaha!

Eh, alam naman nating lahat na may mga panahon na matapos makapagtayo ng “tower” at mga ‘cellsites’ ang Globe at Smart, mauuwi rin sa wala dahil kung hindi pasasabugin, susunugin naman ng mga komunista, aguy!

Sa mga panahong ito, palagi pa ngang target ng CPP-NPA ang mga tower ng Globe!

Kaya nga, nagbalik tuloy sa aking alaala ang sagot noon sa akin nitong aking kaibigan na si CPP spokesman, Gregorio ‘Ka Roger’ Rosal (sumalangit nawa).

Noong panahon na palagi niya tayong kasama sa kabundukan ng Sierra Madre ay natanong ko siya minsan kung “bakit” mga tower ng Globe ang palaging puntirya ng mga NPA?

Ang kanyang sagot na hindi ko malilimutan? “Eh, kasi, hindi sila smart!,” hehehe!

Comments (0)
Add Comment